Tanong
Ano ang ibig sabihin na tayo ay nilikha na kakilakilabot at kamangha-mangha (Awit 139:14)?
Sagot
Idineklara sa Awit 139:14, "Ako'y magpapasalamat sa iyo sapagkat ang pagkagawa sa akin ay kakilakilabot at kamanghamangha. Ang iyong mga gawa ay kahangahanga; at iyon ay nalalamang mabuti ng aking kaluluwa." Ang konteksto ng talatang ito ay ang hindi kapani-paniwalang kalikasan at mga sangkap ng ating pisikal na katawan. Ang katawan ng tao ang pinaka kumplikado at kakaibang organismo sa mundo at ang pagiging kumplikado at pagiging natatangi nito ang naglalawaran ng karunungan ng Manlilikha. Ang bawat aspeto ng ating katawang lupa mula sa pinakamalaki hangang sa pinakamliit na selula na makikita lamang sa mikroskopyo ay nagpapakita na ang ating katawan ay tunay na kakilakilabot at kamangha-mangha.
Naiintindihan ng mga inhenyero kung paano magdisenyo ng maliwanag ngunit magaang na ilaw sa pamamagitan ng paglalagay ng isang matibay na materyales sa labas ng gilid ng tubo at pagpuno sa loob nito ng mas magaan at marupok na materyales. Ito ay ginagawa dahil sa mas maraming lakas sa ibabaw ng istruktura ang naibubuhos. Makikita sa pagaaral sa buto ng tao ang matibay na materyales sa labas habang ang nasa loob nito ay isang pagawaan ng iba't ibang uri ng selula ng dugo. Kung pagaaralan ang isang makabagong camera at ang kakayahan nito na magpapasok ng marami o kakaunting liwanag at ang kakayahan nitong itutok ang kanyang lente sa isang partikular na lugar sa isang malaking espasyo, makikita ang paulit-ulit na paggaya nito sa ginagawa ng mata ng tao. At dahil mayroon tayong dalawang bola ng mata, may mas malalim tayong persepsyon na nagbibigay sa atin ng kakayahan na hatulan kung gaano kalayo o kalapit ang isang bagay.
Ang utak ng tao ay isa ring kahangahangang bahagi ng katawan na ginawang kakila-kilabot at kamangha-mangha. May abilidad itong matuto, mangatwiran, at kontrolin ang napakaraming awtomatikong gawain ng katawan gaya ng bilis ng tibok ng puso, presyon ng dugo at paghinga at pagpapanatili ng balanse sa paglalakad, pagtayo at pag-upo, at ang lahat ng mga gawaing ito ay magkakasabay na nangyayari habang nakatutok ang ating atensyon sa ibang bagay. Kayang higitan ng kompyuter ang kakayahan ng utak na magkwenta ng numero ngunit wala itong sapat na kakayahan na higitan ang kakayahan ng isip na mangatwiran at magsuri. Ang utak ay may kamangha-mangha ding kakayahan na iangkop ang sarili sa mga nangyayari sa paligid. Sa isang eksperimento, kung magsusuot ang tao ng isang salamin na gagawing baliktad ang kanyang paningin dagling uunawain ng utak ang kanyang nakikita at itatama ang paningin ng tao. Kung pipiringan ang mata ng tao sa mahabang oras, ang ‘vision center’ ng utak ay magagamit para sa ibang gawain. Kung titira ang isang tao malapit sa riles ng tren, kokontrolin ng utak ang ingay at sasanayin ang tao sa ganitong sitwasyon hanggang sa parang hindi na niya naririnig ang ingay ng tren.
Pagdating sa maliliit na bahagi, ang katawan ng tao ay kakilakilabot at kamangha-mangha din. Halimbawa, ang mga impormasyon na kinakailangan sa pagreplika ng buong katawan ng tao, na kasama ang lahat ng detalye ay kayang ilagay sa dalawang sinulid ng DNA na matatagpuan sa nucleus ng bawat isa sa bilyon bilyong selula sa katawan ng tao. Ang sistema ng impormasyon at kontrol na kinakatawan ng ating nervous system ay napakasinsin kumpara sa mga naimbentong mga kawad at kable. Ang bawat selula, na minsang tinawag na ‘simpleng selula’ ay isang maliit na pagawaan na hindi pa ganap na nauunawaan ng tao. Habang nagiging mas makapangyarihan ang mga mikroskopyo ang iba pang mga kahanga- hangang detalye ng selula ng tao ay patuloy pang natutuklasan.
Isipin na lamang ang nagiisang nabuong selula ng isang batang ipinagbubuntis. Mula sa isang selula sa loob ng matris ay mabubuo ang iba't ibang uri ng tisyu, organ at Sistema. Ang lahat ay magkakasamang gumagawa sa tamang panahon sa isang kamangha-mangha at nagkakaisang proseso. Ang isang halimbawa ay ang butas sa septum sa dalawang ventricles sa puso ng isang bagong silang na sanggol. Ang butas na ito ay eksaktong magsasara sa tamang oras sa panahon ng pagsisilang ng sanggol upang hayaang dumaloy ang oxygen mula sa dugo patungo sa baga na hindi nangyayari habang ang sanggol ay nasa loob ng sinapupunan ng kanyang ina at tumatanggap ng oxygen sa pamamagitan ng pusod.
Gayundin ang panlaban ng katawan laban sa sakit ay kayang sugpuin ang napakaraming mga kaaway at ibalik ang sarili sa malusog na kalagayan sa pamamagitan ng pagkumpuni ng napakaliliit ng bahagi kahit pa na mga nasirang bahagi ng DNA at sa pagkumpuni ng malalaking bahagi gaya ng buto pagkatapos ng isang aksidente. Oo, napakaraming mga sakit ang kayang labanan ng ating katawan habang tayo ay tumatanda ngunit wala tayong ideya kung gaano karaming beses na sa ating buhay na iniligtas tayo ng ating sariling sistema mula sa tiyak na kamatayan.
Ang gawain din ng katawan ng tao ay hindi kapanipaniwala. Ang kakayahan nito na humawak ng malalaki at mabibigat na bagay at buong ingat na pagmanipula sa isang babasagin ng hindi iyon nasisira ay kahanga-hanga. Kaya nating nating pumana ng maraming beses at patamaan ang isang bagay sa malayo, magtype ng mga letra sa keyboard ng kompyuter ng hindi nagiisip, gumapang, maglakad, tumakbo, umikot, umakyat, lumangoy, magsirko at tumambling at gumawa ng mga simpleng gawain gaya ng pagpihit ng bumbilya na parang turnilyo, pagsisipilyo ng ngipin at pagtatali sa sintas ng sapatos ng hindi nagiisip. Tunay na simple lamang ang mga bagay na ito ngunit hindi pa nakapagdisenyo o nakapag programa ng isang robot ang sinuman na kayang gawin ang mga gawaing ito na gaya ng pagkilos ng katawan ng tao.
Ang gawain ng ating mga bituka at ang mga katabing organs, ang kawalang kapaguran ng pagpintig ng ating puso, ang pormasyon ng mga ugat at mga daluyan ng dugo, ang paglilinis ng ating dugo sa pamamagitan ng atay, ang pagiging kumplikado ng loob at gitnang tenga, ang kakayahang makalasa at makaamoy at ang napakarami pang gawain ng ating katawan na hindi pa natin nauunawaan ng ganap - ang bawa isa ay kagilagilalas at kapos ang kakayahan ng tao upang sila ay gayahin. Tunay na tayo nga ay ginawang kakilakilabot at kamangha-mangha. Anong laki ng ating pasasalamat na makilala ang ating Manlilikha sa pamamagitan ng Kanyang Anak na si Hesu Kristo - at mamangha hindi lamang sa Kanyang kalaaman kundi sa Kanyang pag-ibig din naman para sa atin (Awit 139:17-24).
English
Ano ang ibig sabihin na tayo ay nilikha na kakilakilabot at kamangha-mangha (Awit 139:14)?