Tanong
Nilikha ba ng Diyos si Satanas?
Sagot
Nilikha ng Diyos ang lahat ng mga bagay sa nakaraan, sa kasalukuyan at sa darating (Juan 1:3). Kasama rito ang mga pisikal na nilalang gayundin ang mga nilalang na espiritwal (Colosas 1:15-17). Ang tanging persona na may kapangyarihan na umiral sa Kanyang sarili at para sa Kanyang sarili – na nangangahulugang wala Siyang simula at wakas – at umiiral sa Kanyang sarili ay ang Diyos (Exodo 3:14). Kaya nga ang lahat ng mga bagay ay nilalang ng Diyos at sa Diyos (Awit 24:1).
May mga hula at pagtukoy sa Bibliya patungkol sa Hari ng Babilonia at Hari ng Tiro. Itinuturing ng karamihan ng iskolar ng Bibliya ang mga personalidad na ito na mga paglalarawan kay Satanas (Isaias 14:12–15; Ezekiel 28:13–17). Ang dalawang sitas na ito ang nagbibigay sa mambabasa ng isang sulyap sa kasaysayan at pinagmulan ni Satanas. Sinasabi sa mga talatang 12 at 14 ng Isaias na si Satanas ay nagmula sa langit. Sinasabi naman sa Ezekiel 28 na si Satanas ay nlikha ng Diyos (talata 13) bilang isa sa Kanyang mga kerubin (talata 14) at wala siyang dungis at kapintasan hanggang sa siya ay magkasala laban sa Diyos (talata 15).
Inilalarawan sa Bibliya na pagmamataas ang ugat ng pagkakasala ni Satanas (Ezekiel 28:17). Bago si Satanas mapalayas mula sa langit, maaaring napakaganda niya sa panloob at panlabas (Ezekiel 28:12). Maingat ang Ezekiel 28:15 sa paglalarawan na si Satanas ay nilikhang “walang kapintasan,” at sarili niyang desisyon ang magkasala laban sa Diyos (Ezekiel 28:16-18). Kaya hindi tamang paniwalaan na nilikha ng Diyos si Satanas na isa ng makasalanan sa umpisa pa lamang. Ang Diyos ay banal at hindi Siya lilikha ng anumang bagay o nilalang na salungat sa Kanyang sariling kalikasan (Awit 86:8–10; 99:1–3; Isaias 40:25; 57:15).
Kaya, habang tamang sabihin na nilikha ng Diyos si Satanas, hindi naman tamang sabihin na nilikha ng Diyos si Satanas na likas ng masama. Pinili ni Satanas na tahakin ang nais niyang landas (Isaias 14:13). Hindi ang Diyos ang dahilan ng pagkakasala ninuman (Santiago 1:13), bagama’t nilikha Niya ang isang mundo kung saan posible ang magkasala. Isang araw, wawakasan ng Diyos ang lahat ng kasamaan sa pamamagitan ng pagtatapon kay Satanas at sa kanyang mga kampon sa walang hanggang kaparusahan sa dagat-dagatang apoy (Pahayag 20:10).
English
Nilikha ba ng Diyos si Satanas?