settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ating matututunan sa buhay ni Noe?

Sagot


Una nating narinig ang tungkol kay Noe sa Genesis 5, na nagsisimula sa pariralang ito: "ito ang aklat ng mga henerasyon ni Adan." Ito ang pariralang inulit-ulit sa aklat ng Genesis, at idinetalye sa ikalimang kabanata ng Genesis ang makadiyos na linya ng lahi ni Set na salungat sa makamundong linya ng lahi ni Cain (Genesis 4:17-24). Kung ipagpapalagay na walang patlang ang mga henerasyon, si Noe ay kumakatawan sa ikasampung henerasyon mula kay Adan. "Nang 182 taon na si Lamec, nagkaroon siya ng anak. Piangnalanan niya itong Noe ay sinabi, '"Mula sa lupang ito na isinumpa ni Yahweh, ipinanganak ang lulunas sa lahat ng ating mga pagpapagal at paghihirap." Kaya't Noe ang ipinangalan niya sa kanyang anak'" (Genesis 5:28-29).

Mula sa umpisa, makikita natin na si Noe ay magiging espesyal dahil siya lamang ang miyembro ng kanyang lahing pinagmulan na ipinaliwanag pa ang pangalan. Sinabi ng kanyang amang si Lamec na ang kanyang anak na si Noe ang "magbibigay lunas" (Ang pangalang Noe ay katumbas ng salitang Hebreo para sa "pahinga" o "ginhawa"). Mabilis nating matututunan na si Noe ang magbibigay ng kaginhawahan sa kanyang angkan sa Genesis 6:1-8, kung saan makikita natin ang walang humpay na resulta ng pagbagsak ng tao sa kasalanan habang dumadami ang kasamaan sa buong mundo. Inakusahan ng Diyos ang sangkatauhan sa pananalitang ito: "Nakita ni Yahweh na laganap na ang kasamaan ng tao sa daigdig, at puro kasamaan na lamang ang palaging nasa isip nito" (Genesis 6:5). Ipinasya ng Diyos, "Lilipulin ko ang lahat ng taong aking nilalang. Lilipulin ko rin ang lahat ng hayop at mga ibon. Ikinalulungkot kong nilalang ko pa ang mga ito" (Genesis 6:7). Ngunit kahit na sa ganitong sitwasyon, mayroon pa ring pag-asa: " Ngunit si Noe ay naging kalugud-lugod kay Yahweh" (Genesis 6:8). Sa kabila ng kabi-kabilang kasamaan na lumalala na sa mundo, may isang taong natatangi sa lahat—isang tao na ang buhay ay kinaroroonan ng mabiyayang kamay ng Diyos. Nakatagpo si Noe ng pabor sa Panginoon. Ipapadama na ng Diyos ang kanyang hatol sa mundo dahil sa kasamaan nito, ngunit ipinagkaloob Niya ang Kanyang biyaya ng pagliligtas kay Noe at sa kanyang pamilya.

Ang Genesis 6:9 ang pasimula ng kuwento tungkol sa baha, at sa puntong ito natin matututunan ang tungkol sa buhay ni Noe. Si Noe ay isang taong matuwid, walang kapintasan sa kanyang henerasyon, at lumalakad na kasama ang Diyos. Halos makikita ang pag-unlad ng kanyang espiritwalidad sa deskripsyon ng buhay ni Noe. Sa pagsasabing si Noe ay matuwid, alam nating masunurin siya sa mga utos ng Diyos (sa abot ng kanyang makakaya at sa kanyang kaalaman kung paano gagawa ng mabuti sa kanyang panahon). Wala siyang dungis sa kanyang henerasyon at namumukod-tangi sa lahat ng tao sa kanyang panahon. Habang ang mga tao ay nandadaya, nabubuhay naman si Noe ng isang buhay na marangal at walang kinatatakutan. Sa huli, lumakad si Noe kasama ang Diyos, parehong ng kanyang ninunong si Enoc (Genesis 5:24); nagpapahiwatig ito hindi lamang ng isang masunuring buhay kundi ng isang buhay na may masigla at malapit na relasyon sa Diyos.

Makikita natin ang masunuring buhay ni Noe na ipinapakita sa kanyang kahandaan na sumunod ng

walang tanong-tanong sa utos ng Diyos na gumawa ng isang arko (Genesis 6:22; 7:5, 9; 8:18). Kung iisipin na maaaring hindi pa nakakakita si Noe at ang kanyang henerasyon ng ulan, ngunit sinabihan ng Diyos si Noe na gumawa ng isang malaking sasakyang pandagat na napakalayo sa tubig. Napakalaki ng pagtitiwala ni Noe sa Diyos anupa't agad siyang sumunod. Makikita ang walang kapintasang buhay ni Noe sa Kanyang pagsunod sa Diyos sa konteksto ng paparating na poot ng Diyos sa sangkatauhan. Sinabi sa atin ni Apostol Pedro na si Noe ay isang "mangangaral ng katuwiran" (2 Pedro 2:5), at sinabi naman ng manunulat ng Hebreo na "hinatulan niya ang sanlibutan" (Hebreo 11:7) sa pamamagitan ng kanyang matuwid na pamumuhay. Sa buong panahon ng paghahanda sa paparating na paghatol, nagpatuloy si Noe sa tapat na pagsunod sa Panginoon. Bilang ebidensya ng kanyang paglakad kasama ng Diyos pagkatapos ng baha, nagtayo si Noe ng isang altar at nag-alay ng mga handog sa Diyos (Genesis 8:20). Ang pagsamba ang sentro sa buhay ni Noe.

Bukod sa kuwento tungkol sa baha at sa maiksing salaysay tungkol sa kanyang kalasingan na itinala sa Genesis 9:20-27, wala tayong maraming alam tungkol sa personal na buhay ni Noe. Tiyak na hindi lamang ang kanyang pagkalasing ang makasalanang pangyayari sa kanyang buhay. Ang salaysay tungkol sa kanyang kalasingan ay kasama sa kuwento, maaring para ipaliwanag ang paglalaban sa pagitan ng mga Cananeo at mga Israelita. Sa kabila ng insidenteng ito, makikita natin na iginalang si Noe bilang isa sa mga taong matuwid sa kasaysayan ng bayan ng Diyos. Dalawang beses na binanggit ng Diyos sa Ezekiel 14 sa pamamagitan ng propeta na kung nabubuhay sina Noe, Daniel at Job sa lupain, hindi Niya parurusahan ang mga tao. Inihanay ng Diyos si Noe sa pagiging matuwid nina Daniel at Job. Kasama din si Noe bilang isang halimbawa ng pananampalataya sa Hebreo 11, isa pang indikasyon na itinuturing si Noe na isang modelo ng katapatan at pananampalatayang nakasisiya sa Diyos (Hebreo 11:6).

Sa lahat ng nasabi sa itaas tungkol kay Noe, ano ngayon ang ating matututunan sa kanyang buhay? Si Noe ay isang halimbawa ng buhay ng pananampalataya. Sinasabi sa Hebreo 11:7, "Dahil sa pananampalataya, pinakinggan ni Noe ang babala ng Diyos tungkol sa mga bagay na mangyayari ngunit hindi pa niya nakikita. Gumawa siya ng isang malaking barko upang siya at ang kanyang pamilya ay maligtas. Sa pamamagitan nito'y nahatulan ang sanlibutan, ngunit si Noe ay ibinilang na matuwid dahil sa kanyang pananampalataya sa Diyos." Hindi kailangang subukan ni Noe ang Diyos bago siya sumunod; inutusan siya ng Diyos at kagyat siyang sumunod. Pangkaraniwan na lang ito sa buhay ni Noe. Si Noe ay nagmula sa makadiyos na lahi ni Set na sinabihan ng Diyos, "Si Set ang ama ni Enos. Noon nagsimulang tumawag sa pangalan ni Yahweh ang mga tao sa kanilang pagsamba" (Genesis 4:26). Si Noe ay bunga ng ng henerasyon na sumunod at nagtapat sa Diyos. Kung gagawin nating modelo ang buhay ni Noe, wala ng mas maganda pang alituntunin na dapat sundin kundi ang maging "matuwid, walang kapintasan sa ating henerasyon, at lumakad na kasama ang Diyos." Sa ibang salita, maging tama ang relasyon sa Diyos at tama ang relasyon sa iba at magkakaroon ng isang maayos na relasyon sa Diyos at gumagalang at sumasamba sa Kanya. Ito rin ang tugon ni Jesus sa tanong ng isang dalubhasa sa Kautusan patungkol sa kung ano ang pinakadakilang utos (Mateo 22:37-39).

Kung teolohiya ang paguusapan makakakuha din tayo ng ilang aral mula sa buhay ni Noe. Una sa lahat, ipinapakita sa buhay ni Noe ang walang hanggang katotohanan na tayo ay naligtas dahil sa biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya (Efeso 2:8). Si Noe ay hindi isang natatanging indibidwal dahil nakaya niyang paglabanan ang makasalanang kalikasan na taglay nating lahat. Sumakanya ang biyaya ng Diyos, na kung hindi ipinagkaloob sa kanya ay mamamatay din siyang kasama ng lahat ng masasamang tao na nalunod sa baha. Si Noe ay isa ring pangunahing halimbawa na inililigtas ng Diyos ang Kanyang mga hinirang. Makikita natin na naging matiyaga ang Diyos patungkol sa paparating na baha habang itinatayo ni Noe ang arko (1 Pedro 3:20; 2 Pedro 2:5). Alam ng Panginoon kung paano ililigtas ang mga makadiyos mula sa mga pagsubok. Ang katotohanang ito ay malinaw na sinabi sa 2 Pedro 3:9, "Ang Panginoon ay hindi nagpapabaya sa kanyang pangako gaya ng inaakala ng ilan. Sa halip, nagbibigay siya ng pagkakataon sa lahat sapagkat hindi niya nais na may mapahamak, kundi ang lahat ay makapagsisi at tumalikod sa kasalanan."

Panghuli, ang buhay ni Noe ay nagsisilbing isang paalala na tiyak na darating ang hatol ng Diyos sa kasalanan. Tiyak na darating ang Araw ng Panginoon (2 Pedro 3:10). Ginamit ng Panginoong Jesus ang buhay ni Noe bilang paglalarawan sa darating na huling paghuhukom sa Kanyang muling pagparito (Mateo 24:37-38; Lukas 17:26-27). Dahil dito, kailangan nating sundan ang halimbawa ni Noe at maging mga "mangangaral ng katuwiran" at sundin ang mga salitang ito ni Pablo: "Kaya nga, kami'y mga sugo ni Cristo; ang Diyos mismo ang nakikiusap sa inyo sa pamamagitan namin. Kami'y nakikiusap sa inyo alang-alang kay Cristo: makipagkasundo kayo sa Diyos" (2 Corinto 5:20). Gaya ni Noe, dapat tayong maging mga kinatawan ni Cristo sa mga huling araw na ito. Paparating na ang Paghuhukom ng Diyos, ngunit iniaalok Niya ang pakikipagkasundo sa pamamagitan ni Jesu Cristo. Dapat nating dalhin ang mensaheng ito ng pakikipagkasundo ng Diyos sa lahat ng tao.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ating matututunan sa buhay ni Noe?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries