settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Okultismo?

Sagot


Binigyang kahulugan sa diksyunaryo ang okultismo sa ganitong paraan: “nakatago, sikreto at misteryoso, partikular na tumutukoy sa supernatural.” Ang mga halimbawa ng okultismo ay ang astrolohiya, pangkukulam (wicca), itim na sining, panghuhula, mahika (itim at puti), Ouija Board, tarot kards, espiritismo, parapsychology at satanismo. Laging interesado ang mga tao sa okultismo, mula pa noong unang panahon hanggang ngayon. Ang mga gawa ng okultismo at mga hindi pangkaraniwang pangyayari ay nakakaakit ng milyun milyong tao sa buong mundo at hindi ito limitado lamang para sa mga ignorante at hindi nakapag aral. May ilang mga dahilan kung bakit kaakit akit ang okultismo sa mga tao, kahit na sa panahong ito ng makabagong teknolohiya at siyensya.

Ang mga gawain ng okultismo ay kakakit akit sa tao dahil sa ating natural na kuryosidad. Maraming tao na nasangkot sa okultismo ang nagumpisa sa pakikibahagi sa mga inosenteng gawain gaya ng paglalaro ng Ouija board. Maraming nagumpisa sa ganitong paraan ang natagpuan ang sarili na lumalim ng husto sa okultismo. Sa kasamaang palad, ang ganitong uri ng pakikisangkot ay tulad sa pagkahulog sa isang kumunoy – madaling mahulog doon ngunit mahirap makaahon. Ang isa pang kaakit akit sa okultismo ay tila nagaanyaya ito ng mabilis at madaling sagot sa mga katanungan sa buhay. Masayang ilalahad ng isang astrologo ang iyong kapalaran at bibigyan ka naman ng direksyon sa buhay ng tarot kard habang ang isang psychic naman ay gagawa ng paraan upang makausap mo ang iyong namayapang kamaganak at sasabihin sa iyo na mabuti ang kanyang kalagayan sa kabilang buhay. Ang mga gawain ng okultismo ay kinokontrol ng mga demonyo na nagaalok ng mga impormasyon upang humanga ang mga biktima habang patuloy na lumalaki ang kontrol sa mga walang malay.

Ang panganib na dala ng okultismo ay hindi maaaring maisantabi o maliitin. Sinasabi sa atin ng Bibliya na kinamumuhian ng Diyos ang okultismo at binalaan Niya ang mga Israelita laban sa pakakibahagi sa mga gawaing ito. Ang mga paganong bansa na nakapalibot sa Israel ay likas na nagsasanay ng okultismo gaya ng pagsamba sa diyus diyusan, pangkukulam, mahika at espiritismo, at ito ang isa sa mga dahilan kung bakit binigyan Niya ng awtoridad ang Kanyang bayang Israel na itaboy ang mga paganong bansang ito mula sa kanilang lupain (Deuteronomio 18:9-14). Sinsabi sa atin sa Bagong Tipan na lalaki ang interes ng mga tao sa okultismo at ito ang isa sa mga tanda ng katapusan ng panahon: “Maliwanag ang sinasabi ng Espiritu na sa mga huling araw ay iiwan ng ilan ang pananampalataya. Susunod sila sa mga mapanlinlang na espiritu at sa mga katuruan ng mga demonyo” (1 Timoteo 4:1).

Paano natin makikilala ang okultismo at ang mga nagsasagawa nito? Ang insidente na kinasangkutan ni Pablo at Barnabas sa mga unang taon ng Iglesya ang isang magandang lugar upang simulan. “Nilibot nila ang buong pulo hanggang sa Pafos. Natagpuan nila roon ang isang salamangkerong Judio na nagkukunwaring propeta; Bar-Jesus ang kanyang pangalan. Kaibigan ito ni gobernador Sergio Paulo, isang lalaking matalino. Ipinatawag ng gobernador sina Bernabe at Saulo sapagkat nais niyang marinig ang salita ng Diyos. Ngunit sinalungat sila ng salamangkerong si Elimas (ito ang pangalan ni Bar-Jesus sa wikang Griego) upang huwag sumampalataya ang gobernador. Si Saulo, na tinatawag ring Pablo, ay puspos ng Espiritu Santo. Tinitigan niya si Elimas at pinagsabihan, "Ikaw! Anak ka ng diyablo! Kaaway ka ng lahat ng mabuti! Puno ka ng pandaraya at kasamaan! Bakit ba lagi mong pinipilipit ang katotohanan tungkol sa Panginoon?’” (Gawa 13:6-10).

Mula sa salaysay na ito, makikita natin ang ilang katangian ng mga taong nasasangkot sa okultismo. Sila ay mga bulaang propeta (talata 6) na tumatanggi sa mga pangunahing doktrina ng Kristiyanismo gaya ng pagka-Diyos ni Kristo, sa pagbagsak ng tao sa kasalanan, langit, impiyerno, kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya at ang pagtubos ni Kristo ng mga kasalanan ng tao doon sa krus. Ikalawa, ninanais nila na magkaroon ng impluwensya sa mga tao, partikular sa mga nasa posisyon ng kapangyarihan upang ilayo sila sa pananampalataya (talata 6-7). Ikatlo, ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya upang pigilan ang pagpapahayag ng tunay na Ebanghelyo ni Kristo at nilalabanan ang mga alagad ng Panginoon sa lahat ng paraan (talata 8). Kung hinahadlangan, pinapababaw ang kahulugan o tahasang tinatanggihan ang Ebanghelyo ng kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo, nasisiyahan si Satanas at ang kanyang mga demonyo.

Dapat na iwasan ang lahat ng anyo ng okultismo. Dapat na tayo ay “Maging handa at magbantay. Ang diyablo, ang kaaway ninyo ay parang leong umaatungal at aali-aligid na naghahanap ng masisila” (1 Pedro 5:8). Bahagi ng pagkontrol sa ating sarili at pagiging alerto ay ang pagiging matalino sa pagkilala sa mga gawa ni Satanas at hindi na dapat makisangkot o alamin pa ang bawat detalye ng mga gawain ng okultismo at mga pangyayaring may kaugnayan dito. Sa halip, dapat nating maunawaan ang pinakasentrong layunin ng Diyablo – ang kapahamakan ng ating kaluluwa – at dapat natin siyang labanan sa pamamagitan ng pagsusuot ng “buong baluti ng Diyos”(Efeso 6:10-18). Sa pamamagitan lamang nito makatatayo tayong matatag at mapapatay ang “nagbabagang palaso” ng Masama. English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Okultismo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries