Tanong
Ano ang open theism?
Sagot
Ang "open theism," na tinatawag ding "openness theology" at "openness of God," ay isang pagtatangka na ipaliwanag ang kaalaman ng Diyos sa relasyon nito sa kalayaan ng tao. Ito ang argumento ng open theism: may ganap na kalayaan ang tao; kaya't kung may ganap na kaalaman ang Diyos sa hinaharap hindi maaring maging tunay na malaya ang tao. Kaya nga hindi alam ng Diyos ang lahat ng mga bagay at mga mangyayari sa hinaharap. Inaangkin ng open theism na hindi maaaring malaman ang hinaharap. Kaya alam ng Diyos ang mga bagay na maaaring malaman ngunit hindi Niya nalalalaman ang mga bagay sa hinaharap.
Ibinabase ng Open theism ang paniniwala nito sa mga talata sa kasulatan na kung saan sinasabi na "nagbago ang isip ng Diyos" o "nasorpresa Siya" o "tila umuunlad ang Kanyang karunungan" (Genesis 6:6; 22:12; Exodo 32:14; Jonas 3:10). Sa liwanag ng mga talata na nagdedeklara na nalalaman ng Diyos ang hinaharap, ang mga talatang ito ay dapat na unawain na inilalarawan ng Diyos ang Kanyang sarili sa paraan na ating mauunawaan. Alam ng Diyos kung ano ang ating gagawin at kung ano ang ating magiging desisyon, ngunit "nagbabago ang Kanyang isip" patungkol sa Kanyang ginawa dahil sa ating ginawa. Ang pagkadismaya ng Diyos sa kasamaan ng sangkatauhan ay hindi nangangahulugan na hindi Niya alam ang magaganap sa hinaharap.
Salungat sa itinuturo ng open theism, sinabi ng Awit 139:4, 16, "Di pa ako umiimik, yaong aking sasabihi'y alam mo nang lahat iyon, lahat ay di malilihim.Ako'y iyong nakita na, hindi pa man sumisilang, batid mo kung ilang taon ang haba ng aking buhay; pagkat ito'y nakatitik sa aklat mo na talaan, matagal nang balangkas mong ikaw lamang ang may alam." Paano malalaman ng Diyos ang mga masalimuot na mga detalye sa Lumang Tipan tungkol kay Hesu Kristo kung hindi Niya nalalaman ang hinaharap? Paano maigagarantiya ng Diyos ang ating kaligtasan sa anumang kaparaanan kung hindi Niya alam kung ano ang mangyayari sa hinaharap?
Ang open theism ay nabigo sa pagtatangka nito na ipaliwanag ang mga bagay na hindi kayang ipaliwanag ng tao - ang relasyon sa pagitan ng walang hanggang kaalaman ng Diyos at ang kalayaan ng sangkatauhan. Kagaya ng mga hyper-Calvinist, na robot ang turing sa tao, ang open theism naman ay tumatanggi sa walang hanggang kaalaman at kapamahalaan ng Diyos. Ang Diyos ay dapat na unawain sa pamamagitan ng pananampalataya sapagkat "hindi kinalulugdan ng Diyos ang sinumang hindi nananalig sa Kanya" (Hebreo 11:6a). Kaya nga hindi ayon sa Kasulatan ang open theism. Ito ay isang simpleng pagtatangka ng taong may hangganan na unawain ang walang hanggang Diyos. Dapat na itakwil ng sinumang tagasunod ni Kristo ang katuruang ito. Habang ang open theism ay isang paliwanag sa relasyon ng kaalaman ng Diyos sa kalayaan ng tao, hindi ito isang Biblikal na paliwanag.
English
Ano ang open theism?