Tanong
Mayroon bang orihinal na Bibliya sa kasalukuyan?
Sagot
Ang sagot sa tanong na ito ay parehong “mayroon” at “wala.” Sa teknikal na paliwanag ay wala dahil ang mga orihinal na dokumento na binubuo ng animnapu’t anim (66) na aklat ng Bibliya na tinatawag ding ‘autographs’ ay wala sa pagmamay ari ng sinuman o ng anumang organisasyon. Gayunman, sa isang tunay na kaparaanan, ang sangkatauhan ay nagtataglay ng aktwal na mga aklat at salita na bumubuo sa Salita ng Diyos. Paano ito nangyari? Upang maunawaan kung paano isinulat ang orihinal na Bibliya at kung paano ito ikukumpara sa ating binabasa ngayon, mahalagang balikan ang proseso na nagresulta sa orihinal na pagipon ng mga aklat at kung ano ang nangyari mula noon.
Kasaysayan sa likod ng Orihinal na Bibliya
Ayon sa mga nagdududa at hindi naniniwala sa Bibliya, wala talagang tunay at “orihinal” na Bibliya. Naniniwala sila na ang Bibliya ay gawa lamang ng tao, hindi ng Diyos at unti-unti lamang itong nabuo sa pagdaan ng mga siglo sa pamamagitan ng mga rebisyon.
Tama naman na naisulat ang Bibliya sa loob ng napakahabang panahon. Isinulat ang mga aklat nito ng may apatnapung (40) manunulat sa loob ng mahigit sa isanlibo at limandaang (500) taon, at binubuo ito ng animnapu’t anim (66) na aklat – tatlumpu’t siyam (39) sa Lumang Tipan at dalawampu’t pitong (27) aklat sa Bagong Tipan. Ang Lumang Tipan ay nahahati sa tatlong pangkat: (1) Ang Pentateuch, na tinutukoy din na “Kautusan” at kinabibilangan ng unang limang aklat ng Bibliya; (2) Ang aklat ng mga Propeta, na kinabibilangan ng mahahaba at maiiksing aklat ng mga hula; at (3) Ang mga Sulat, na kinabibilangan ng aklat ng Awit, Kawikaan, at iba pang mga aklat.
Nahahati din ang Bagong Tipan sa tatlong pangkat: (1) Ang mga Ebanghelyo; (2) Ang kasaysayan ng Iglesya - ang aklat ng mga Gawa; at (3) Ang mga sulat ng mga apostol, na kinabibilangan ng lahat ng mga natitirang aklat sa Bagong Tipan.
Ang pagipon sa orihinal na Lumang Tipan
Paano inipon ang orihinal na Lumang Tipan? Ang pagbuo dito ay maaaring matunton sa pamamagitan mismo ng Kasulatan. Pagkatapos na isulat ni Moises ang Pentateuch (Exodo17:14; 24:4, 7; 34:27; Bilang 33:2; Josue 1:8; Mateo 19:8; Juan 5:46-47; Roma 10:5), inilagay ito sa Kaban ng Tipan at iningatan (Deuteronomio 31:24). Sa pagdaan ng panahon, iba pang mga kasulatan ang idinagdag sa unang mga aklat ng Bibliya. Sa panahon ni David at Solomon, ang natipong mga aklat ay inilagak sa templo (1 Hari 8:6) at pinangalagaan ng mga saserdote na naglingkod doon (2 Hari 22:8). Marami pang aklat ang idinagdag sa panahon ng paghahari ni haring Ezekias—ang mga imno ni David, mga Kawikaan ni Solomon, at ang mga aklat ng mga propetang sina Isaias, Oseas at Mikas (Kawikaan 25:1). Sa pangkalahatan, habang nanghuhula ang mga propeta, isinulat nila ang kanilang mga salita at isinama sa tinatawag natin ngayon na Lumang Tipan.
Sa panahon ng pagkakatapon ng mga Hudyo sa ibang bansa noong ikaanim na siglo, nagkahiwa-hiwalay ang mga aklat ngunit hindi nawala. Noong mga 538 B.C., bumalik ang mga Israelita sa kanilang bansa mula sa Babilonia at kalaunan, muling kinolekta ng saserdoteng si Ezra ang mga dating aklat at idinagdag sa mga tinipong aklat. Ang mga kopya ay inilagak sa isang kaban na ginawa para sa ikalawang templo at sa pamamagitan ng isang metikuloso at napakaingat na proseso, ginawa ang ibang mga kopya upang protektahan ang mga kinasihang Kasulatan sa pagkawala. Ang koleksyong ito ng mga aklat ng Lumang Tipan na isinulat sa wikang Hebreo ay ang tinatawag ng Judaismo na “Bibliyang Hebreo.”
Noong ikatlong siglo B.C., isinalin ang mga aklat ng Lumang Tipan sa wikang Griyego ng isang grupo ng pitumpung (70) iskolar na pawang mga Hudyo at ang natapos na salin ay tinawag na “LXX” (na ang kahulugan ay pitumpu o “70”), o Septuagint (isang salitang Latin na galing sa pariralang “ang salin ng pitumpung tagapagsalin”). Ginamit at binanggit ng mga apostol kabilang si Pablo ang Septuagint sa kanilang mga sulat. Kasama sa pinakamatandang manuskrito ng LXX ang mga bahagi ng Kasulatan noong una at ikalawang siglo B.C.
Noong A.D. 1947, natuklasan ang mga balumbon ng mga Kasulatan sa mga kuweba malapit sa Dagat na Patay, sa nayon ng Qumran sa Israel. Ang edad ng iba’t ibang bahagi ng balumbong ito ng kasulatan ay tinatayang mula ikalimang siglo B.C., hanggang unang siglo A.D. Naniniwala ang mga mananalaysay na may mga eskribang Hudyo na nangalaga sa lugar upang ingatan ang mga Kasulatan sa pagkawasak ng Jerusalem noong A.D. 70. Kumakatawan ang mga kasulatang ito na natagpuan sa Qumran sa halos lahat na aklat ng Lumang Tipan at ng ikumpara ang mga lumang manuskritong ito sa mga bagong manuskrito ay nakita na parehong pareho ang kanilang nilalaman. Ang tanging pagkakaiba ay mga baybay ng mga pangalan ng ilang indibidwal at ilang pagtukoy sa kasulatan.
Ang mga balumbon ng mga kasulatan sa Dagat na Patay ay patunay sa ganap na kawastuan at sa preserbasyon ng Lumang Tipan at nagbibigay sa atin ng ganap na pagtitiwala na ang Lumang Tipan na mayroon tayo ngayon ay ang parehong Lumang Tipan na ginamit ni Hesus. Sa katotohanan, isinulat ni Lukas ang isang pangungusap na sinabi ni Hesus tungkol sa pagbuo sa Lumang Tipan, “Kaya nga, sinasabi naman ng karunungan ng Dios, magsusugo ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol; at ilan sa kanila ay kanilang papatayin at paguusigin; Upang hingin sa lahing ito ang dugo ng lahat ng mga propeta, na ibinubo buhat nang itatag ang sanglibutan; Mula sa dugo ni Abel, hanggang sa dugo ni Zacarias, na pinatay sa pagitan ng dambana at ng santuario: oo, sinasabi ko sa inyo, na ito'y hihingin sa lahing ito’” (Lukas 11:49-51, idinagdag ang diin). Kinumpirma ni Hesus na kinasihan ng Diyos ang tatlumpu’t siyam (39) na aklat ng Lumang Tipan at ang mga talatang binanggit Niya mula doon. Binanggit ni Hesus ang kamatayan ni Abel sa Genesis at ang kamatayan ni Zacarias sa 2 Cronica – ang una at huling aklat ng Bibliyang Hebreo.
Ang pagipon sa orihinal na Bagong Tipan
Ang komposisyon ng Bagong Tipan ay opisyal na pinagkasunduan sa Konseho ng Carthage noong A.D. 397. Gayunman, ang karamihan sa mga aklat ng Bagong Tipan ay tinanggap ng unang iglesya na mas awtorisado bago ang konsehong ito. Ang unang koleksyon ng mga aklat ng Bagong Tipan ay iminungkahi ni Marcion noong A.D. 140. Si Marcion ay isang Docetist, (Ang Docetismo ay ang paniniwala na ang lahat ng espiritu ay mabuti at ang lahat ng materyal na bagay ay masama) kaya hindi isinali ni Marcion ang anumang aklat na nagtuturo na si Hesus ay tunay na Diyos at tunay na tao. Inedit din niya ang mga sulat ni Pablo upang tumugma sa kanyang sariling teolohiya.
Ang sumunod na iminungkahing komposisyon ng Bagong Tipan ay ang tinatawag na Muratorian Canon, noong A.D. 170. Isinama dito ang apat na Ebanghelyo, aklat ng mga Gawa, ang labintatlong sulat ni Pablo, 1, 2, 3 Juan, Judas, at Pahayag. Ang huling canon ng Bagong Tipan ay kinilala ni Athanasius, isang ama ng iglesya noong A.D. 367 at pinagtibay sa konseho ng Carthage noong A.D. 397.
Ngunit ipinapakita sa kasaysayan na ang aktwal na Bagong Tipan ay kinilala ng mas maaga ng unang iglesya at ito ay eksaktong kopya ng mga tinatawag na orihinal na sulat o ‘autographs.’ Una, ipinapakita mismo ng kasulatan na ang mga aklat ng Bagong Tipan ay itinuturing na hiningahan ng Diyos at kapantay ng Lumang Tipan. Halimbawa isinulat ni Pablo, “Sapagka't sinasabi ng kasulatan, Huwag mong lalagyan ng busal ang baka pagka gumigiik. At, ang nagpapagal ay karapatdapat sa kaupahan sa kaniya” (1 Timoteo 5:18, idinagdag ang diin). Ang sipi ay mula sa Lukas 10:7, na nagpapakita na itinuturing ni Pablo na “kasulatan” ang Ebanghelyo ni Lukas. Ang isa pang halimbawa ay ang pangungusap na ito ni Pedro: “At inyong ariin na ang pagpapahinuhod ng ating Panginoon ay pagliligtas; na gaya rin naman ni Pablo, na ating minamahal na kapatid, na ayon sa karunungang ibinigay sa kaniya, ay sinulatan kayo; Gayon din naman sa lahat ng kaniyang mga sulat, na doo'y sinasalita ang mga bagay na ito; na doo'y may ilang bagay na mahirap unawain, na isinisinsay ng mga di nakaaalam at ng mga walang tiyaga, na gaya rin naman ng kanilang ginagawa sa ibang mga kasulatan, sa ikapapahamak din nila” (2 Pedro 3:15-16, idinagdag ang diin). Malinaw na kinikilala ni Pedro na ang mga sulat ni Pablo ay kinasihan din ng Diyos kagaya ng Lumang Tipan.
Ikalawa, ang mga sipi mula sa mga ama ng unang Iglesya ang nagpapahintulot sa pagbuong muli sa Bagong Tipan na gaya ng hawak natin ngayon. Halimbawa, si Clement (c. A.D. 95) na sumipi mula sa labingisang (11) aklat sa Bagong Tipan, si Ignatius (c. A.D. 107) na bumanggit mula sa labimpitong (17) aklat ng Bagong Tipan, at si Polycarp (isang alagad ni apostol Juan, c. A.D. 110) ay sumipi mula sa labimpitong (17) aklat ng Bagong Tipan. Kung gagamitin ang mga siping ito ng mga ama ng iglesya, mabubuo ang buong Bagong Tipan maliban sa mga 20 hanggang 27 talata na karamihan ay mula sa Ikatlong sulat ni Juan. Ang ebidensyang ito ay saksi sa katotohanan na ang Bagong Tipan ay kinikilala na noon pa man bago pa ang konseho ng Carthage noong A.D. 397, at ang Bagong Tipan na hawak natin ngayon ay pareho sa mga isinulat ng mga apostol at ng mga manunulat ng Bagong Tipan dalawang libong (2,000) taon na ang nakalilipas.
Ikatlo, walang katapat na aklat sa sinaunang mundo sa bilang ng mga kopya at edad ang Bagong Tipan. May 5,300 Griyego, 10,000 Latin, at 9,000 na sari-saring kopya ng Bagong Tipan ang natitira pa ngayon at marami pa ang matutuklasan ng arkelohiya sa hinaharap. Ang kumbinasyon ng pagtaya sa edad at napakaraming bilang ng mga kopya ng Bagong Tipan ang dahilan kung bakit nasabi ni Sir Frederic Kenyon (dating direktor at principal librarian ng British Museum), “Ang agwat sa pagitan ng mga petsa ng orihinal na komposisyon at ng pinakamatandang natitirang ebidensya ay napakaliit at sa totoo ay balewala na, at ang anumang pagdududa na napasaatin ang mga Kasulatan kung paano sila isinulat ng mga orihinal na manunulat ay naalis na. Ang katotohanan at pangkalahatang integridad ng mga aklat ng Bagong Tipan ay maituturing na naitatag na ng lubusan.”
Orihinal na Bibliya – Konklusyon
Sa pagbubuod, habang walang sinuman ngayon ang nagtataglay ng mga orihinal na sulat ng mga manunulat ng mga aklat ng Bibliya, mayroon tayong natitirang mga kopya, at ang gawain ng mga Biblikal na mananalaysay sa pamamagitan ng siyensya ng tekstwal na kritisismo ay nagbibigay sa atin ng ganap na pagtitiwala na ang Bibliya natin ngayon ay eksaktong representasyon ng mga orihinal na sulat ng mga orihinal na manunulat. English
Mayroon bang orihinal na Bibliya sa kasalukuyan?