settings icon
share icon
Tanong

Ano ang pinakauna/ orihinal na iglesya? Ang orihinal / unang iglesya ba ang tunay na iglesya?

Sagot


Ang kakayahang alamin ang pinagmulan ng isang iglesya mula sa "pinakaunang iglesya" sa pamamagitan ng mga katuruan na nagmula pa sa mga Apostol ni Hesus ay isang malimit na argumento sa pagitan ng ilang mga iglesya sa paggiit na ang kanilang iglesya ang "nag-iisa at tunay na iglesya". Ang Simbahang Romano Katoliko ay isa sa mga umaangkin ng ganitong pahayag. Ilan sa mga sektang Protestante ay nagbibigay din ng ganitong pahayag. Ilan sa mga "kristyanong" kulto ay inaangkin din na sila ang tunay na iglesya. Paano natin malalaman kung alin sa mga ito ang totoo? Ang Biblikal na kasagutan ay — hindi mahalaga!

Ang pinakaunang iglesya, ang paglago, katuruan at mga kaugalian, ay naitala para sa atin sa Bagong Tipan. Si Hesus kasama ng Kanyang mga apostol, ay binanggit na magkakaroon mga bulaang guro sa hinaharap, sa katunayan maliwanag mula sa ilang sitas sa Bagong Tipan na ang mga apostol ay kinailangang lumaban sa mga bulaang guro. Ang pagkakaroon ng tala mula sa mga apostol o ang pagbabakas ng pinagmulan ng iglesya mula sa "orihinal na iglesya" ay hindi matatagpuan sa Banal na Kasulatan bilang katibayan kung alin ang tunay na iglesya. Ang binibigay ng Bibliya ay ang paulit-ulit na paghahambing sa pagitan ng mga maling katuruan at mga katuruan mula sa orihinal na iglesya. Ang pagtukoy kung ang iglesya ay ang "tunay na iglesya" o hindi ay malalaman sa pamamagitan ng paghahambing ng mga katuruan at kaugalian sa iglesya na nasa Bagong Tipan, na siyang naitala sa Banal na Kasulatan.

Halimbawa, sa Mga Gawa 20:17-38, nagkaroon si Apostol Pablo ng pagkakataon na makausap ang mga pinuno ng iglesya sa malaking siyudad ng Efeso ng harapan sa huling pagkakataon. Sa talatang iyon, sinabi niya sa kanya na ang mga bulaang guro ay hindi lamang nabibilang sa kanila kundi MAGMUMULA mismo sa kanila (talata 29-30). Hindi ipinahayag ni Apostol Pablo ang katuruan na dapat sundin ang "unang" iglesya bilang sandigan ng katotohanan. Bagkus, iniutos niyang ipagkatiwala ang pangangalaga sa "Diyos at sa salita ng Kanyang Biyaya" (talata 32). Samakatuwid, ang katotohanan ay malalaman sa pagdepende sa Diyos at sa "Salita ng Kanyang Biyaya" (halimbawa, tingnan ang Juan 10:35).

Ang pagtitiwala sa Salita ng Diyos, sa halip na sa pagsunod sa mga indibidwal na mga "tagapagtatag ng iglesya" ay makikitang muli sa Aklat ng Mga Taga-Galacia 1:8-9, kung saan sinabi ni Pablo: "Datapuwa't kahima't kami, o isang anghel na mula sa langit, ang mangaral sa inyo ng anomang evangelio na iba sa aming ipinangangaral sa inyo, ay matakuwil. Ayon sa aming sinabi nang una, ay muling gayon ang aking sinasabi ngayon, Kung ang sinoman ay mangaral sa inyo ng anomang evangelio na iba kay sa inyong tinanggap na, ay matakuwil." Kung gayon, ang pamantayan sa pagtukoy sa katotohanan mula sa kamalian ay hindi nakabatay kung SINO ang nagtuturo nito, "kami o isang anghel na mula sa langit", ngunit kung ito ba ay parehong ebanghelyo na kanila ngang natanggap - at ang ebanghelyo na ito ay nakatala sa Banal na Kasulatan.

Isa pang halimbawa ng pagdepende sa Salita ng Diyos ay makikita sa 2 Pedro. Sa sulat na ito, lumaban si Apostol Pedro sa mga bulaang guro. Sinimulan ito ni Pedro sa pagbanggit na tayo ay mayroong "mapagkakatiwalaang salita" na higit na masasandalan higit sa tinig ng Diyos na maririnig mula sa langit tulad sa pagbabagong-anyo ni Hesus (2 Pedro 1:16-21). At ang tinutukoy na "mapagkakatiwalaang salita" ay ang nasulat na Salita ng Diyos - ang Bibliya. Sinabi muli ni Pedro na ingatan ang "mga salitang sinabi nang una ng mga banal na propeta, at ang utos ng Panginoon at Tagapagligtas sa pamamagitan ng inyong mga apostol" (2 Pedro 3:2). Ang mga salita ng mga banal na propeta at mga utos ng Panginoon sa mga apostol ay kapwa nakatala sa Banal na Kasulatan.

Paano natin malalaman kung ang katuruan ng isang iglesya ay tama o mali? Ang tanging tiyak na pamantayan na sinasabi sa Kasulatan na mayroon tayo ay ang Bibliya (Isaias 8:20; 2 Timoteo 3:15-17; Mateo 5:18; Juan 10:35; Isaias 40:8; 1 Pedro 2:25; Mga Taga-Galacia 1:6-9). Ang mga kaugalian ay bahagi na ng bawat iglesya, at ang mga kaugalian ay dapat na isangguni sa Salita ng Diyos, baka ito ay sumasalungat sa katotohanan (Marcos 7:1-13). Habang totoo na ang mga kulto at minsan maging mga tinatanggap na tunay na iglesya ay binabaluktot ang Kasulatan upang pangatwiranan ang kanilang mga nakaugaliang tradisyon; gayunman, ang Kasulatan, kung susuriin lamang ang konteksto at matapat na pag-aaralan, ay magbibigay gabay patungo sa katotohanan.

Ang "unang iglesya" ay ang iglesya na nakasulat sa Bagong Tipan, partikular sa Aklat ng Mga Gawa at sa mga Sulat ni Apostol Pablo. Ang iglesya sa Bagong Tipan ay ang "orihinal na iglesya" at ang "tunay na iglesya". Malalaman natin ito dahil ito'y inilarawan, ng buong detalye, sa Banal na Kasulatan. Ang iglesya, ayon sa Bagong Tipan, ay dinisenyo at pundasyon ng Diyos para sa Kanyang iglesya. Sa batayan na ito, ating suriin ang pag-aangkin ng Romano Katoliko na sila ang "unang iglesya" na ginagawa ang mga sumusunod: pagdarasal kay Maria, pagdarasal sa mga santo, pagsamba kay Maria, pagpapasakop sa papa, pagtatangi sa mga pari, pagbibinyag sa sanggol, pagsunod sa sakramento ng pagpapabinyag at komunyon, o pagpapasa ng kapangyarihan ng mga apostol sa kanilang mga kahalili. Ang lahat ng mga ito ay mga pangunahing saligan sa pananampalataya ng Romano Katoliko. Kung karamihan sa kanilang mga pangunahing katuruan ay hindi isinagawa sa Iglesya sa Bagong Tipan (ang una at tunay na iglesya), paanong ang Romano Katoliko ang unang iglesya? Ang pag-aaral sa Bagong Tipan ay malinaw na ibubunyag na ang Romano Katoliko ay hindi katulad ng iglesya na inilarawan sa Bagong Tipan.

Ayon sa Bagong Tipan, sa kasaysayan ng iglesya, ito ay humigit-kumulang mula 30 A.D. hanggang 90 A.D. Sa ikalawa, ikatlo, at ikaapat na siglo, naitala sa kasaysayan ang ilang katuruan at kaugalian ng Romano Katoliko sa mga sinaunang Kristyano. Hindi ba'y makatwirang isipin na ang mga pinakaunang mga Kristyano ay higit na makakaintindi sa tunay na nais ipabatid ng mga Apostol? Oo, lohikal, ngunit may isang problema. Ang mga Kristyano sa ikalawa, ikatlo, at ikaapat na siglo ay hindi ang mga pinakaunang mga Kristyano. Muli, ang Bagong Tipan ay may tala ng mga katuruan at kaugalian ng mga pinakaunang Kristyano at ang Bagong Tipan ay hindi itinuro ang Katolisismo Romano. Ano ang paliwanag kung bakit noong ikalawa, ikatlo, at ikaapat na siglo ay nagsimulang ipakita ang mga tanda ng Katolisismo Romano?

Simple lamang ang sagot - ang mga iglesya noong ikalawa, ikatlo, at ikaapat na siglo (at mga sumunod pa) ay wala pang kumpletong kopya ng Bagong Tipan. Ang mga iglesya ay may kopya ng ilang bahagi ng Bagong Tipan, ngunit ang buong Bagong Tipan (at ang kabuuan ng Bibliya) ay wala pa noon hanggang naimbento ang paglilimbag noong 1440 A.D. Ang mga sinaunang iglesya ay ginawa sa abot ng kanilang makakaya na isalin ang mga katuruan ng mga Apostol sa pamamagitan lamang ng tradisyunal na pagsasalita, at sa pamamagitan ng limitadong pagkakaroon ng Salita na naisulat. Gayun din, madaling makapasok ang mga maling katuruan sa iglesya na ang tanging mayroon lamang ay ang Aklat ng Mga Taga-Galacia, halimbawa. Kapuna-puna na ang mga "Repormasyong Protestante" ay agad sumunod pagkatapos na maimbento ang palimbagan at ang mga salin ng Bibliya sa karaniwang wika ng mga tao. Nang magsimulang mag-aral ang mga tao ng Bibliya sa kanilang sarili, naging malinaw kung gaano kalayo ang Iglesya ng Romano Katoliko kung ikukumpara sa inilarawang iglesya sa Bagong Tipan.

Hindi nagbanggit kailanman ang Kasulatan ng "aling iglesya ang nauna" bilang batayan kung alin ang "tunay" na iglesya. Nangangahulugan ito na dapat gamitin ang Kasulatan ng isang iglesya bilang batayan upang tukuyin kung ito ay nagtuturo ng katotohanan at katulad ng unang iglesya. Napakahalaga na isangguni sa Kasulatan ang katuruan ng isang iglesya lalo na sa mga malalim na usapin gaya ng pagiging tunay na Diyos at tunay na tao ni Hesus, ang pagtubos ng kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang dugo, ang kaligtasan mula sa kasalanan ayon sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya, at ang kawalan ng pagkakamali ng Banal na Kasulatan. Ang "unang iglesya" at "ang tunay na iglesya" ay nasusulat sa Bagong Tipan. At iyon ang iglesya na dapat tularan, sundin at gawing modelo, sa katuruan at gawain, ng lahat ng mga iglesya.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang pinakauna/ orihinal na iglesya? Ang orihinal / unang iglesya ba ang tunay na iglesya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries