settings icon
share icon
Tanong

Ano ang orihinal na kasalanan?

Sagot


Ang terminolohiyang "orihinal na kasalanan" ay tumutukoy sa kasalanan nina Adan ng pagsuway sa Diyos ng kumain siya ng bunga ng puno na nagbibigay kaalaman sa mabuti at masama at ang epekto nito sa buong sangkatauhan. Ang orihinal na kasalanan ay maaaring pakahuluganan ng "ang kasalanan at ang paguusig ng budhi na mayroon ang lahat ng tao sa paningin ng Diyos bilang direktang resulta ng kasalanan ni Adan sa Hardin ng Eden." Ang doktrina ng orihinal na kasalanan ay nakatuon sa epekto nito sa ating kalikasan bago tayo dumating sa edad kung kailan tayo nagkaroon ng kaalaman sa paggawa ng masama. Ang mga sumusunod ang tatlong pangunahing pananaw patungkol sa ‘orihinal na kasalanan.’

Pelagianismo: Sinasabi ng pananaw na ito na ang kasalanan ni Adan ay walang epekto sa kaluluwa ng mga taong nagmula sa kanyang lahi maliban sa masamang halimbawa na siyang nag-impluwensya sa kanila na sundan ang kanyang masamang halimbawa. Ayon sa pananaw na ito, may kakayahan ang tao na tumigil sa pagkakasala kung kanyang gugustuhin. Ang katuruang ito ay salungat sa mga talata sa Bibliya na nagsasabi na ang tao ay alipin ng kasalanan at walang anumang kakayahan na kumawala roon (maliban sa biyaya ng Diyos) at ang kanyang mabubuting gawa ay ‘patay’ o walang kabuluhan upang maging marapat siya sa paningin ng Diyos (Efeso 2:1-2; Mateo 15:18-19; Roma 7:23; Hebreo 7:23; Hebreo 6:1; 9:14).

Arminianismo: Naniniwala ang mga tumatangkilik sa katuruan ng Arminianismo na ang kasalanan ni Adan ay nagresulta sa pagkakaroon ng buong sangkatauhan ng katutubong pagkahilig sa kasalanan na karaniwang tinatawag na ‘makasalanang kalikasan.’ Ang kalikasang ito ang nagtutulak sa tao upang magkasala kung paanong ang kalikasan ng pusa ang nagtutulak sa kanya upang ngumiyaw - ang kasalanan ay likas din sa tao. Ayon sa pananaw na ito, hindi kaya ng tao na tumigil sa pagkakasala sa kanyang sariling lakas; kaya nagbibigay ang Diyos ng pangkalahatang biyaya upang tulungan tayong huminto sa pagkakasala. Sa arminianismo, ang biyayang ito ay tinatawag na ‘prevenient grace.’ Ayon sa pananaw na ito, hindi tayo pinapanagot sa kasalanan ni Adan, kundi sa ating sariling kasalanan. Ang katuruang ito ay sumasalungat sa katotohanan na ang lahat ng tao ay nagdurusa dahil sa kaparusahan ng kasalanan ni Adan, kahit na hindi sila nagkasala sa paraang gaya ng kasalanan ni Adan (1 Corinto 15:22; Roma 5:12-18). Hindi matatagpuan ang katuruan ng prevenient grace sa Kasulatan.

Calvinismo: Ayon sa doktrina ng Calvinismo, hindi lamang nagresulta ang kasalanan ni Adan sa pagkakaroon natin ng makasalanang kalikasan, kundi nagresulta din ito sa patuloy na paguusig ng budhi sa harapan ng Diyos. Dahil ipinaglihi tayo sa kasalanan (Awit 51:5), nagresulta ito sa pagmamana natin ng makasalanang kalikasan na totoong napakasama kaya inilarawan sa Jeremias 17:9 na ang ating puso ay "magdaraya at walang katulad; wala nang lunas ang kanyang kabulukan." Hindi lamang natagpuang inuusig ng budhi si Adan dahil sa siya'y nagkasala, kundi ang paguusig ng budhi at ang kaparusahan sa kanyang kasalanan ay para sa atin din naman (Roma 5:12, 19). May dalawang pananaw kung bakit ang paguusig ng budhi ni Adan ay para din sa atin. Ang unang pananaw ay nagsasaad na ang lahi ng tao ay na kay Adan sa anyo ng binhi; kaya't ng magkasala si Adan, nagkasala din tayo dahil sa kanya. Ito ay kapareho ng Biblikal na katuruan kung bakit si Levi (isang angkan na nagmula kay Abraham) ay nagbayad ng ikapu kay Melquizedek para kay Abraham (Genesis 14:20; Hebreo 7:4-9), kahit na si Levi ay daan-daang taon pa bago isilang ng mangyari iyon. Ang isa pang pangunahing pananaw ay ang katuruan na si Adan ang nagsisilbing kinatawan ng lahat ng tao at dahil doon, nagkasala din tayo ng Siya'y magkasala.

Itinuturo ng Calvinismo na hindi kayang labanan ng isang tao ang kanyang kasalanan kung hindi sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu, at ang kapangyarihang ito ay makakamit lamang kung ang isang tao ay magtitiwala kay Kristo at sa Kanyang paghahandog para sa kasalanan doon sa krus. Ang pananaw ng Calvinismo sa kasalanan ang pinakamalapit sa katuruan ng Bibliya. Gayunman, paano papapanagutin ng Diyos ang tao sa isang kasalanan na hindi naman niya personal na ginawa? Ang isang mapapaniwalaang paliwanag ay naging responsable tayo sa ating orihinal na kasalanan ng piliin nating tanggapin ang ating makasalanang kalikasan at umaksyon ayon doon. May isang yugto sa ating buhay na nagkaroon tayo ng kaalaman sa ating pagiging makasalanan. Sa puntong iyon, dapat sana nating tanggihan ang ating makasalanang kalikasan at magsisi sa ating mga kasalanan. Ngunit sa halip, pinayagan natin ang makasalanang kalikasang, at ipinalagay natin na iyon ay mabuti. Sa pagpayag sa ating pagiging makasalanan, nagpahayag tayo ng pagsang-ayon sa ginawa nina Adan at Eba sa hardin ng Eden. Kaya nga lahat tayo ay inuusig ng budhi dahil sa kasalanang iyon kahit na hindi tayo ang mismong gumawa niyon.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang orihinal na kasalanan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries