settings icon
share icon
Tanong

Paano ako maliligtas?

Sagot


Ang isang simple ngunit pinakamahalagang tanong na maaaring itanong ng sinuman ay “Paano ako maliligtas?” Ito ay tumutukoy sa buhay na walang hanggan pagkatapos ng buhay na pansamantala sa mundo. Wala ng mas mahalaga pang isyu kaysa sa ating patutunguhan pagkatapos ng ating kamatayan sa lupa. Salamat na ang Bibliya ay may malinaw na katuruan kung paano maliligtas ang sinuman. Ang bantay bilanggo sa Filipos ay nagtanong kina Pablo at Silas, “Mga ginoo, ano ang kinakailangan kong gawin upang maligtas?” (Gawa 16:30). Sumagot sina Pablo at Silas, “Manampalataya ka sa Panginoong Jesus, at maliligtas ka” (Gawa 16:31).


Paano ako maliligtas? Ano ang dapat kung gawin upang ako ay maligtas?
Tayong lahat ay nagkasala (Roma 3:23). Tayo ay ipinanganak na makasalanan (Awit 51:5), at pinili nating lahat na magkasala (Mangangaral 7:20; 1 Juan 1:8). Dahil sa kasalanan kaya tayo mapapahamak. Ang kasalanan ang naghihiwalay sa atin sa Diyos. Ang kasalanan ang dahilan kung bakit tayo pupunta sa walang hanggang kapahamakan sa apoy ng impiyerno.

Paano ako maliligtas? Mula saan ako maliligtas?
Dahil sa kasalanan, nararapat na tayong lahat ay mamatay (Roma 6:23). Habang ang isa sa resulta ng kasalanan ay kamatayang pisikal, hindi lamang ito ang uri ng kamatayan na dadanasin ng isang nagkasala sa Diyos. Ang lahat ng kasalanan ay nagawa laban sa walang hanggang Diyos (Awit 51:4). Dahil dito, ang karampatang parusa sa nagkasala ay walang hanggan din naman dahil ang hustisya ng Diyos ay walang hanggan. Tayo ay inililigtas mula sa walang hanggang kapahamakan at pagdurusa sa apoy ng impiyerno (Mateo 25:46; Pahayag 20:15).

Paano ako maliligtas? Ano ang paraan na ibinigay ng Diyos upang ako ay maligtas?
Dahil ang karampatang parusa sa kasalanan ay walang hanggan, tanging ang Diyos lamang ang makababayad sa ating mga kasalanan dahil Siya lamang ang walang hanggan. Ngunit ang Diyos sa Kanyang kalikasan bilang Diyos ay hindi maaaring mamatay. Kaya nga ang Diyos ay nagkatawang tao sa persona ng Panginoong Hesu Kristo. Naging tunay na tao ang Diyos, nakipamuhay sa mundo ng mga tao at itinuro sa atin kung paano tayo maliligtas. Nang tanggihan ng mga tao ang kanyang mensahe at hatulan Siya ng kamatayan, kusang loob Niyang ibinigay ang Kanyang sarili at pumayag na ipako Siya sa Krus (Juan 10:15). Dahil naging tunay na tao si Hesus, maaari Siyang mamatay sa pisikal; at dahil tunay na Diyos din naman si Hesus, walang hanggan ang katumbas na halaga ng Kanyang kamatayan. Ang kamatayan ni Hesus sa krus ang perpekto at kumpletong pambayad sa ating mga kasalanan (1 Juan 2:2). Inako Niya ang parusa na tayo ang dapat tumanggap. Ang pagkabuhay na mag-uli ni Hesus ang nagpapatunay na ang kanyang kamatayan ay sapat na pambayad at perpektong handog para sa ating mga kasalanan.

Paano ako maliligtas? Ano ang dapat kong gawin?
“Manampalataya ka sa Panginoong Hesus, at maliligtas ka” (Gawa 16:31). Ginawa na ng Diyos ang lahat ng kailangang gawin upang ikaw ay maligtas. Ang gagawin mo ay tanggapin sa pamamagitan ng pananampalataya ang iniaalok Niyang kaligtasan (Efeso 2:8-9). Magsisi ka sa iyong mga kasalanan sa Diyos at Ilagak mo ng buong-buo ang iyong pananampalataya kay Hesus lamang at tanggapin na ang kamatayan Niya ang perpektong kabayaran para sa iyong mga kasalanan. Manampalataya ka sa Kanya upang hindi mapahamak ang iyong kaluluwa (Juan 3:16). Ang kaligtasan ay iniaalok ng Diyos katulad sa isang regalo. Ang iyong gagawin ay tanggapin ito sa pamamagitan ng pananampalataya. Si Hesus lamang ang tanging daan tungo sa kaligtasan (Juan 14:6).

Dahil sa iyong mga nabasa dito sa aming website, ikaw ba ay nagsisisi na sa iyong mga kasalanan at nagdesisyon na ilagak ang iyong pananampalataya kay Kristo? Kung Oo, i-klik ang “Tinanggap ko si Kristo ngayon” sa kahon sa ibaba.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano ako maliligtas?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries