settings icon
share icon
Tanong

Paano ako tinitingnan ng Diyos dahil kay Cristo?

Sagot


Ilang tagpo sa Banal na Kasulatan ang tumutukoy sa mga mananampalataya bilang “kay Cristo” (1 Pedro 5:14; Filipos 1:1; Roma 8:1). Ang Colosas 3:3 ay nagbibigay din ng ideya at sinabi nito na: ”sapagkat namatay na kayo at ang inyong buhay ay nakatago sa Diyos, kasama ni Cristo.” Pinagpapalit Niya ang Kanyang katuwiran sa ating mga kasalanan, kapag lumalapit tayo sa Kanya bilang wasak na makasalanan (2 Corinto 5:21).

Sa pamamagitan ng ating pagsisisi at pagtanggap sa kamatayan ni Jesus para sa atin, maaari na tayong tawagin bilang Kanyang anak (1 Juan 1:12; Galacia 3:26). Hindi tinitingnan ng Diyos ang ating mga kapintasan; sa halip ay ang katuwiran ng Kanyang sariling Anak ang Kanyang nakikita (Efeso 2:13; Hebreo 8:12). At ang nakikita na ngayon ng Diyos sa atin ay ang katuwiran ni Cristo na bumabalot sa atin, dahil sa ating pakikipag isa sa Kanya. Si Cristo lamang ang naging daan upang mapawi ang ating pagkakautang, maibalik ang ating kaugnayan sa Diyos, at upang magkaroon tayo ng katiyakan ng buhay na walang hanggan (Juan 3:16-18; 20:31).

Ako ngayon ay tinitingnan ng Diyos bilang isang bagong nilalang dahil sa aking pakikipag isa kay Cristo: “Kaya't kung nakipag-isa na kay Cristo ang isang tao, isa na siyang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao, sa halip, ito'y napalitan na ng bago” (2 Corinto 5:17). Nagkakaroon tayo ng kapayapaan sa Diyos at nagiging matuwid tayo sa Kanyang harapan (2 Corinto 5:17-21). Sa halip na ang ating kasalanan ang makita ay ang katuwiran na ng Kanyang Anak ang nakikita ng Diyos sa atin. Tinitingnan Niya tayo bilang pinawalang-sala, tinubos, pinabanal, at bilang niluwalhati (tingnan ang Roma 8:30).

Matututunan din natin sa Efeso 1:3-14 ang ilan sa mga paraan kung paano tayo tinitingnan ng Diyos dahil kay Cristo. “Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espirituwal na nagmumula sa langit dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo” (Efeso 1:3). Pinagkalooban tayo ng lahat ng ating kailangan. Tayo ay pinili “upang tayo'y maging banal at walang kapintasan sa harap niya. Dahil sa pag-ibig ng Diyos” (Efeso 1:4). Tayo ay itinuturing na banal at walang kapintasan dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo (tingnan ang 2 Corinto 3:18).

Sinasabi sa atin ng Efeso 1:5 na tayo ay itinalaga “upang maging mga anak ng Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo.” Ibig sabihin, tinitingnan tayo ng Diyos bilang kanyang anak (tingnan ang (Juan 1:12-13). Ito ay upang ”purihin ang kaluwalhatian ng kanyang kagandahang-loob na sagana niyang ibinigay sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak” Efeso 1:6). Dahil kay Cristo ay iniibig tayo ng Diyos, at binigyan niya tayo ng saganang kaloob sa pamamagitan ng “Kanyang kagandahang-loob” (Efeso 1:7-8).

Dahil kay Cristo, tinitingnan ako ng Diyos ngayon bilang tagapagmana ng mga kayamanan sa langit (Efeso 1:11; tingnan ang Roma 8:17). At nakikita Niya ako bilang kanya magpakailanman. Ang Banal na Espiritu ay Kanyang itinatak sa atin bilang “katibayan na makakamit natin nang lubos ang lahat ng pangako ng Diyos sa atin, at sa gayon ay pupurihin ang kanyang kaluwalhatian” (Efeso 1:13-14).

Tinitingnan ako ng Diyos bilang likha ng Kanyang mga kamay (Awit 139:13b; ihambing sa Efeso 2:10); bilang Kanyang kaibigan (Santiago 2:23); at bilang pinili, “banal at pinakamamahal” (Colosas 3:12). Tinitingnan niya ako bilang “patay na sa kasalanan” (Roma 6:12) ngunit “binuhay kasama ni Cristo” (Colosas 3:1); bilang templo ng Banal na Espiritu (1 Corinto 3:16); bilang mga batong buhay na itinalaga ng Panginoong Tagapagtayo (1 Pedro 2:5); at kabilang sa “bayang pinili, mga maharlikang pari, bayang banal, at mahalagang pag aari ng Diyos” (1 Pedro 2:9); bilang mga “dayuhang nakikipamayan lamang' sa daigdig na ito (1 Pedro 2:11). At tinitingnan ako ng Diyos bilang bahagi ng Kanyang kawan: “Siya ang ating Diyos, at tayo ang bayan sa kanyang pastulan, mga tupang kanyang inaalagaan” (Awit 95:7).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano ako tinitingnan ng Diyos dahil kay Cristo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries