Tanong
Paano makakapasok sa langit - ano ang mga ideya mula sa iba’t ibang relihiyon?
Sagot
Lumilitaw na may limang pangunahing kategorya kung paano makakarating sa langit ayon sa mga relihiyon sa mundo. Naniniwala ang karamihan na hahantong sa lubos na kasiyahan ang pagsusumikap at karunungan, pakikipag-isa sa Diyos (Hinduism, Buddhism, at Baha’i) kalayaan at kasarinlan (Scientology, Jainism). Ang iba, tulad ng Unitarianism at Wicca ay nagtuturo na ang buhay ay kung ano ang gusto mong maging at ang kaligtasan ay hindi mahalaga dahil ang kasalanan ay hindi umiiral. Naniniwala ang ilan na ang kabilang buhay ay hindi totoo o ito ay mahirap maintindihan para pag-isipan.
Ang mga kaugnay na paniniwala ng pagsamba sa Diyos ng Kristiyanismo-Judeo ay karaniwang naniniwala na ang pananampalataya sa Diyos at/o kay Jesus at ang pagtupad sa iba’t ibang gawain, kabilang ang bawtismo o ebanghelyo na tinitiyak na ang mga sumasamba ay mapupunta sa langit. Ang Kristiyanismo lamang ang nagtuturo na ang kaligtasan ay isang libreng kaloob ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo (Efeso2:8-9), at walang anumang gawa o pansariling pagsisikap ang kailangan o posible para makapasok sa langit.
Atheism: Karamihan sa mga Ateista ay naniniwala na walang langit at walang kabilang buhay. Hindi na umiiral ang mga tao kapag patay na. Sinusubukan ng iba na tuklasin ang kabilang buhay gamit ang quantum mechanics at iba pang siyentipikong pamamaraan.
Baha’i: Tulad ng ibang maraming relihiyon, itinuturo ng Baha’i na ang tao ay ipinanganak na walang likas na kasalanan at hindi nangangailangan ng pagliligtas mula sa kasalanan. Kailangan lang talaga na mailigtas ang tao mula sa kanyang maling paniniwala kung paano gumagana ang mundo at kung paano siya makikipag-ugnayan dito. Nagpadala ang Diyos ng mga mensahero upang ipaliwanag sa mga tao kung paano makamit ang kaalamang ito: Sina Abraham, Krishna, Zoroaster, Moses, Buddha, Jesus, Muhammad, at Baha’u’llah. Inihahayag ng mga propetang ito ang kalikasan ng Diyos sa mundo. Pagkatapos ng kamatayan, nagpapatuloy sa espirituwal na paglalakbay ang kaluluwa ng isang tao marahil, sa pamamagitan ng mga estado na kilala bilang langit at impiyerno hanggang dumating sa huling sandali na magiging kaisa siya ng diyos.
Buddhism: Naniniwala rin ang Buddhism na ang langit o “Nirvana” ay pakikipagisa ng espiritu sa diyos. Ang pag-abot sa Nirvana, isang transedental, masaya at espirituwal na kalagayan ay nangangailangan ng pagsunod sa Eightfold Path. Kabilang dito ang pang-unawa sa sansinukob, pagkilos, pagsasalita, at pamumuhay ng wasto at may tamang motibo. Ang pag aaral sa eightfold path ay magpapanumbalik sa espiritu ng isang mananamba sa diyos.
Chinese Religion: Ang relihiyong Tsino ay hindi isang organisadong simbahan ngunit isang pagsasama-sama ng iba’t ibang relihiyon at mga paniniwala kabilang ang Taoismo at Budismo. Pagkatapos ng kamatayan, hahatulan ang mga mananamba, at ang mabubuti ay ipadadala sa Buddhist paradise o sa Tao o isang natatanging tirahan. Ang masasama ay ipadadala sa impiyerno sa loob ng ilang panahon at muling magkakatawang tao pagkatapos.
Christianity: Kristiyanismo ang tanging relihiyon na nagtuturo sa tao na walang magagawa ang tao para makamit ang daan patungo sa langit o mababayaran ito. Ang tao ay alipin ng likas na pagiging makasalanan mula pa sa pagsilang. Kailangan ang ganap na pagtitiwala sa biyaya ng Diyos at pagkilala sa handog ni Hesu-Kristo para sa mga kasalanan ng mananampalataya. Ang tao ay naliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya sa kamatayan at muling pagkabuhay ni Kristo. Pagkatapos ng kamatayan, pupunta sa langit ang mga espiritu ng mga Kristiyano habang ang mga espiritu ng mga hindi mananampalataya ay pupunta sa isang pansamantalang lugar na tinatawag na impiyerno. Sa huling paghuhukom, ang mga hindi mananampalataya ay walang hanggang mahihiwalay sa Diyos sa lawa ng apoy.
Confucianism: Ang Confucianism ay nakatuon sa angkop na pag-uugali sa buhay sa lupa at hindi para sa hinaharap na langit. Ang kabilang buhay ay hindi alam pagkatapos ng kamatayan, kaya ang dapat gawin ay magsumikap na pagandahin ang pamumuhay sa pamamagitan ng pagbibigay pugay ang mga ninuno at paggalang sa mga nakatatanda.
Eastern Orthodox: Ang Orthodoxy ay isang Christian-Judeo religion na nagbibigay kahulugan sa mga pangunahing talata ng Kasulatan sa paraang ang mga gawa ay laging mahalaga para makapunta sa langit. Itinuturo ng Orthodoxy na ang pananampalataya kay Jesus ay kailangan para sa kaligtasan at ang pagiging katulad ni Kristo ay resulta ng impluwensya ni Kristo sa buhay ng isang mananampalataya. Itinuturo ng Orthodoxy na ito ay bahagi sa proseso ng kaligtasan. Kung ang prosesong ito (tinatawag na theosis) ay hindi naisasagawa ng wasto, maaaring mawala ang kanyang kaligtasan. Pagkatapos ng kamatayan, ang mga mananampalataya ay titira sa isang pansamantalang estado kung saan maaaring makumpleto ang pakikipagisa sa Diyos. Ang mga may pananampalataya ngunit hindi nakamtan ang sapat na pag-unlad sa theosis ay ipapadala sa isang pansamantalang “masamang kalagayan” at mapupunta sa impiyerno maliban kung debotong manalangin at kukumpletuhin nga mga naiwan nila sa lupa ang mga gawa ng awa para sa kanila. Pagkatapos ng huling paghuhukom, ang mga deboto ay ipadadala sa langit at ang iba naman ay sa impiyerno. Ang langit at impiyerno ay hindi lokasyon kundi pagpunta sa presensya ng Diyos dahil walang lugar na wala ang Diyos. Para sa mga tagasunod ni Kristo, ang presensya ng Diyos ay paraiso ngunit para sa mga hindi ligtas, ang presensya ng Diyos ay walang hanggang pagdurusa.
Hinduism: Ang Hinduismo ay katulad ng Budismo sa ilang paraan. Ang kaligtasan (o moksha) ay nakakamit kapag ang mananamba ay napalaya mula sa cycle ng reincarnation at ang kanyang espiritu ay naging kaisa ng diyos. Ang isang tao ay nagiging malaya sa pamamagitan ng pag-alis ng masamang karma - ang epekto ng masasamang gawa o masasamang layunin. Magagawa ito sa tatlong magkakaibang paraan sa pamamagitan ng walang pag-iimbot na debosyon at paglilingkod sa isang partikular na diyos, sa pamamagitan ng pang-unawa sa likas na katangian ng sansinukob o sa pamamagitan ng pag-master ng mga gawang kailangan para lubusang patahimikin ang mga diyos.
Sa Hinduismo, may higit sa isang milyong iba’t ibang mga diyos na may pagkakaiba-iba ng opinyon tungkol sa kalikasan ng kaligtasan. Nagtuturo ang paaralan ng Advaita na ang kaligtasan ay nangyayari kapag naiwaksi ng tao ang huwad na sarili at hindi na niya nakikilala ang sarili habang nagiging kaisa siya ng Diyos. Iginigiit naman ng mga dualista na laging nananatili ang kaluluwa ng tao sa kanyang pagkakakilanlan kahit na ito ay nakipagisa na sa diyos.
Islam: Ang Islam ay isang pag-aangkin sa Diyos ng Kristiyano/Judeo. Naniniwala ang mga Muslim na ang kaligtasan ay nakakamtan sa mga taong sumusunod kay Allah at ang mabubuting gawa ay mas matimbang sa masasamang gawa. Umaasa ang mga Muslim na ang pagsunod sa kung ano ang ginawa at sinabi ni Muhammad ay sapat na upang makarating sa langit, bumibigkas sila ng mga panalangin, pag-aayuno, pumupunta sa banal na lugar at nagsasagawa ng mabubuting gawa sa pag-asang makapasa sa timbangan. Ang paglilingkod kay Allah ay ang trabaho lamang na garantisadong magdadala sa mananamba sa paraiso.
Jainism: Ang Janism ay dumating sa India kasabay ng Hinduismo at halos magkatulad ang dalawang ito. Dapat nilang panghawakan ang paniniwala na dapat na magkaroon ng kaalaman at kumilos sa tamang paraan. Kapag nagawa nila ito, saka lamang malilinis ang kanilang kaluluwa mula sa karma. Ngunit walang manlilikha sa Jainism. Walang mataas na diyos na maaabot o magpapaabot ng tulong. Ang kaligtasan ay sa pamamagitan ng pagkilala sa sarili bilang panginoon ng kanyang sariling kapalaran na pinalaya at pinerpekto, puno ng walang katapusang pang-unawa, kaalaman, kaligayahan, at kapangyarihan.
Jehovah’s Witnesses: Ang mga katuruan ng Watchtower Society ay nagtutulak sa amin na ikategorya ang mga Saksi ni Jehova bilang isang kulto ng Kristiyanismo na nagkakamali sa pagpapakahulugan sa aklat ng Pahayag. Tulad ng mga Mormon, ang mga Saksi ni Jehova ay nagtuturo ng iba’t ibang antas ng langit. Ang mga natatangi ay ang 144,000 na tumanggap ng kaligtasan sa pamamagitan ng dugo ni Kristo at mamamahala kasama ng Diyos sa paraiso. Sila ang kasintahan ni Kristo. Para sa iba pa, pinalaya lamang sila ng handog ni Jesus mula sa sumpa ng orihinal na kasalanan ni Adan at ang “pananampalataya” ay ang tanging paraan para makamit ang kanilang daan patungo sa langit. Dapat silang matuto tungkol sa kasaysayan ng kaharian, sundin ang mga batas ni Jehova at maging tapat sa “Pamahalaan ng Diyos” - ang 144,000 na mula dito ay 9,000 sa kanila ang kasalukuyang nasa lupa. Dapat din nilang ipalaganap ang balita tungkol sa kaharian pati na ang pag-eebanghelyo sa bahay-bahay. Pagkatapos ng kamatayan, sila ay bubuhaying muli sa panahon ng kahariang milenyal kung kailan kailangan nilang ipagpatuloy ang isang debotong buhay. Pagkatapos nito ay bibigyan sila ng pagkataon na pormal na tanggapin si Kristo at mabuhay nang walang hanggan sa ilalim ng pamamahala ng 144,000.
Judaism: Naniniwala ang mga Judio na bilang mga indibidwal at bilang isang bansa, maaari silang makipagkasundo sa Diyos. Sa pamamagitan ng kasalanan (indibidwal o sama-sama) maaari nilang mawala ang kaligtasan ngunit maaari rin nilang bawiin ito sa pamamagitan ng pagsisisi, mabubuting gawa, at isang buhay ng debosyon.
Mormonism: Naniniwala ang mga Mormon na ang kanilang relihiyon ay hango sa Judeo/Kristiyanismo ngunit umaasa sa mga pansariling gawa para maligtas. Iba rin ang pananaw nila sa langit. Upang maabot ang ikalawang langit sa ilalim ng “general salvation,” dapat tanggapin ng isang tao si Kristo, (maaaring sa buhay na ito o sa susunod) at magpabautismo sa pamamagitan ng proxy na kamag anak. Kailangang maniwala sila sa Diyos at kay Jesus upang maabot ang pinakamataas na langit, magsisi sa mga kasalanan, magpabautismo sa simbahan, maging miyembro ng kanilang simbahan, tumanggap ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, sundin ang Mormon “Word of Wisdom,” at lahat ng utos ng Diyos, at kumpletuhin ang ilang mga ritwal sa templo kabilang ang kasal. Ang “individual salvation” ang daan para ang mananamba at ang kanyang asawa ay maging mga diyos at manganak ng mga anak sa espiritu na babalik sa lupa bilang mga kaluluwa ng mga buhay.
Roman Catholicism: Ang mga Romano Katoliko ay orihinal na naniniwala na ang mga miyembro lamang ng Simbahang Romano Katoliko ang maliligtas. Ang pagsali sa simbahan ay isang mahabang proseso ng mga klase, ritwal, at pagbibinyag. Ang mga taong nabawtismuhan na ngunit hindi miyembro ng Simbahang Romano Katoliko ay may iba’t ibang kinakailangang gawin at maaaring ituring na mga Kristiyano. Kinakailangan ang bautismo para sa kaligtasan ngunit maaaring isama rito ang “baptism of blood” (i.e. martir) o “baptism of desire” (nagnanais ng binyag). Ito ang isang sipi mula sa katekismo ng Romano Katoliko: “Ang mga namatay para sa pananampalataya, mga katekumen, at lahat ng mga hindi alam ang Simbahan ngunit kumikilos sa ilalim ng inspirasyon ng biyaya, tapat na hinahanap ang Diyos at nagsisikap na matupad ang kanyang kalooban ay ligtas kahit na hindi pa sila nabautismuhan.” Sa paglipas ng panahon, nagkaroon ng katuruan na ang bawtismo (o binyag) ay kailangan para sa kaligtasan.
Ayon sa katolisismo, pagkartapos ng kamatayan, ang mga kaluluwa ng mga tumanggi kay Kristo ay ipadadala sa impiyerno. Ang mga tumanggap kay Kristo at gumawa ng sapat na mabubuting gawa upang dalisayin sa kasalanan ay mapupunta sa langit. Yaong mga namatay sa pananampalataya ngunit hindi nakumpleto ang mga hakbang upang dalisayin ay ipadadala sa purgatoryo kung saan sila sasailalim sa pansamantalang masakit na parusa hanggang sa ang kanilang mga kaluluwa ay maging malinis. Ang pagdalisay sa pamamagitan ng pagdurusa ay maaaring mabawasan habang ipinapanalangin ng mga nabubuhay at ng mga pag-aalay at panalangin ng iba para sa makasalanan. Kapag nakumpleto na ang paglilinis sa purgatoryo, maaaring mapunta sa langit ang kanilang kaluluwa.
Scientology: Ang Scientology ay katulad ng mga relihiyon sa Silangan na nagtuturo na ang kaligtasan ay nakakamit sa pamamagitan ng kaalaman sa sarili at sansinukob. Ang “thetan” (tawag ng Scientology sa kaluluwa) ay naglalakbay sa iba’t ibang buhay, sinusubukang paalisin ang masasakit at traumatikong mga imahe na naging sanhi para ang kumilos ang isang tao ng may takot at hindi makatwiran. Kapag ang Scientologist ay “malinis” na sa mga mapaminsalang larawang ito at naging isang “operating thetan,” kaya na niyang kontrolin ang kanyang pag-iisip, sariling buhay, mga bagay, enerhiya, espasyo, at maging ang oras.
Shinto: Sa Shintoismo, ang kabilang buhay ay orihinal na isang kakila-kilabot na lugar na katulad ng Hades. Ang mga usapin sa kabilang buhay ay nailipat na ngayon sa Budismo. Ang kaligtasan ay nakasalalay sa penitensya at pag-iwas sa karumihan o polusyon ng kaluluwa. Kung maisasakatuparan ito, ang kaluluwa ng isang tao ay maaaring sumama sa mga ninuno nito.
Sikhism: Nilikha ang Sikhism bilang sagot sa hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng Hinduismo at Islam at nagdadala sa marami sa mga impluwensiya ng Hinduismo - bagama’t ang Sikh ay monoteistiko. Ang “kasalanan” ay pagiging makasarili lamang ng tao. Ang kaligtasan ay natatamo sa pamamagitan ng pamumuhay ng isang tapat na buhay at pagninilay sa diyos. Kung ang mabubuting gawa ay naisagawa ng sapat, lalaya ang isang tao sa proseso ng reincarnation at magiging isa sa mga diyos.
Taoism: Tulad ng iba pang relihiyon sa Silangan (Shinto, mga katutubong relihiyon ng Tsino, at Sikhismo), pinagtibay ng Taoismo ang marami sa mga simulain nito sa kabilang buhay mula sa Budismo. Sa una, ang mga Taoist ay hindi nag-aalala para sa kabilang buhay. Sa halip, nakatuon sila sa paglikha ng isang lipunang Utopian. Nakakamit nila ang kaligtasan sa pamamagitan ng paghahanay sa kosmos at pagtanggap ng tulong mula sa mga supernatural na imortal na naninirahan sa mga bundok, isla, at iba pang mga lugar sa mundo. Ang resulta ay imortalidad. Sa kalaunan, tinalikuran ng mga Taoista ang paghahanap ng imortalidad at tinanggap ang mga turo tungkol sa kabilang buhay mula sa Budismo.
Unitarian-Universalism: ang mga Unitarian ay pinapayagan at hinihikayat na maniwala sa anuman o sinumang gustuhin nila tungkol sa kabilang buhay at kung paano makakarating doon. Bagamat sa pangkalahatan, naniniwala sila na ang mga tao ay dapat humingi ng kaliwanagan sa buhay na ito at huwag masyadong magalala tungkol sa kabilang-buhay.
Wicca: Naniniwala ang mga Wiccan sa iba’t ibang bagay tungkol sa kabilang buhay ngunit karamihan ay tila sumasang-ayon na hindi na kailangan ang kaligtasan. Maaaring namumuhay ang mga tao ng naaayon sa kalooban ng diyos sa pamamagitan ng pag-aalaga sa kanilang pisikal - ang kanilang masamang karma ay ibinabalik sa kanila ng tatlong beses. Naniniwala ang ilang wiccans na ang mga kaluluwa ay muling magkakatawang-tao hanggang sa matutunan nila ang lahat ng kanilang mga aral sa buhay at maging isa sa mga diyos. Lubos silang nakatuon sa pagsunod sa kanilang sariling landas at naniniwala sila na ang mga tao ang nagtatakda kung ano ang mangyayari sa kanila pagkatapos nilang mamatay; kung ang mga mananamba ay nag-iisip na muling magkakatawang tao o ipapadala sa impiyerno o makakasama ng mga diyos. Ang iba ay tumatanggi na pag-isipan ang kabilang buhay. Hindi sila naniniwala sa kasalanan o anumang bagay na kinakailangan para sila maligtas.
Zoroastrianism: Ang Zoroastrianism ay maaaring ang unang relihiyon na nagtuturo na ang kabilang buhay ay nakasalalay sa mga ginawa ng isang tao habang nabubuhay sa lupa. Walang reincarnation kundi isang simpleng paghatol lamang ng apat na araw pagkatapos ng kamatayan. Gayunman, pagkatapos ng sapat na panahon sa impiyerno, kahit na ang nahatulan na ay maaari pa ring pumunta sa langit. Upang mahatulan ng matuwid, maaaring gumamit ng kaalaman o debosyon ngunit ang pinakamabisang paraan ay sa pamamagitan ng mga mabubuting gawa.
Gusto mo bang malaman ang katotohanan tungkol sa pagpunta sa langit? Tingnan ang aming artikulo na may pamagat na “Pagpunta sa langit - paano ako makatitiyak sa aking kaligtasan?”
English
Paano makakapasok sa langit - ano ang mga ideya mula sa iba’t ibang relihiyon?