settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Pader ng Pagtangis?

Sagot


Ang pader ng pagtangis (Wailing Wall) na kilala rin sa tawag na Pader sa Kanluran ng Jerusalem ay isang bahagi ng sinaunang pader ng Temple Mount sa matandang siyudad ng Jerusalem. Ito ay itinayo ni Herodes na Dakila at may taas na 187 talampakan. Ipinatayo ni Herodes na Dakila ang pianakamatandang bahagi nito sa pagitan ng 20 BC at 19 BC bilang ikalawang templo ng Jerusalem. Ang pader ay may habang 1,600 talampakan ngunit natatakpan ng mga bahay na itinayo sa paligid nito ang haba nito. Ngayon ang nakalabas na bahagi ng pader ay nakaharap sa isang malaking plaza sa Jewish Quarter at naging isang lugar para sa mga dumadalaw at nananalangin para sa mga Judio magmula noong ikalabing-anim na siglo. Dapat tandaan na hindi karaniwang ginagamit ng mga Judio ang salitang "Wailing wall" o pader ng pagtangis, sa halip mas gusto nilang tawagin ito na "Pader sa Kanluran."

May mga labimpitong patong ng pader ang mas mababa kaysa kalsada, ngunit ang malalaking bato na tinatawag na ashlars, na bahagi ng nakikitang bahagi ay itinayo mula pa noong panahon ni Herodes. Ang malalaking batong ito na tumitimbang ng isa hanggang walong tonelada ang bawat isa ay ginawa ng mga bihasa anupa't perpektong nakalapat ang mga ito sa isa't isa ng walang nagsisilbing mortar. Gayunman, ang ilan sa mga hugpungan ay nasisira na at pinupuno ng mga Judio ang mga siwang ng mga papel na may nakasulat na panalangin. Araw-araw, maraming Judio ang nagtitipon sa pader upang manalangin at umawit. Nagdadaos sila ng pang-araw-araw na panalangin at pananalangin tuwing Sabbath at nagdiriwang doon ng Bar at Bat Mitzvah.

Kinuha ang pangalang "The Wailing Wall" mula sa tradisyonal na salitang Arabo para sa pader, ("ang lugar ng pagtangis"), dahil sa kalungkutan na ipinahayag ng mga Judio sa pagwasak sa kanilang templo. Tumigil ang mga Judio sa paggamit ng salitang "Wailing Wall" pagkatapos ng 'anim na araw na digmaan' noong 1967. Nang maging isang bansa muli ang Israel, ginawang opisyal na paniniwala ng mga Judio na ang Pader sa Kanluran ay hindi dapat na maging pader ng pagtangis kundi pader ng pagdiriwang.

Taun-taon, sa pagdiriwang ng Tisha B'Av sa buwan ng Agosto, nagaayuno ang mga Judio para gunitain ang pagkawasak ng kanilang templo habang umuusal ng panaghoy at sumasamba. Itinayo ni Solomon ang unang templo sa panahon ng kanyang paghahari noong 970 hanggang 930 BC, at winasak naman ito ni Nabucodonosor at ng mga Babilonians noong 586 BC. Muling itinayo ang templo noong 516 BC, at pinalaki ni Herodes noong 19 BC. Sa ilalim ng pamumuno ni heneral Titus ng Roma, winasak ng mga Romano ang templo noong AD 70 para tapusin ang apat na taong pagrerebelde ng mga Judio.

Ang pagwasak ni Titus sa templo ni Herodes noong AD 70 ay hinulaan ni Jesus sa Mateo 24:1–2 at Lukas 23:28–31. Hinulaan din ng Bibliya ang pagbabalik ng mga Judio sa kanilang lupang sinilangan (Ezekiel 36:24, 33–35). Muling itinatag ang bansang Israel noong Mayo 15, 1948, sa pamamagitan ng isang resolusyon ng United Nations.

Bagama't nagbalik ang mga Judio sa kanilang heograpikal at pulitikal na bansa, hindi pa rin sila nanunumbalik sa kanilang tipan sa Diyos dahil tinanggihan nila ang kanilang Mesiyas na si Jesu Cristo. Bilang konsekwensya ng pagtanggi ng Israel sa Mesiyas, itinigil ng Diyos ang Kanyang paggawa sa pisikal na bansang Israel. Sa huli, papapanumbalikin din ng Diyos ang Israel at tutuparin Niya ang lahat ng Kanyang mga pangako sa kanila. Sa kasalukuyan, gumagawa ang Diyos sa pamamagitan ng Kanyang iglesya, sa bawat tao—Judio man o Hentil na pinananahanan ng Banal na Espiritu (Roma 1:16; 2:28–29). Sa panahon ng Bagong Tipan ni Jesu Cristo, ang mga tumanggap ng kapatawaran at kaligtasan sa pamamagitan ng paghahandog ni Kristo ng Kanyang buhay sa krus ay naging mga anak ng Diyos at tinatawag na mga "binhi ni Abraham" (Galatia 3:26–29).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Pader ng Pagtangis?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries