Tanong
Ano ba ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pag-iisang dibdib ng magka-ibang lahi?
Sagot
May Batas sa Lumang Tipan na nag-uutos sa mga Israelita na huwag makipag-isang dibdib sa ibang lahi ( Deuteronomio 7: 3-4). Ito ay sa dahilang ang mga Israelita ay maaakay palayo sa Diyos at sila ay maliligaw kung makikipag-isang dibdib sila sa ibang paganong lahi na sumasamba sa mga diyus-diyosan o sa mga hindi kumikilala sa tunay na Diyos. Isang katulad na prinsipyo rin ang ibinigay sa Bagong Tipan, subalit sa aspetong espirtiwal: "Huwag kayong makisama sa mga di sumasampalataya. Maaari bang magsama ang katuwiran at kalikuan? O kaya'y ang liwanag at kadiliman?" (2 Corinto 6: 14). Kagaya ng mga Israelita (nananampalataya sa nag-iisa at totoong Diyos) na pinagbawalang huwag makikipag-isang dibdib sa mga hindi mananampalataya, ang mga Kristiyano (nananampalataya sa nag-iisa at totoong Diyos) ay pinagbabawalan din na makipag-isang dibdib sa mga hindi mananampalataya. Hindi sinasabi ng Bagong Tipan na ang pag-aasawa ng magkaibang lahi ay mali kung hindi ang pag aasawa sa isang tao na hindi kumikilala sa totoo at buhay na Diyos. Ang isang tao ay nararapat lang hatulan sa pamamagitan ng kanyang karakter, at hindi sa pamamagitan ng kulay ng kanyang balat. Hindi tayo dapat magpakita ng kinikilingan o di kaya ay hatulan ang ibang lahi (Santiago 2: 1-10, tingnan lalo na ang talata 1 at 9).
Ang pamantayan ng isang Kristiyano sa pagpili ng kanyang magiging asawa ay alamin unang-una kung ang taong iyon ay isang tunay na Kristiyano (2 Corinto 6: 14) o isang taong isinilang na muli at nananampalataya kay Kristo (Juan 3: 3-5). Ang pananampalataya kay Kristo at hindi ang kulay ng balat ang Biblikal na pamantayan sa pagpili ng mapapangasawa. Ang pag-aasawa ng ibang lahi ay hindi usapin ng tama ba o mali, kundi sa halip ay sa karunungan, panalangin at pagtuklas sa kalooban ng Diyos . Ang tanging dahilan kung bakit kinakailangang isaalang-alang na mabuti ang pag-aasawa ng ibang lahi, ay dahil sa problemang maaaring maranasan ng mag-asawa sapagkat nahihirapan ang iba na tanggapin ito. Maraming mga mag-asawa na mula sa mag-kaibang lahi ang nakakaranas ng diskriminasyon at pagkutya, kung minsan mula mismo sa kanilang sariling pamilya. Ang ilang mag-asawa naman ay nakakaranas ng problema kung ang kanilang mga anak ay iba ang kulay ng balat kumpara sa kanilang mga magulang o kapatid. Ang magkasintahang mula sa magka-ibang lahi ay kailangang isaalang-alang na mabuti ang ganitong mga bagay at maging handa para dito, kung magdedesisyon man silang mag-isang dibdib. Muli, ang tanging Biblikal na pagbabawal sa Kristiyano pagdating sa pag-aasawa ay kung ang taong napipisil niyang maging asawa ay kaanib ba sa katawan ni Kristo.
English
Ano ba ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pag-iisang dibdib ng magka-ibang lahi?