settings icon
share icon
Tanong

Bakit pinahintulutan ng Diyos ang pag-aasawa ng higit sa isa (polygamy) sa Bibliya?

Sagot


Isang interesanteng katanungan ang usapin ukol sa pag-aasawa ng higit sa isa (polygamy) dahil marami sa mga tao ngayon ay naniniwalaang ito ay imoral habang walang tahasang paghatol dito na matatagpuan sa Bibliya. Ang unang pagkakataon na nagkaroon ng pag-aasawa ng higit sa isa o (polygamy) sa Bibliya ay matatagpuan sa Genesis 4:19: "At si Lamec ay nag-asawa ng dalawa." May ilang kilalang kalalakihan sa Lumang Tipan na nag-asawa ng higit sa isa. Abraham, Jacob, David, Solomon, at iba pa ay nagkaroon ng maraming asawa. Sa 2 Samuel 12:8, sinabi ng Diyos sa propetang si Nathan na kung kulang pa ang asawa ni David, ito'y Kanya pang dadagdagan. Si Solomon ay may 700 asawa at 300 na kabit (mga asawa na mas mababa ang katayuan), ayon sa 1 Mga Hari 11:3. Ano ang kahulugan ng mga ganitong pagkakataon sa Lumang Tipan? May tatlong katanungang dapat sagutin: 1) Bakit pinahintulutan ng Diyos ang pag-aasawa ng higit sa isa (polygamy) sa Lumang Tipan? 2) Ano ang pananaw ng Diyos sa poligamya ngayon? 3) Bakit ito nagbago?

1) Bakit pinahintulutan ng Diyos ang pag-aasawa ng higit sa isa (polygamy) sa Lumang Tipan? Walang direktang pahayag ang Bibliya kung bakit pinahintulutan ng Diyos ang pag-aasawa ng higit sa isa. Bago natin isipin ang ibig sabihin nito, may ilang susing kadahilanan na dapat isaalang-alang. Una, mas marami ang mga kababaihan noon kumpara sa mga kalalakihan. Ayon sa istatistika ngayon, halos 50.5 porsiyento ng populasyon ng mundo ay kababaihan, habang 49.5 porsiyento naman ang mga kalalakihan. Ipagpalagay natin na pareho ang porsiyento ng sinaunang panahon, at paramihin ng milyong katao, masasabing mayroong libu-libong kababaihan kumpara sa mga kalalakihan. Ikalawa, ang digmaan ng panahong iyon ay sadyang marahas kung kaya't sadyang mataas din ang antas ng bilang ng namamatay. Sanhi nito, lalo pang tumataas ang porsiyento ng bilang ng mga kababaihan kumpara sa mga kalalakihan. Ikatlo, dahil sa pagiging patriyarkal na uri ng lipunan, napaka-imposible noon na tumayo sa sariling paa ang isang babaeng walang asawa. Ang mga kababaihan noon ay karaniwang hindi nakapag-aral o nakapag-sanay. Ang mga kababaihan ay umaasa lamang sa kanilang ama, kapatid na lalaki o asawa para sa kanilang ikabubuhay at proteksyon. Ang mga kababaihang walang asawa ay kadalasang humahantong sa prostitusyon at pagka-alipin. Ang mahalagang pagkakaiba ng bilang sa pagitan ng mga babae at lalaki ay nagbubunga ng hindi kanais-nais na kalagayan para sa mga kababaihan.

Maaaring pinahintulutan ng Diyos ang pagkakaroon ng maraming asawa upang proteksyunan ang mga kababaihan. Ang lalaki ay maaaring mag-asawa ng marami at magsilbing tagapagtaguyod at tagapangalaga sa lahat niyang asawa. Totoo man na ito'y masasabing hindi perpektong katayuan, hindi maitatangging mas mabuti ito kaysa sa prostitusyon, pagka-alipin o pagkagutom. Bukod sa proteksyon at pagtugon sa mga pangangailangan, ang pagkakaroon ng maraming asawa ay nakatulong upang mapabilis ang pagdami ng sangkatauhan, bilang pagtupad sa kautusan ng Diyos na - At kayo'y magpalaanakin at magpakarami; magsilago kayo ng sagana sa lupa, at kayo'y magsidami riyan" (Genesis 9:7). Ang mga lalaki ay may kakayahang magpunlay sa maraming babae sa parehong tagal ng panahon, na higit na mas mabilis kumpara sa pagkakaroon ng isang anak kada taon.

2) Ano ang pananaw ng Diyos sa poligamya sa panahon ngayon? Bagamat pinahintulutan ang pag-aasawa ng higit sa isa, pinapahayag sa Bibliya na ang pag-aasawa ng isa ay pagtalima sa tamang pananaw ng Diyos ukol sa pag-aasawa. Sinabi sa Bibliya na ang orihinal na hangarin ng Diyos sa isang lalaki ay mag-asawa ng isang babae: Kaya't iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ang kaniyang ina, at makikipisan sa kaniyang asawa[hindi mga asawa]; at sila'y magiging isang laman[hindi mga laman]" (Genesis 2:24). Inilarawan sa Genesis 2:24 kung anu dapat ang pag-aasawa, sa halip na kung ilan ang mga taong dapat sangkot, ang paggamit ng isahang pantukoy ay dapat isaalang-alang. Sa Deuteronomio 17:14-20, sinabi ng Diyos sa mga hari na huwag magkakaroon ng maraming asawa (o kabayo o ginto). Habang ito'y maaaring hindi nangangahulugan na pagbibigay kautusan sa mga hari na magkaroon lamang ng isang asawa, ipinauunawa nito na ang pagkakaroon ng maraming asawa ay nagdudulot ng mga problema. Ito'y malinaw na makikita sa buhay ni Solomon (1 Mga Hari 11:3-4).

Sa Bagong Tipan, sa 1 Timoteo 3:2, 12 at Tito 1:6 binanggit ang "asawa ng isang babae lamang" bilang una sa mga listahan ng mga dapat na katangian ng isang lider sa espiritwal. May ilang mga pagtatalo ukol sa kahulugan ng mga pagkamarapat na ito. Bagaman ang mga pamantayang ito'y para sa mga ihahalal na pinunong ispiritwal, ito'y naangkop din naman sa lahat ng mga mananampalataya. Hindi ba'y ang lahat ng mananampalataya ay dapat na "walang kapintasan, asawa ng isa lamang babae, mapagpigil, mahinahon ang pagiisip, mahusay, mapagpatuloy, sapat na makapagturo; Hindi magulo, hindi palaaway, kundi malumanay, hindi mapakipagtalo, hindi maibigin sa salapi; Namamahalang mabuti ng kaniyang sariling sangbahayan, na sinusupil ang kaniyang mga anak na may buong kahusayan?" (1 Timoteo 3:2-4). Kung tayo ay tinawag upang maging banal (1 Peter 1:16), at kung ang mga ito ay banal na pamantayan para sa mga nakatatanda at mga pinuno, samakatuwid ito'y banal para sa lahat.

Binanggit sa Efeso 5:22-33 ang tungkol sa relasyon ng mag-asawa. Palagiang tinutukoy ang lalaking asawa at babaeng asawa ng isahan." Sapagka't ang lalake ay pangulo ng kaniyang asawa [isahan] Ang umiibig sa kaniyang sariling asawa [isahan], ay umiibig sa kaniyang sarili. Dahil dito'y iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ina, at makikisama sa kaniyang asawa [isahan], at ang dalawa ay magiging isang laman...Gayon man ay umibig naman ang bawa't isa sa inyo sa kani-kaniyang sariling asawa [isahan] gaya ng sa kaniyang sarili; at ang babae ay gumalang sa kaniyang asawa [isahan]". Ang isang kahalintulad na pahayag nito ay matatagpuan sa Colosas 3:18-19, tumutukoy ito sa mga asawang lalaki at mga asawang babae sa pangkalahatan, malinaw na ito'y ipinapatungkol sa lahat ng mga asawang lalake at babae sa mga mananampalatayang taga-Colosas, at hindi na ang mga lalaki ay maaaring maraming asawa. Sa kabilang banda, sa Efeso 5:22-33 ay partikular isinalarawan ang relasyon ng mag-asawa. Kung ang pagkakaroon ng higit isang asawa ay pinahihintulutan, ang buong ilustrasyon ni Kristo sa Kanyang katawan (iglesya) at ang relasyon ng mag-asawa ay magiging mali.

3) Bakit ito nagbago? Hindi ito nangangahulugan ng hindi pagpapahintulot ng Diyos sa bagay na dati niyang pinahintulutan, ito ay pagpapanumbalik sa Kanyang orihinal na plano mula pa ng una. Kung babalikan ang kuwento ni Adan at Eba, ang pag-aasawa ng higit sa isa ay hindi orihinal na intensyon ng Diyos. Pinahintulutan ito ng Diyos upang malutas ang suliranin, ngunit hindi ito ang pinakatama. Karamihan sa makabagong lipunan ngayon, wala ng makikitang pangangailangan sa pag-aasawa ng higit sa isa. Karamihan sa mga kababaihan ngayon ay may kakayahan ng tustusan at protektahan ang kanilang mga sarili - na tanging mga positibong aspeto ng poligamya. Bukod pa rito karamihan sa mga bansa ngayon ay hindi sumasang-ayon sa ganitong kalagayan. Ayon sa Mga Taga-Roma 13:1-7, kailangan nating sundin ang batas ng ating pamahalaan. Ang tanging pagkakataon na maaaring suwayin ang batas ayon sa Bibliya ay kung ang batas ay sumasalangsang sa kautusan ng Diyos (Mga Gawa 5:29). At dahil pinahintulutan lamang ng Diyos ang pag-aasawa ng higit sa isa at hindi iniutos, ang batas sa pagbabawal nito ay dapat sang-ayunan.

Mayroon pa bang mga pagkakataon na ang pagpapahintulot sa pag-aasawa ng higit sa isa ay naaangkop sa kasalukuyan? Marahil, ngunit mahirap isipin na wala ng ibang posibleng solusyon bukod dito. Dahil sa pagiging "isang laman" na aspeto ng pag-aasawa, ang pangangailangan ng pagiging isa at mabuting pagsasamahan ng mag-asawa, at kawalan ng totoong pangangailangan sa pagkakaroon ng iba pang asawa, matatag ang aming paniniwala na ang pag-aasawa ng higit sa isa ay hindi nagbibigay luwalhati at galang sa Diyos at hindi ito ang Kanyang nais para sa pag-aasawa.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit pinahintulutan ng Diyos ang pag-aasawa ng higit sa isa (polygamy) sa Bibliya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries