Tanong
Ano ang pinakamabisang paraan upang mag-ebanghelyo sa sa isang miembro ng kulto o maling relihiyon?
Sagot
Ang pinakamahalagang bagay na ating magagawa para sa mga nasa kulto o maling relihiyon ay ang pananalangin. Ipanalangin natin na baguhin nawa ng Diyos ang kanilang mga puso at buksan ang kanilang mga mata sa katotohanan (2 Corinto 4:4). Kailangan nating ipanalangin na maunawaan nila ang kanilang pangangailangan ng kaligtasan sa pamamagitan ng Panginoong Hesu Kristo (Juan 3:16). Kung hindi sa kapangyarihan ng Diyos at pagkilos ng Banal na Espiritu, hindi tayo magtatagumpay sa pagkumbinsi sa sinuman upang maniwala sa katotohanan (Juan 16:7-11).
Kailangan din nating mamuhay ng ayon sa Salita ng Diyos upang makita ng mga taong nabihag ng kulto ang pagbabagong ginawa ng Diyos sa ating mga buhay (1 Pedro 3:1-2). Manalangin tayo na bigyan Niya tayo ng karunungan kung paano tayo makakapagministeryo sa kanila sa isang makapangyarihang pamamaraan (Santiago 1:5). Bukod dito, kailangan din tayong maging matapang sa pagbabahagi sa kanila ng ebanghelyo. Kailangan nating ipangaral sa kanila ang mensahe ng kaligtasan sa pamamagitan lamang ng ating Panginoong Hesu Kristo (Roma 10:9-10). Kailangan nating laging maging handa upang ipagtanggol ang ating pananampalataya (1 Pedro 3:15), ngunit kinakailangan nating gawin ito sa diwa ng kahinahunan at paggalang. Maaari nating maipangaral ang ating doktrina ng tama at manalo sa debate ngunit mahadlangan naman ang paniniwala nila sa katotohanan dahil sa ating kayabangan at magaspang na pag-uugali.
Higit sa lahat, dapat nating ipaubaya sa Diyos ang kaligtasan ng mga taong ating binabahaginan ng ebanghelyo. Tanging ang kapangyariahn at biyaya lamang ng Diyos ang nagliligtas sa makasalanan hindi ang ating abilidad. Habang mabuti at matalino na maghanda tayo sa pagdepensa sa ating katuruan at magkaroon ng sapat na kaalaman kung ano ang kanilang pinaniniwalaan, hindi ang mga ito ang dahilan ng kaligtasan ng mga nabihag ng mga kulto at maling relihiyon. Ang pinakamaganda nating magagawa ay ipanalangin sila, mamuhay ng may kabanalan sa kanilang harapan at pagtiwalaan ang Banal na Espirtu sa kanyang gawain ng pagbuhay sa mga patay sa espiritwal, pagkumbinsi, pagtawag at pagliligtas.
English
Ano ang pinakamabisang paraan upang mag-ebanghelyo sa sa isang miembro ng kulto o maling relihiyon?