Tanong
Ano ang pag-ibig ni Kristo?
Sagot
Ang pariralang “pag-ibig ni Kristo,” na kasalungat ng pariralang “pag-ibig para kay Kristo” ay tumutukoy sa pag-ibig na mayroon si Kristo para sa sangkatauhan. Ang kanyang pag-ibig ay mailalarawan sa Kanyang pagmamalasakit para sa ating pinakamabuting kapakanan, lalo na sa pagtagpo sa ating pinakapangunahing pangangailangan, ang kaligtasan sa poot ng Diyos kahit pa na ang kapalit noon ay ang kanyang sariling buhay sa kabila na hindi tayo karapatdapat sa Kanyang dakilang pag-ibig.
Kahit na si Hesu Kristo, bilang Diyos sa Kanyang kalikasan ay naroon na bago pa man nagsimula ang panahon kasama ang Diyos Ama (Juan 1:1) at ang Banal na Espiritu, kusang loob Niyang iniwan ang Kanyang trono sa langit (Juan 1:1-14) upang maging tao, ng sa gayon ay mabayaran ang kaparusahan para sa ating mga kasalanan upang hindi tayo magbayad ng kaparusahan nito sa walang hanggang apoy magpakailanman (Pahayag 20:11-15). Dahil binayaran na ng walang kasalanang Tagapagligtas na si Hesus ang kasalanan ng Kanyang mga hinirang sa sanlibutan, ang Diyos na Banal at makatarungan ay maaari ng patawarin ang ating mga kasalanan kung tatanggapin natin ang kamatayan ni Hesus bilang kabayaran ng ating mga kasalanan (Roma3:21-26). Kaya nga, ipinakita ni Hesus ang Kanyang dakilang pag-ibig sa atin ng iwanan Niya ang Kanyang tahanan sa langit kung saan Siya sinasamba at pinararangalan na gaya ng nararapat at nagtungo sa mundo bilang tao kung saan Siya tinuya, ipinagkanulo, binugbog at ipinako sa krus upang bayaran ang ating mga kasalanan at bumangon muli mula sa mga patay sa ikatlong araw. Itinuring Niya ang pangangailangan natin ng Tagapagligtas mula sa ating mga kasalanan na mas mahalaga kaysa sa Kanyang sariling buhay at kasiyahan (Filipos 2:3-8).
Maaaring may mga tao na magbibigay ng kanilang buhay para sa mga itinuturing nilang karapatdapat, isang kaibigan, kamag-anak o mabubuting tao - ngunit ang pag-ibig ni Kristo ay higit pa roon. Ang pag-ibig ni Kristo ay ipinagkakaloob sa mga taong hindi karapatdapat. Kusang loob na tinanggap Niya ang kaparusahan ng mga taong nagpahirap, namuhi, lumaban at hindi naglaan ng kahit kaunting pagtingin sa Kanya, mga taong hindi karapat dapat sa Kanyang pag-ibig (Roma 5:6-8). Ipinagkaloob Niya ang pinakamahalagang bagay na Kanyang maibibigay para sa mga taong ang nararapat ay kaparusahan! Ang pagsasakripisyo kung gayon ang esensya ng pag-ibig na ipinadama sa atin ni Kristo. Ito ay ang pag-ibig ng Diyos sa tao at hindi katulad ng pag-ibig ng tao sa kanyang kapwa tao (Mateo 5:43-48).
Ang pag-ibig na ito na Kanyang ipinadama sa atin doon sa krus ay pasimula pa lamang ng Kanyang pag-ibig. Nang ilagak natin ang ating pagtitiwala kay Hesus bilang ating Tagapagligtas, ginawa Niya tayong mga anak ng Diyos at kasama Niyang tagapagmana! Tumira Siya sa atin sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at ipinangako na hindi Niya tayo iiwan ni pababayaan man (Hebreo13:5-6). Kaya nga mayroon tayong kasama sa ating buong buhay na isang tunay na Diyos na umiibig sa atin. At kahit ano pa ang ating pagdaanan sa buhay, maaasahan natin na naroroon Siya, at ang Kanyang pag-ibig ay laging nakalaan para sa atin (Romans 8:35). Ngunit habang makatwiran Siyang naghahari bilang mapagmahal na Hari sa kalangitan, kailangan din nating ibigay sa Kanya ang nararapat Niyang lugar sa ating mga buhay dito sa lupa bilang ating Panginoon at hindi lamang bilang isang kasama. Sa ganitong paraan lamang natin makakamit ang buhay na nais Niyang ipamuhay natin at mararanasan ang mabuhay sa kapuspusan ng Kanyang pag-ibig (Juan 10:10b).
English
Ano ang pag-ibig ni Kristo?