Tanong
Ano ang pag-ibig na sekswal?
Sagot
Ang salitang Griyego ay gumagamit ng iba’t ibang salita upang ilarawan ang hanay ng mga kahulugan ng salitang pag-ibig. Ang isang salita ay “eros” (“sekswal”). Ito ang salitang ginagamit upang ipahayag ang sekswal na pag-ibig o pagpukaw ng damdamin sa pagitan ng mga taong pisikal na naaakit sa isa’t isa. Ang salitang ito na ni minsan ay hindi ginamit sa buong Bagong Tipan, ay masyadong pinababa ang kahulugan ng kultura ng tao.
Isa pang salitang Griyego para sa salitang pag-ibig ay “phileo.” Ang salitang ito ay nangangahulugan ng paghahangad ng mainit na pagmamahal na naibabahagi sa pagitan ng magkakapamilya o magkakaibigan. Habang ang eros ay mas maiuugnay sa libido, ang phileo naman ay mas maiuugnay sa damdamin o sa puso. Nadarama natin ang pagmamahal sa ating mga kaibigan at kasambahay, hindi sa punto ng pagiging sekswal kundi ng pag-ibig na nagpapakilos sa atin na maging mabait sa kanila at matulungan silang magtagumpay. Gayunman, ang phileo ay hindi nadarama sa pagitan ng mga taong nag-aaway. Madarama natin ang pag-ibig na phileo sa ating mga kaibigan at kapamilya ngunit hindi sa mga taong kagalit natin o hindi natin gusto.
Kakaiba sa dalawang ito ang pangatlong salitang Griyego para sa pag-ibig, ang salitang “agapao;” na karaniwang tinutukoy na “self-sacrificing love” o ang mapagsakripisyong pag-ibig. Ito ang pag-ibig na nagpapakilos sa mga tao upang isipin ang kapakanan ng iba, anumang halaga ang kapalit. Ayon sa Bibliya, ang agapao ay ang pag-ibig na ipinakita ng Diyos sa pagpapadala Niya ng Kanyang Anak na si Hesus na namatay para sa ating mga kasalanan. Ito ay pag-ibig na nakatuon sa pagpapasya at hindi sa damdamin lamang. Ito ang pag-ibig na iniutos ni Hesus na dapat ipakita ng Kanyang mga alagad sa kanilang mga kaaway (Lukas 6:35). Ang eros at phileo ay hindi natin ipinadarama sa mga taong galit sa atin o naghahangad ng masama sa atin, ngunit ganito ang agapao. Sa Roma 5:8, sinasabi sa atin ni Pablo, “ipinadama ng Diyos ang Kanyang pag-ibig sa atin ng mamatay si Cristo para sa atin noong tayo ay makasalanan pa.”
Kaya mula sa pinakamababa hanggang sa pinakadalisay, mayroon tayong eros, phileo at agapao. Hindi upang ituring ang eros na masama o malaswa. Ang sekswal na pag-ibig ay hindi likas na marumi o masama. Sa halip, ito ay regalo ng Diyos sa mag-asawa upang maipadama nila ang pag-ibig sa isa’t isa, pagtibayin ang kanilang pagsasama at tiyakin ang pagpapanatili ng buhay ng sangkatauhan. Inilaan ng Bibliya ang isang buong aklat, ang Awit ni Solomon, para sa eros o pag-ibig na sekswal. Ang pag-ibig sa pagitan ng asawang babae at lalaki ay dapat, bukod sa iba pang mga bagay, ay pag-ibig na sekswal. Gayunman, ang relasyon na nakabatay lamang sa pag-ibig na sekswal (erotic love) ay tutungo lamang sa kabiguan. Ang “thrill” ng sekswal na pag-ibig ay mabilis na nawawala malibang may kasama itong phileo o agapao.
Sa kabilang dako, bagaman hindi likas na makasalanan ang sekswal na pag-ibig, sa ganitong bahagi ng pag-ibig higit na nakikita ang makasalanang likas dahil ito ay pangunahing nakasentro sa sarili, samantalang ang phileo at agapao ay nakatuon sa iba. Isaalang- alang natin ang sinabi ni Apostol Pablo sa iglesia sa Colosas: “Kaya’t dapat nang mawala sa inyo ang mga pitang makalaman: pangangalunya, kahalayan, mahalay na simbuyo ng damdamin, masamang nasa at ang pag-iimbot na isang uri ng pagsamba sa dios-diosan (Colosas 3:5). Ang salitang Griyego para sa sekswal na imoralidad ay pornea. Ito ay sumasakop sa marami at iba’t ibang kasalanang sekswal (pangangalunya, pakikipagtalik ng hindi kasal, pagkahumaling sa kapwa lalaki o babae, kalupitan at iba pa).
Sa mag-asawa, ang sekswal na pag-ibig ay mabuting bagay, ngunit sa ating makasalanang likas, ito ay nagiging pornea. Kapag ito ay nangyari madalas ang mga tao ay napupunta sa mga sukdulan at nagiging kung hindi man asiteko ay hedonista (ascetic or hedonist). Ang taong asetiko ay yaong ganap na isinasantabi ang sekswal na pag-ibig dahil sa kaugnayan nito sa sekswal na imoralidad, at lumalabas na ito ay masama kung kaya’t dapat na iwasan. Ang tingin naman ng hedonista sa sekswal na pag-ibig ay ganap na likas. Ang pananaw ng Bibliya ay nasa pagitan ng dalawa. Sa tali ng kasal ng isang lalaki at ng isang babae, ipinagdiriwang ng Diyos ang kagandahan ng pag-ibig na sekswal: “Masok ang aking sinta sa kanyang halamanan, at kumain siya ng kanyang mahalagang mga bunga. Ako’y dumating sa aking halamanan, kapatid ko, kasintahan ko: aking dinampot ang aking mira pati ang aking especia; aking kinain ang aking pulotpukyutan pati ang aking pulot; aking ininom ang aking alak pati ang aking gatas. Magsikain kayo, Oh mga kaibigan; magsiinom kayo, oo, magsiinom kayo ng sagana, Oh sinisinta.” (Awit ni Solomom 4:15-5:1). Subalit sa labas ng pag-aasawa ayon sa Bibliya, ang eros o ang sekswal na pag-ibig ay masama at hindi nakalulugod sa Diyos.
English
Ano ang pag-ibig na sekswal?