Tanong
Kung marami kang pagkakautang, maaari ka bang pansamantalang tumigil sa pag-iikapu habang nagbabayad ng utang?
Sagot
Maaaring pahintulutan ang pansamantalang pagtigil sa pag-iikapu upang makabayad ng utang. Ang pagbabayad ng utang ay isang obligasyon; ang pag-iikapu ay “opsyonal.” Nawa ay hindi ninyo masamain ang aming sinabi – ang pagbibigay sa gawain ng Panginoon ay napakahalaga. Ang pagbibigay ng tulong pinansyal sa Iglesya ay bahagi ng pagkatawag ng Diyos para sa bawat Kristiyano. Ngunit kung talagang imposible na makabayad ng utang habang nagiikapu, hindi masama na bawasan ang pagbibigay, o pansamantalang hindi muna magbigay ng ikapu upang makabayad sa pinagkakautangan.
Ang hindi nagbabagong tungkulin natin sa ating kapwa ay ang ibigin at pakitunguhan sila kung paanong nais nating ibigin at pakitunguhan nila tayo (Mateo 7:12). Gusto nating lahat na bayaran tayo ng mga taong nagkautang sa atin. Kaya nga, bilang mga Kristiyano, “Huwag kayong magkakaroon ng utang kaninuman, maliban sa saguting magmahalan sa isa't isa, sapagkat ang nagmamahal sa kapwa ay tumutupad sa Kautusan. Ang mga utos gaya ng, “Huwag kang mangangalunya; huwag kang papatay; huwag kang magnanakaw; huwag mong pagnanasaang maangkin ang pag-aari ng iba;” at alinmang utos na tulad ng mga ito ay nauuwing lahat sa iisang utos, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” Ang umiibig ay hindi gumagawa ng masama kaninuman, kaya't ang pag-ibig ang siyang katuparan ng Kautusan” (Roma 13:8-10).
Ang batas ng pag-iikapu sa Lumang Tipan ay probisyon ng Diyos upang matugunan ang mga materyal na pangangailangan ng mga saserdote mula sa tribu ni Levi. Kailangan nila ang suporta upang makapagpatuloy sila ng paglilingkod sa templo at matugunan ang pangangailangan ng mga walang kaya (Bilang 18:26; Deuteronomio 26:12-15). Kaya nga, sa tuwing hindi nagbibigay ng ikapu ang mga Israelita, may babala sa kanila ang Diyos, “Ang tanong ko nama'y, matuwid bang pagnakawan ng tao ang Diyos? Hindi! Ngunit pinagnanakawan ninyo ako. Sa paanong paraan? Sa mga ikasampung bahagi at mga handog” (Malakias 3:8).
Ipinahayag ng manunulat ng aklat ng Hebreo na ang ikapu ay ang isampung bahagi ng kinikita ng isang tao: “Ayon sa Kautusan, ang mga pari mula sa angkan ni Levi ay binigyan ng karapatang kunin ang ikasampung bahagi ng pag-aari ng mga Israelita, na kanilang mga kapatid, kahit ang mga ito ay mula rin kay Abraham” (Hebreo 7:5). Nagpatuloy ang paglilingkod ng mga saserdoteng Levita sa templo sa buong panahon ng pagmiministeryo ni Hesus. Ngunit pagkatapos ng Kanyang kamatayan, pagkabuhay na mag-uli at pag-akyat sa langit, nagbago na ang istruktura ng pamamahala: “Kapag binago ang pagkapari, kailangan ding baguhin ang kautusan” (Hebreo 7:12). Si Kristo na ngayon ang ating pinakapunong Saserdote. Ang mga Kristiyano na ang templo ng Diyos at ang mga saserdote ng Diyos (Hebreo 4:14-15; 1 Corinto 6:19-20; 1 Pedro 2:9-10).
Ang ating pinakapunong saserdote ay naglilingkod sa ilalim ng Bagong Tipan (isinulat na ng Diyos sa ating mga puso ang Kanyang Kautusan) sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng Banal na Espiritu (Hebreo 12:24; 10:16). Ang kautusang ito ay umiiral ng makapangyarihan na siyang dahilan upang ibigin natin ang iba ng pag-ibig na nilikha ng Banal na Espiritu sa ating mga puso (Galacia 5:22-23). Ito ang dahilan kung bakit isinulat ni Apostol Juan, “Kapag nakikita ng isang maykaya sa buhay ang kanyang kapatid na nangangailangan, at hindi niya ito tinulungan, masasabi bang siya'y umiibig sa Diyos? Mga anak, huwag tayong magmahal sa pamamagitan lamang ng salita, subalit ipakita rin natin ang tunay na pag-ibig sa pamamagitan ng gawa (1 Juan 3:17-18). Dahil ang pag-ibig ng Diyos ang nagtutulak sa isang Kristiyano na magbigay, walang kahit isa man sa mga sulat sa Bagong Tipan ang naguutos o nagpapayo na mag-ikapu ang isang Kristiyano. Sa halip na gawing isang kundisyon, ang pagbibigay ay resulta ng pag-ibig ng Kristiyano sa Panginoon.
Kung pipiliin ng mga Kristiyano, maaari silang magbigay ng ikapu sa kanilang Iglesya upang matugunan ang espiritwal at materyal na pangangailangan ng Iglesya. May iba na pinili na magbigay ng kulang sa ikapu; may iba naman na pinili na magbigay ng sobra pa sa ikapu. Inirekomenda ni Apostol Pablo ang pagbibigay ng mga mananampalataya sa Iglesya tuwing Linggo: “Tuwing unang araw ng sanlinggo, ang bawat isa ay maglaan ng bahagi ng kanyang kinikita” (1 Corinto 16:2a).
Hindi dapat na itago ng Kristiyano ang kanyang pera sa Panginoon sa halip dapat na mabigay siya ayon sa patnubay ng Diyos. Ang kapalit na pagpapala ay mas higit sa kanyang ibibigay. “Tandaan ninyo ito: ang nagtatanim ng kakaunti ay aani ng kakaunti, at ang nagtatanim naman ng marami ay aani ng marami. Ang bawat isa'y dapat magbigay ayon sa sariling pasya, maluwag sa loob at di napipilitan lamang, sapagkat iniibig ng Diyos ang kusang nagbibigay nang may kagalakan. Magagawa ng Diyos na pasaganain kayo sa lahat ng bagay, at higit pa sa inyong pangangailangan, upang may magamit kayo sa pagkakawanggawa” (2 Corinto 9:6-8).
English
Kung marami kang pagkakautang, maaari ka bang pansamantalang tumigil sa pag-iikapu habang nagbabayad ng utang?