Tanong
Paano ako magkakaroon ng alab sa pag aakay ng kaluluwa?
Sagot
Ang pag aakay ng kaluluwa ay, napakahalagang proseso ng pag eebanghelyo o pagsaksi para kay Jesus, na ang simpleng kahulugan ay pagpapahayag ng mensahe ng kaligtasan sa mga hindi mananampalataya. Sinabi ni Jesu-Cristo sa Kanyang mga tagasunod na sila ay magiging mga saksi Niya “hanggang sa katapusan ng sanlibutan” (Gawa 1:8) at inutusan silang “humayo at gawing alagad Niya ang lahat ng bansa” (Mateo 28:19), ito ang diwa ng pag aakay ng kaluluwa. Ayaw ng Ama sa langit na mapahamak ang sinoman (2 Pedro 3:9), kaya't ang lahat ng Kristiyano ay kailangang may pananabik na sundin ang panawagang ito na magkaroon ng alab sa pag akay ng mga kaluluwa.
Gayunman, ang pagsaksi o pagpapatotoo ay hindi nangangahulugang tayo ang gumagawa nito para sa Panginoon sapagkat Siya ang talagang gumagawa ng bagay na ito sa pamamagitan natin, at nangangailangan ito ng pagsuko at pusong puspos ng Espiritu-Santo. Totoo, na ang Espiritu Santong nagbigay ng kapangyarihan kay Cristo habang nagmiministeryo pa Siya dito sa lupa ay siya ring makapagbibigay ng kapangyarihan sa atin. Gayunman, ang unang dapat nating maunawaan ay ang ating papel sa pagtatayo ng katawan ni Cristo. Katulad ng pinaliwanag ni Pablo sa mga nasa Corinto na tayo ay mga lingkod na kumikilos ng may pagkakaisa upang magkaroon ng aanihin. Mayroong nag aararo, may nagpupunla, ang iba ay nagdidilig, ngunit tanging ang Diyos ang nagpapatubo at napapalago (1 Corinto 3:7). Kaya, kahit ang bawat indibiduwal ay may kanya kanyang ginagampanan, tayo ay nagkakaisa pa rin sa layunin na makapag akay ng kaluluwa kay Cristo, kung saan ang bawat isa ay tatanggap ng gantimpala ayon sa kanilang pagpapagal (1 Corinto 3:8).
Ngunit paano nga ba tayo magkakaroon ng alab o pagnanais para palaganapin ang mabuting balita at maka akay ng mga kaluluwa palapit kay Cristo lalo na sa mga panahong ito na napakaraming humahadlang sa bawat paghakbang natin upang humayo? Mag uumpisa ito kung si Jesu-Cristo ang magiging pangunahin at sentro ng buhay natin. Mararamdaman natin na talagang nag iibayo ang ating pagnanais na maka akay ng kaluluwa gayundin ang ating pag-ibig kay Cristo at lalong tumitibay ang ating pagsunod sa Kanya. Ang dalawang mabuting paraan upang lalong tumibay ang ang ating buhay Kristiyano ay ang araw-araw na pagbabasa ng Kanyang Salita at patuloy na pananalangin. Wala tayong magagawa kundi magkaroon ng alab sa pagbabahagi sa iba ng tungkol kay Cristo kapag Siya ay nag umapaw sa ating puso.
Ang pinaka masiglang manggagawa ay yung mga may pusong nag aalab para kay Cristo, at ito ay magiging madali kung isasa alang-alang natin ang lawak ng ginawa ng ating walang salang Tagapagligtas doon sa Kalbaryo. Ang kanyang kusang-loob na pagtanggap ng kamatayan para sa atin ang nagpagaling sa atin mula sa nakamamatay na karamdaman (ang kasalanan) at nagligtas sa atin mula sa di maarok na walang-hanggan sa lawang apoy. Ngunit alam natin ang kahihinatnan ng mga namatay na hiwalay kay Cristo. At ang walang pag asang pagkahiwalay sa Diyos magpakailanman, at nawa ay sapat na ang naglalagablab na kadiliman ng hindi namamatay na apoy ng impiyerno, ang mag udyok sa atin upang maka akay ng mas maraming kaluluwa palapit kay Cristo, lalo na kapag sina alang-alang natin ang kaiklian ng buhay na angkop na binabanggit ni Apostol Santiago “Ang buhay ninyo'y parang usok lamang, sandaling lumilitaw at agad nawawala” (Santiago 4:14). Kapag nakarating na tayo sa kabila ng walang hanggan, hindi na maaaring bumalik pa at doon na magwawakas ang pag aakay ng kaluluwa. Kaya nga, hindi lamang sa ang anihin ay sagana kundi kakaunti ang manggagawa para mag ani, at limitado na lamang ang ating panahon.
Sa mga panahong ito na mahirap ang kalagayan, hindi na natin kailangang tumingin pa sa malayo upang makita ang maraming nagdurusa, Gayunman, ang mga Kristiyano ay makasusumpong ng kaaliwan sa Salita ng Diyos kahit sa gitna ng kaguluhang ito. At kapag alam niya na siya ay dumaranas ng pagsubok sa buhay, batid rin niya na inilagay siya ng makapangyarihang Diyos sa ganung sitwasyon o pinahihintulutan ng Diyos na maranasan niya iyon. Alinman sa mga bagay na ito, ay magiging makabuluhan sa isang Kristiyano kung mapapagtanto natin na may layunin ang Diyos sa ating mga pagsubok. sapagkat alam nating “sa lahat ng bagay ay gumagawa ang Diyos para sa mabuti kasama ang mga nagmamahal sa kanya, silang mga tinawag ayon sa kanyang layunin” (Roma 8:28). At bilang karagdagan, hindi tayo masyadong maaapektuhan kahit ang buhay minsan ay tila walang kabuluhan para sa atin sapagkat alam natin kung paano magtiwala ng buong-puso sa Panginoon at hindi dapat manangan sa ating sariling pagkaunawa sa sitwasyon (Kawikaan 3:5-6). Ang pagtitiis sa mga pagsubok ng buhay na sadyang hindi natin maiiwasan ay magiging magaan kapag alam natin na ang Diyos ang may kontrol sa lahat ng ito.
Ang ganitong kaaliwan ay maaari ding maranasan ng mga hindi ligtas na kaluluwang nasa paligid natin kung sasampalataya sila kay Cristo. Gayunman, tulad ng paliwanag ni Pablo, “Paano naman sila tatawag sa kanya kung hindi sila sumasampalataya? Paano sila sasampalataya kung wala pa silang napakinggan tungkol sa kanya? Paano naman sila makakapakinig kung walang mangangaral sa kanila? At paanong makakapangaral ang sinuman kung hindi siya isinugo? Tulad ng nasusulat, “O kay gandang pagmasdan ang pagdating ng mga nagdadala ng Magandang Balita”' (Roma 10:15). At ang kapayapaan ng Diyos na hindi kayang maunawaan ng tao na siyang nag-iingat sa ating puso at pag-iisip sa mga panahon ng pagsubok (Filipos 4:7),ay maaari din nilang maranasan kung Siya ay kanilang tatanggapin.
Walang higit na mabuting pagtawag kaysa gumagawa at sumusunod sa ngalan ng isang Taong namatay upang tayo ay mabuhay. Sabi ni Jesus, “Kayo'y mga kaibigan ko kung tinutupad ninyo ang aking mga utos” (Juan 15:14), ibig sabihin ay inutos Niyang sundin natin Siya at ibigin ang bawat isa gaya ng pag-ibig Niya sa atin. Malinaw na ipinapahiwatig nito na ang ating pag-ibig sa kanya ay lalong mabuting halimbawa kapag tayo ay maalab at walang pagod na gumagawa upang ibahagi ang Kanyang ebanghelyo sa iba.
English
Paano ako magkakaroon ng alab sa pag aakay ng kaluluwa?