settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagaalaga sa ating mga magulang na matatanda na?

Sagot


Maraming sinasabi ang Bibliya patungkol sa pagaalaga sa mga matatandang magulang at ibang miyembro ng pamilya na walang kakayahang alagaan ang sarili. Ang unang Iglesyang Kristiyano ay nagsilbing tulad sa isang ahensya na nagbibigay serbisyo sa mga pangangailangan ng ibang mga mananampalataya. Kinalinga nila ang mahihirap, ang mga maysakit, ang mga babaeng balo at mga ulila na wala ng magaaruga. Inaasahan sa mga mga Kristiyano na may mga kapamilya ang pagbibigay ng pangangailangan sa kanilang sariling kapamilya. Sa kasamaang palad, sa kasalukuyan, ang pagaalaga sa mga magulang na matanda na ay isang obligasyon na hindi na nais harapin ng nakararami.

Sa ngayon, ang mga matanda ay itinuturing na pahirap sa halip na pagpapala. Minsan, kung nangangailangan ang ating mga magulang ng pangangalaga, madali nating nalilimutan ang mga sakripisyong ginawa nila para sa atin sa nakalipas. Sa halip na tulungan sila sa kanilang katandaan, itinuturing natin silang pabigat at madalas na nagtuturuan ang mga anak kung sino ang magaalaga sa kanila. Hindi natin pinahahalagahan ang karunungan na kanilang tinataglay mula sa mahabang panahon ng kanilang pakikibaka sa mundo at itinuturing natin na laos na ang kanilang mga payo.

Sa tuwing iginagalang natin at inaaruga ang ating mga magulang, pinaglilingkuran natin ang Diyos. Sinasabi sa Bibliya, “Tulungan mo ang mga biyudang walang ikabubuhay. Subalit kung ang isang biyuda ay may mga anak o apo, sila ang unang dapat kumalinga sa kanya bilang pagtanaw ng utang na loob, sapagkat ito ay nakalulugod sa Diyos.... Ang sinumang hindi kumakalinga sa kanyang mga kamag-anak, lalo na sa mga kabilang sa kanyang pamilya, ay tumatalikod sa pananampalataya, at mas masama pa kaysa sa isang di mananampalataya” (1 Timoteo 5:3-4, 8).

Hindi lahat ng matatanda ay nangangailangan ng pagaaruga o gusto na sila ay alagaan ng kanilang mga anak. Maaaring mas nais nilang tumira sa isang komunidad kasama ng mga taong katulad nila ang kalagayan o kaya naman ay mamuhay ng hindi nagpapahirap sa iba. Anuman ang kanilang kalagayan, mayroon tayong obligasyon sa kanila bilang ating mga magulang. Kung kailangan nila ng pinansyal na tulong, kailangan natin silang tulungan. Kung kailangan nila ng isang lugar na matitirhan, dapat nating ialok sa kanila ang ating sariling tahanan. Kung kailangan nila ng tulong sa kanilang mga gawain, kailangan natin silang tulungan. At kung nasa pangangalaga sila ng isang pasilidad, dapat nating tiyakin na sila ay naaalagaan at tinatrato doon ng maayos.

Hindi natin dapat hayaan na matakpan ng ating mga alalahanin sa buhay ang pinakamahalaga sa lahat – ang paglilingkod sa Diyos sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba lalo’t higit sa ating sariling mga kapamilya. Sinasabi sa Bibliya, “Igalang mo ang iyong ama at ina.” Ito ang unang utos na may kalakip na pangakong “Ikaw ay giginhawa at hahaba ang iyong buhay sa lupa” (Efeso 6:2-3). English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagaalaga sa ating mga magulang na matatanda na?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries