Tanong
Pagaantanda ng krus - ano ang kahulugan nito? Dapat bang mag krus ang mga Kristiyano?
Sagot
Ang kaugalian ng pagaantanda ay ginagawa sa Simbahang Katoliko ngunit ginagawa din naman ng mga Episcopalian at Eastern Orthodox. Ang kasaysayan ng pagaantanda ay nagmula pa sa panahon ni Tertullian, isang ama ng simbahan na nabuhay sa pagitan ng 160 at 220 A.D. Isinulat ni Tertullian, "Sa lahat ng aming paglalakbay at bawat pagkilos, sa aming paglabas at pagpasok, sa pagsusuot ng aming sapatos, paliligo, pagkain sa hapag, sa pagsisindi ng kandila, sa paghiga, sa pag-upo, anuman ang aming ginagawa sa buhay, minamarkahan namin ang aming noo ng tanda ng krus."
Noong una, ang isang maliit na krus ay hinihipo sa pamamagitan ng hinlalaki o ng mga daliri at pagkatapos ay ipinapahid ang mga daliri sa noo. Mahirap matukoy sa kasaysayan kung kailan napalitan ang pamamaraang ito mula sa paghipo sa isang maliit na krus sa paggawa ng tanda ng krus mula noo pababa sa dibdib at pakrus sa dalawang balikat ngunit ayon sa kasaysayan, ang pagbabago ay naganap noong ika labing isang siglo noong ituro sa aklat tungkol sa panalangin ni King Henry ang "paggawa ng tanda ng banal na krus sa apat na bahagi ng katawan ng tao."
Sinusuportahan ng mga Romano Katoliko ang kaugaliang ito sa pamamagitan ng maraming taon ng tradisyon ng simbahan at sa pamamagitan ng paggamit sa mga talata gaya ng Exodo 17:9-14 at Pahayag 7:3; 9:4; 14:1. Habang binabanggit nga sa mga talatang ito ang paglalagay sa noo ng tanda bilang proteksyon sa parusa ng Diyos, dapat silang intindihin ayon sa konteksto. Ayon sa konteksto ng mga talatang nabanggit, walang dahilan upang gawing isang ritwal ang pagaantanda ng krus.
Noong ikalabing anim na siglo, ang isa sa mga pangunahing paniniwala ng mga Proestante ay ang "Sola Scriptura", kung saan isinasaad na anumang kaugalian na hindi ayon sa Bibliya ay dapat na itigil. Pinaniniwalaan ng mga Repormista sa Inglatera na ang kaugalian ng pagaantanda ay dapat na ipaubaya sa indibidwal na mananampalataya gaya ng nasusulat sa aklat panalangin ni King Edward VI. "ang pagluhod, pagkukrus, pagtataas ng kamay, pagdagok sa dibdib at iba pang mga kilos ay maaaring gamitin, o hindi gamitin ayon sa ipinasya ng isang tao at walang sinuman ang dapat sisihin." Tinitingnan ng mga Protestante sa pangkalahatan na ang pagkukrus ay isang tradisyon na hindi sinusuportahan ng Kasulatan at minsan ay nagiging tulad sa pagsamba sa diyus-diyusan kaya't kailangang itigil at talikuran.
Habang hindi itinuturo sa atin ng Bibliya ang paaantanda o pagkukrus, ito ay isang simbolo na ginagamit sa Bibliya. Ang hugis o tanda ng krus ay isang paalala ng krus ni Kristo. sa kasaysayan, ang krus ay ginagamit bilang simbolo ng Trinidad: Ama, Anak, at Espiritu. Sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo, at sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus, ang kaligtasan ay ginawang regalo para sa sangkatauhan. Ang Trinidad ay ang doktrina ng tatlong persona ng Diyos: isang Diyos sa tatlong magkakaibang persona. Ang doktrinang ito ay pinaniniwalaan ng Simbahang Katoliko at mga Protestante at sinusuporthan ng Kasulatan. Ang pagkukrus, sa ibang mga pagkakataon ay iniuugnay sa mga kapangyarihang supernatural gaya ng pagpapalayas ng demonyo at iba pa. Ang mistikal na aspetong ito ng simbolo ng krus ay maling mali at hindi sinusuportahan ng Kasulatan sa anumang paraan.
Maliban sa mistikal na aspeto nito, ang pagaantanda o pagkukrus ay masasabing hindi mali at hindi rin naman tama at maaaring maging positibo kung nagsisilbi itong paalala sa isang tao ng krus ni Kristo o ng doktrina ng Trinidad. Sa kasamaang palad, hindi ito ang dahilan sa likod ng pagaantanda o pagkukrus ng marami ngayon. Maraming tao ang naging ritwal na lamang ang pagkukrus ng walang anumang kaalaman sa kahulugan o kahalagahan kung bakit nila ito ginagawa. Sa huli, amg pagaantanda o pagkukrus ay hindi kinakailangang gawin ng isang Kristiyano dahil hindi naman ito itinuturo ng Salita ng Diyos.
English
Pagaantanda ng krus - ano ang kahulugan nito? Dapat bang mag krus ang mga Kristiyano?