Tanong
Kung mahirap ang pagaasawa, bakit dapat ko itong isaalang-alang?
Sagot
"Kilalanin ang dangal ng pag-aasawa, at huwag dungisan ang pagsasama" (Hebreo 13:4). Isang kagalang-galang at makadiyos na institusyon ang biblikal na pagaasawa sa pagitan ng isang babae at isang lalaki sa isang mapagmahal at habambuhay na pagtatalaga ng sarili sa isa't isa. Dumadating at lumilipas ang mga uso, at may mga kinikilingan ang mundo, ngunit ang plano ng Diyos sa pagaasawa ay siya pa ring pundasyon ng sosyedad noon hanggang ngayon.
Sa kasamaang palad, may mga taong nawawalan ng tiwala sa pagaasawa bilang isang institusyon. May ilan na tinatawag ang kanilang sarili bilang Kristiyano ngunit itinuturing ang pagaasawa na gaya ng isang "laro ng mga hangal" na nagwawakas sa pagsisisi. May ilan naman na may maling akala na dahil ang bawat isa sa magasawa ay tiyak na magbabago sa huli, isang kahangalan ang magtalaga ng buhay sa isang tao—dahil hindi sigurado ang mangyayari sa kabiyak paglipas ng 20, o kahit 5 taon. Maaaring ang babae o lalaki ay ganap na magbago—kaya nga dapat ba tayong manghawak sa sumpa na ating ginawa sa matrimonyo ng kasal?
Kung ang pagaasawa ay ginawa para lamang bigyang kasiyahan ang personal na pagnanasa ng isang lalaki o babae, masasabi ngang ang paglalarawan sa kasal bilang isang banal na bigkis ay isang "kahangalan." Ngunit ang isang biblikal na pagaasawa ay hindi makasarili. Ang pagaasawa ay isang panghabambuhay na pagtatalaga ng sarili upang magmahal. Ito ay isang sumpa na magbibigay ng pagmamahal sa isang tao. Ang pagaasawa ay pagtatalaga na umibig sa isang tao ng panghabambuhay. Ito ay isang determinasyon na mabuhay para sa kapakanan ng isang iniibig, at manatili sa kanyang tabi sa hirap at ginhawa at magbigay ng magbigay, hanggang sa ibigay kahit pa ang sariling buhay (Efeso 5:25).
Pangunahin sa lahat, hindi ang tao ang umimbento ng pagaasawa kundi ang Diyos. Nang gawin ng Diyos ang tao na lalaki at babae, inilagay Niya sila sa hardin ng Eden at pinagsama sa bigkis ng pagaasawa na Kanyang layunin sa simula pa. Ang pinakapangunahing layunin ng pagaasawa ay lumikha ng maraming tao na nagtataglay ng wangis ng Diyos (Genesis 1:26–28; 2:22–24). Ang pagpaparami ang unang binanggit na utos para sa unang magasawang sina Adan at Eba. Ang pagaasawa ang una at pinakapangunahing institusyon na itinatag ng Diyos upang maging pundasyon ng pamilya.
Sa karagdagan, upang ganap na sumalamin sa buong wangis ng Diyos, nilikha ang sangkatauhan sa dalawang kasarian, "lalaki" at "babae" (Genesis 1:27). Ang buong repleksyon ng katangian ng Diyos sa buong sangkatauhan ay nangangailangan ng dalawang kasarian. Ang pagaasawa ang kasangkapan kung saan ang dalawang kasarian ay magkakaroon ng malapit na relasyon sa isa't isa. Kung maging isa ang babae at lalaki sa pagaasawa, magkasama nilang sinasalamin ang larawan ni Kristo at ng Iglesya (Efeso 5:22–32). Ang layunin ng pagaaasawa ay higit pa sa kasiyahan ng pagsasama at pagtatalik.
Nakakasumpong ang mga mananampalataya ng tunay na kagalakan sa pagsasama kung ang Diyos ang kanilang gabay. Oo, matatapos ang pulot-gata. Oo, bawat isa sa magasawa ay magiging kakaiba sa dati gaya ng kanilang ipinakita sa isa't isa habang nagliligawan. Oo, sa malao't madali ay mabibigo ang babae at lalaki sa bawat isa. Oo, nagbabago ang lahat ng tao, at hindi laging para maging mas mabuti. Ngunit may magandang plano ang Diyos ng Kanyang itatag ang pagaasawa at ito ay napakabuti ayon Genesis 1:31. Ginamit ng Diyos ang pagaasawa bilang simbolo para sa Kanyang relasyon sa Kanyang mga anak (Oseas 2:19–20).
Ipinapakita ng pagaasawa ang mga kahinaan ng bawat indibidwal. Tiyak na darating ang mga hamon at pagsubok sa buhay ng magasawa. Masusubok ang tibay ng kanilang sumpa sa isa't isa. Ngunit nabubuhay tayo sa pananampalataya (2 Corinto 5:7). Ang pagaasawa ay isang institusyon ng Diyos para sa sangkatauhan at para sa lahat ng tao. Kung Siya ang nagtatag at nagdisenyo nito upang maganap ang Kanyang layunin, at kung Siya ang nasa isang relasyon, mabuti ito kung gayon. Hindi natin dapat abandonahin ang ideya ng pagaasawa dahil lamang may mga taong may pangit na karanasan dahil na rin sa kanilang kahinaan. Sa huli, hindi makakasumpong ng kasiyahan ang mga tagatanggap sa mundong ito kundi ang mga nagbibigay (Gawa 20:35). Ang mga taong ginagawang huwaran ang Panginoong Jesu Cristo sa pagbibigay ng may pagpapakasakit ay matatanto na ang pagaasawa ay mabuti. Ang pagaasawa ay may kapalit na halaga, hindi lamang isang bagay kundi lahat ng bagay. Ngunit nasa pagbibigay natin ng ating mga sarili matatagpuan ang pinakamalalim na kahulugan ng ating buhay kay Kristo.
Hindi nangangahulugan ang lahat ng ito na dapat na magasawa ang lahat ng mananampalataya. Alam ng Diyos na mas makabubuti para sa iba ang hindi magasawa, at may mga sitwasyon na hindi kanais-nais ang pagaasawa (tingnan ang 1 Corinto 7). Ang isang walang asawa ay makakapagpadama ng pag-ibig na nagpapakasakit sa ibang kaparaanan at makapaglalarawan pa rin ng katangian ng Diyos. Hindi para sa lahat ang pagaasawa, ngunit ang mismong pagaasawa ay isang makadiyos na institusyon na dapat na pahalagahan.
Hindi dapat na maging miserable ang buhay may asawa, at hindi ito magiging miserable kung nauunawaan natin ang layunin ng Diyos para dito at kung sumusunod tayo sa Kanyang mga tagubilin. Ang isang makadiyos at biblikal na relasyong magasawa ang nagbibigay ng isang buong buhay na pagkakataon para sa dalawang tao na pagpalain ang bawat isa at ang kanilang pamilya sa pangalan ni Jesu Cristo. Pinagpala ng Panginoon ang Kanyang mga kaibigan sa isang kasalan sa Cana sa pamamagitan ng Kanyang pagdalo at suporta (Juan 2:1–5), at pinagpapala pa rin Niya hanggang ngayon ang pagsasama ng mga magasawa.
English
Kung mahirap ang pagaasawa, bakit dapat ko itong isaalang-alang?