settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagaasawa ng mga bakla / pagaasawa sa pareho ang kasarian?

Sagot


Habang binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa pagiging bakla o tomboy, hindi partikular na binanggit ang tungkol sa pagaasawa ng mga bakla / pagaasawa sa pareho ang kasarian. Gayunman, malinaw na kinokondena ng Bibliya ang pagiging bakla at tomboy bilang isang imoral at hindi normal na kasalanan. Ipinakilala ang pagiging bakla at tomboy sa Levitico 18:22 na isang karumal dumal at kasuklam suklam na kasalanan. Idineklara ang pagnanasa ng mga bakla / tomboy sa Roma1:26-27 na isang kalibugan, nakakahiya, hindi normal, at hindi disente. Sinasabi sa 1 Corinto 6:9 na hindi magmamana ng kaharian ng Diyos ang mga makasalanan at ang mga bakla at tomboy. Dahil kinokondena ng Bibliya ang pagnanasa at aksyon ng mga bakla at tomboy, malinaw na hindi kalooban ng Diyos at isang kasalanan ang pagaasawa ng mga bakla at tomboy / pagaasawa sa pareho ang kasarian.”

Sa tuwing binabanggit sa Bibliya ang pagaasawa, ito ay sa pagitan lamang ng isang lalaki at isang babae. Inilarawan sa unang pagbanggit sa pagaasawa sa Bibliya, sa Genesis 2:24, na ito ay pag-iwan ng isang lalaki sa kanyang mga magulang at pakikisama sa kanyang asawang babae. Sa mga talata na nagtataglay ng instruksyon tungkol sa pagaasawa, gaya ng 1 Corinto 7:2-16 at Efeso 5:23-33, malinaw na ipinakikita ng Bibliya na ang pagaasawa ay sa pagitan lamang ng isang lalaki at isang babae at ang pangunahing layunin ay ang pagtatayo at pagkakaroon ng maayos na kalagayan sa pamilya.

Gayunman, hindi lamang ang Bibliya ang magagamit upang ipakita ang pananaw na ito sa pagaasawa. Ang pananaw ng Bibliya tungkol sa pagaasawa ang pangkalahatang pananaw sa pagaasawa ng bawat sibilisasyon sa kasaysayan ng mundo. Tumututol ang kasaysayan laban sa pagaasawa sa kapareho ang kasarian. Kinikilala ng modernong saykolohiya na ang mga lalaki at babae lamang ang idinisenyo, sa pisikal at emosyonal, upang kumumpleto sa isa’t isa. Tungkol sa pamilya, ipinaglalaban ng mga psychologists na ang pagiisang dibdib sa pagitan ng isang lalaki at isang babae lamang ang magiging magandang modelo ng kasarian na siyang pinakamagandang kapaligiran kung saan mapapalaki ng maayos ang mga bata. Maging ang saykolohiya ay tumututol sa pagaasawa sa pagitan ng dalawang taong pareho ang kasarian. Sa kalikasan at sa pisikal, malinaw na ang lalaki ang idinisenyo na akma para sa isang babae sa pagtatalik. Dahil ang pagpaparami ng lahi ang natural na layunin ng pagtatalik, malinaw na tanging ang sekswal na relasyon sa pagitan ng isang lalaki at isang babae lamang ang makagaganap sa layuning ito. Tumututol maging ang kalikasan laban sa pagaasawa ng dalawang taong pareho ang kasarian.

Kaya, kung ang Bibliya, kasaysayan, saykolohiya, at kalikasan ay tumututol sa pagaasawa sa pagitan ng dalawang taong pareho ang kasarian – bakit napakaraming kontrobersya sa paksang ito sa kasalukuyan? Bakit ang mga tumututol sa ganitong pagaasawa ay tinatawag na may paboritismo, dogmatiko, napopoot, at panatiko kahit gaano kagalang ang kanilang pagpiprisinta ng mga oposisyon? Bakit ang mga nagsusulong sa karapatang pantao ng mga bakla at tomboy ay agresibong nakikipaglaban para sa legalidad ng pagaasawa sa pareho ang kasarian samantalang karamihan naman ng tao, relihiyoso man o hindi ay sumusuporta o kung hindi man ay hindi gaanong tumututol sa pagkakaroon ng mga bakla at tomboy ng legal na karapatan na kapareho ng pangkaraniwang magasawa sa pamamagitan ng ibang porma ng pagsasamang sibil?

Ang sagot, ayon sa Bibliya ay likas na nalalaman ng bawat tao, na ang pagiging bakla at tomboy ay imoral at hindi normal, at ang tanging paraan upang pigilan ang likas na kaalamang ito ay gawing normal ang pagiging bakla at tomboy at salungatin ang lahat ng oposisyon. Ang pinakamagandang paraan upang gawin itong normal ay ituring ang pagaasawa sa pagitan ng dalawang magkapareho ang kasarian na kapantay ng tradisyonal na pagaasawa sa pagitan ng isang lalaki at isang babae. Inilalarawan ito sa Roma 1:18-32. Nalalaman ng tao ang katotohanan dahil ginawa itong payak ng Diyos. Ngunit tinanggihan ng tao ang katotohanan at pinalitan ito ng kasinungalingan. Isisnusulong ng mga makasalanan ang kasinungalingan at pinipigilan at nilalabanan naman ang katotohanan. Ang ipinakikitang kapusukan at galit ng marami sa mga nagsusulong ng karapatang pantao ng ikatlong kasarian sa mga lumalaban sa kanila, sa katotohanan, ay isang indikasyon na hindi nila kayang ipagtanggol ang kanilang posisyon. Ang pagtatangkang ipanalo ang isang mahinang posisyon sa pamamagitan ng pagtataas ng boses ay ang pinakamatandang pandaraya na ginagamit sa mga aklat tungkol sa pakikipagdebate. Marahil, wala ng mas angkop na paglalarawan sa adyenda ng mga kilusang nagsusulong sa karapatan ng mga bakla/tomboy kaysa sa sinasabi sa Roma 1:31, “Sila'y naging mga hangal, mga taksil, mga walang puso, at di-marunong lumingap sa kapwa.”

Ang pagpapaging legal sa pagaasawa sa pagitan ng dalawang taong pareho ang kasarian ay pagsangayon sa makasalanang pamumuhay ng mga bakla at tomboy na malinaw na kinokondena bilang isang kasalanan sa buong Bibliya. Dapat na matibay na manindigan ang mga Kristiyano laban sa ideya ng pagaasawa ng mga bakla / tomboy. Bilang karagdagan, may mga malakas at lohikal na argumento laban sa pagaasawa ng mga bakla / pagaasawa ng pareho ang kasarian mula sa mga argumento na lubusang nakahiwalay sa Bibliya. Hindi kailangang maging isang Ebanghelikong Kristiyano ang isang tao upang kilalanin na ang pagaasawa ay sa pagitan lamang ng isang babae at isang lalaki.

Ayon sa Bibliya, ang pagaasawa ay itinalaga ng Diyos sa pagitan lamang ng isang lalaki at isang babae (Genesis 2:21-24; Mateo 19:4-6). Ang pagaasawa sa pagitan ng dalawang taong pareho ang kasarian ay pagyurak sa institusyon ng pagaasawa at paglabag sa Diyos na Siyang lumikha ng pagaasawa. Bilang mga Kristiyano, hindi natin dapat palampasin o ipagwalang bahala ang kasalanan, sa halip, dapat nating ibahagi ang pag-ibig ng Diyos at ang kapatawaran mula sa kasalanan na nakalaan sa lahat ng tao, maging sa mga bakla at tomboy, sa pamamagitan ng pagsisisi sa Panginoong Hesu Kristo. Dapat nating sabihin ang katotohanan sa diwa ng pag-ibig (Efesos 4:15) at ipaglaban ang katotohanan ng may “kaamuan at paggalang” (1 Pedro 3:15). Tuwing naninindigan tayo para sa katotohanan at ang resulta ay personal na pagatake, pangiinsulto at paguusig, bilang mga Kristiyano, dapat nating tandaan ang sinabing ito ng Panginoong Hesu Kristo: “Kung napopoot sa inyo ang sanlibutan, alalahanin ninyong ako muna ang kinapootan nila bago kayo. Kung kayo'y taga-sanlibutan, mamahalin nila kayo, sapagkat kayo'y kabilang sa kanila. Hindi kayo taga-sanlibutan. Sila'y napopoot sa inyo dahil pinili ko kayo” (Juan 15:18-19).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagaasawa ng mga bakla / pagaasawa sa pareho ang kasarian?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries