Tanong
Ano ang kaibahan ng pagaasawang Kristiyano?
Sagot
Ang pangunahing pagkakaiba sa pagitan ng Kristiyanong pagaasawa at pagaasawa ng mga hindi mananampalataya ay si Kristo. Siya ang sentro ng pagsasama ng ng dalawang mananampalataya na pinagsama sa sakramento ng kasal. Sa oras na pagisahin ni Kristo ang dalawang mananampalataya, ang kanilang layunin sa buhay magasawa ay maging kagaya ni Kristo sa buong panahon ng kanilang pagsasama. Ang mga hindi Kristiyano ay maraming layunin din naman sa kanilang pagsasama, ngunit hindi kasama sa mga layuning ito ang pagiging kagaya ni Kristo. Hindi ito nangangahulugan na pagkatapos ng kasal, ang lahat ng Kristiyano ay agad na maguumpisa sa pagtupad sa layuning ito. Maraming batang Kristiyano ang hindi agad naunawaan na ito ang layunin ng kanilang pagaasawa ngunit sa patuloy na pagkilos ng Banal na Espiritu sa kanilang buhay at sa kanilang patuloy na paglago sa pananampalataya, nagiging malinaw sa kanila na ang kanilang layunin sa buhay may asawa ay maging kagaya ni Kristo. Kung ito ang layunin ng magasawa bilang mga indibidwal, ang kanilang pagsasama ay magiging matatag at maligaya.
Ang Kristiyanong pagaasawa ay naguumpisa sa pangunawa na ibinigay sa Bibliya ang malinaw na katuruan tungkol sa kanilang mga tungkulin bilang asawang lalaki at babae at ang kanilang pagtatalaga sa pagganap sa kanilang mga tungkuling ito. Ang mga tungkuling ito ay pangunahing matatapuan sa Efeso 5. Ang asawang lalaki ang dapat na manguna sa pamilya (Efeso 5:23-26). Ang pangungunang ito ay hindi dapat na tulad sa isang diktador at mababa ang pagtingin sa asawa, kundi dapat na sangayon sa halimbawa ng pangunguna ni Kristo sa Iglesya. Inibig ni Kristo ang Iglesya (ang Kanyang bayan) ng buong kahabagan, awa, pagpapatawad, paggalang at pagpapakasakit. Sa ganito ring paraan dapat na ibigin ng mga lalaki ang kani-kanilang asawa.
Ang mga babae ay dapat na magpasakop sa kani-kanilang asawa na “gaya ng sa Panginoon” (Efeso 5:22), hindi dahil isa lamang itong tungkulin ngunit dahil kapwa sila nagpapasakop sa isa’t isa dahil sa kanilang “paggalang kay Kristo” (Efeso 5:21) at dahil dapat na may istruktura ng awtoridad sa tahanan, kung saan si Kristo ang ulo (Efeso 5:23-24). Ang paggalang ay isa sa mga susing elemento sa pagnanais na magpasakop; dapat na igalang ng mga babae ang kani-kanilang asawa at dapat namang mahalin ng mga lalaki ang kani-kanilang asawa (Efeso 5:33). Ang pag-ibig sa isa’t isa, paggalang at pagpapasakop ay saligan ng Kristiyanong pagaasawa. Kung nakatatag sa tatlong prinsipyong ito ang pagsasama, ang magasawa ay lalago sa pagiging kagaya ni Kristo habang magkasamang lumalago sa kanilang pagkakilala sa isa’t isa at sa Panginoon.
Ang isa pang susi sa tagumpay ng pagsasama ng Kristiyano ay ang pagpapakasakit gaya ng inilarawan sa Filipos 2:3-4. Ang prinsipyo ng pagpapakumbaba na inilatag sa mga talatang ito ay kinakailangan para sa isang matatag na pagsasama. Dapat na isaalang-alang ng mga babae at lalaki ang pangangailangan ng kani-kanilang asawa bago ang kanilang sarili. Nangangahulugan ito ng pagpapakasakit na posible lamang magawa sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na nananahan sa atin. Ang pagpapakumbaba at pagpapakasakit ay hindi natural sa makasalanang kalikasan ng tao. Ang mga ito ay katangian na tanging matataglay, mapapalago at mapeperpekto sa pamamagitan lamang ng pagkilos ng Banal na Espiritu sa ating mga buhay. Ito ang dahilan kung bakit ang mga Kristiyanong magasawa ay kinakikitaan ng espiritwal na disiplina gaya ng pagaaral ng Salita ng Diyos, pagsasaulo ng mga talata sa Bibliya, pananalangin at pagbubula- bulay sa mga bagay tungkol sa Diyos. Kung parehong sinasanay ng magasawa ang mga gawaing ito, ang bawat isa sa kanila ay titibay at lalago at magiging susi ito sa pagkakaroon ng isang matatag at mabungang pagsasama bilang magasawa.
English
Ano ang kaibahan ng pagaasawang Kristiyano?