Tanong
Ano ang kahulugan at kahalagahan ng pag-akyat ni Hesus sa langit?
Sagot
Pagkatapos na mabuhay na mag-uli ni Hesus mula sa mga patay, “ipinakita Niya ang Kanyang sarili na buhay” (Gawa 1:3) sa mga babae malapit sa libingan (Mateo 28:9-10), sa Kanyang mga alagad (Lukas 24:36-43), at sa mahigit na limandaang katao (1 Corinto15:6). Nang sumunod na araw pagkatapos ng Kanyang pagkabuhay na mag-uli, nagturo si Hesus sa Kanyang mga alagad tungkol sa Kaharian ng Diyos (Gawa 1:3).
Apatnapung araw pagkatapos na mabuhay na mag-uli ni Hesus, nagpunta Siya kasama ang Kanyang mga alagad sa Bundok ng mga Olibo, malapit sa Jerusalem. Doon, ipinangako Niya sa Kanyang mga tagasunod ang pagdating ng Banal na Espiritu at inutusan silang manatili sa Jerusalem upang hintayin ang Kanyang pagdating. Pagkatapos, binasbasan sila ni Hesus at habang ibinibigay ang Kanyang basbas, nagsimula Siyang umakyat sa langit. Ang salaysay tungkol sa pag-akyat ni Hesus sa langit ay matatagpuan sa Lukas 24:50-51 at Gawa 1:9-11.
Malinaw sa Kasulatan na ang pag-akyat ni Hesus sa langit ay sa literal na paraan. Umangat Siya ng dahan dahan mula sa lupa at nakita mismo ng mga nakasaksi ang mga pangyayari. Habang sinisikap ng mga alagad na matanaw ang umaakyat na katawan ni Hesus, natakpan Siya ng mga ulap at hindi na Siya muling nakita pa. Bigla, dalawang anghel ang lumitaw at ipinangako na “kung paanong umakyat si Hesus sa langit ay gayon din Siya babalik (Gawa 1:11).
Ang pag-akyat ni Hesus sa langit ay makabuluhan dahil sa mga sumusunod na kadahilanan:
1) Ito ang tanda ng pagwawakas ng gawain ni Kristo sa lupa. Buong pagmamahal na ipinadala ng Diyos Ama ang kanyang Anak sa mundo at ngayon ang Anak ay nagbabalik na sa Ama. Ang yugto ng Kanyang limitasyon bilang tao ay nagwakas na.
2) Ito ang tanda ng tagumpay ng Kanyang gawain sa lupa. Ang lahat ng Kanyang dapat gawin ay Kanyang matagumpay na natapos.
3) Ito ang marka ng pagbalik ni Hesus sa kaluwalhatian. Nalambungan ang kaluwalhatian ni Hesus habang Siya ay nasa lupa maliban sa isang pagkakataon noong Siya ay magbagong anyo (Mateo 17:1-9).
4) Ito ang simbolo ng pagtataas sa Kanya ng Ama (Efeso1:20-23). Ang Isa na kinalulugdan ng Ama (Mateo 17:5) ay tinanggap ng may karangalan at binigyan ng pangalan na higit sa lahat ng pangalan (Filipos 2:9).
5) Ito ang marka ng paghahanda Niya ng ating matitirhan (Juan 14:2).
6) Isinasaad nito ang pagsisimula ng Kayang bagong gawain bilang ating Dakilang Saserdote (Hebreo 4:14-16) at Tagapamagitan ng Bagong Tipan (Hebreo 9:15).
7) Ito ang nagtakda ng disenyo ng Kanyang muling pagbabalik. Sa Kanyang muling ipagparito upang itayo ang kaharian, babalik Siyang gaya ng Kanyang pag-akyat sa langit; literal, sa katawan at makikita Siyang dumarating mula sa mga ulap (Gawa 1:11; Daniel 7:13-14; Mateo 24:30; Pahayag 1:7).
Sa kasalukuyan, ang Panginoong Hesus ay nasa langit. Sa tuwina, inilalarawan Siya ng Kasulatan na nasa Kanan ng Ama, isang posisyon ng karangalan at kapamahalaan (Awit 110:1; Efeso 1:20; Hebreo 8:1). Si Hesus ang ulo ng Iglesya (Colosas 1:18), ang tagapagbigay ng kaloob na espiritwal (Efeso 4:7-8), at ang sumasalahat at nasa lahat (Efeso 4:9-10). Ang pag-akyat ni Hesus sa langit ay isang pangyayari na naghudyat ng pagpapalit ng ministeryo ni Hesus mula sa lupa patungo sa Langit.
English
Ano ang kahulugan at kahalagahan ng pag-akyat ni Hesus sa langit?