settings icon
share icon
Tanong

Mayroon bang kahalagahan ang pagsusulit o imbentaryo para malaman ang espiritwal na kaloob na mayroon ang isang mananampalataya?

Sagot


Tunay na kanais-nais para sa mga anak ng Diyos ang naisin na malaman kung ano ang mga espiritwal na kaloob na ibinigay sa kanila ng Banal na Espiritu sa layunin na mapaglingkuran at maluwalhati ang Diyos (2 Timoteo 1:6). Gayunman, hindi sinasabi ng Kasulatan na ang mga espiritwal na kaloob ng isang mananampalataya ay maaaring malaman sa pamamagitan ng isang pagsusulit. Ang pagkakaroon ng isang imbentaryo upang malaman kung ano ang mga espiritwal na kaloob ay hindi rin itinuro ng Bibliya. Ang mananampalataya na kumukuha ng pagsusulit ay tumutugon lamang sa isang listahan ng mga tanong. Pagkatapos sagutin ang lahat ng mga tanong, may mga numero na may katapat na halaga ang ilalapat sa mga sinagutang tanong at kukuwentahin ang kabuuan ng mga numero at ang resulta ang magdedetermina kung ano ang mga espiritwal na kaloob ng mananampalatayang kumuha ng pagsusulit. Ngunit itinuturo ng Bibliya na nagbibigay ang Banal na Espiritu ng mga kaloob ayon sa Kanyang maibigan ayon sa Kanyang piniling bigyan upang gamitin ang kaloob na iyon sa paglilingkod sa Iglesya.

Ang isa sa mga problema ng ganitong paraan ng pagalam sa mga espiritwal na kaloob ay ang katotohanan na sa mga Kristiyano sa panahon ngayon, may iba't ibang opinyon ang bawat isa sa paksa ng espiritwal na kaloob gaya ng hindi talaga alam kung anong ibig sabihin ng bawat kaloob o kung ang isang kaloob ba ay ibinibigay pa rin sa mga mananampalataya ngayon o kung ang isang kaloob ba ay kasama sa listahan ng mga kaloob ng Banal na Espiritu sa Iglesya (Efeso 4:1). Bihirang mapagtuunan ng pansin ang isyung ito ng pagsusulit upang malaman ang espiritwal na kaloob. Ang isa pang dapat isaalang-alang ay mas malamang sa hindi, nakikita ng mga tao ang kanilang sarili ng iba kaysa sa pagtingin sa kanila ng ibang tao na nangangahulugan ng maling resulta ng pagsusulit upang malaman ang mga kaloob na espiritwal.

Ang ikatlong problema sa mga pagsusulit na ito ay ang katotohanan na ang mga kaloob na ito ay nagmula sa Diyos sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, at nagbibigay ang Banal na Espiritu ng kaloob sa sinumang Kanyang maibigan (1 Corinto 12:7-11). Sa Juan 16:13, ipinangako ni Hesus sa mga mananampalataya na gagabayan sila ng Banal na Espiritu sa lahat ng katotohanan. Malinaw na dahil ang Banal na Espiritu ang nagdedesisyon kung sino ang tatanggap ng isang partikular na kaloob, mas ninanais Niya na malaman natin kung ano ang Kanyang mga ipinagkaloob sa atin ng higit sa naisin natin na malaman kung ano ang mga iyon. Sa katotohanan, ang ating interes na malaman kung ano ang mga kaloob ng Espiritu sa atin ay dahil sa maling motibo na malaman kung ano ang ating kahalagahan kaysa sa kung ano ang halaga ng mga kaloob ng Espiritu para sa atin at sa iba. Ang pagnanais ng Banal na Espiritu na malaman natin ang ating mga kaloob ay laging para sa pinakamabuti, upang makakilos tayo sa Iglesya sa kaparaanan na magbibigay ng kapurihan at karangalan sa ating Ama sa langit.

Kung buong katapatan tayong maghahanap sa kalooban ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng panalangin, pakikisama sa bawat mananampalataya, sa pagaaral ng Salita ng Diyos at sa pagbabahagi ng Salita ng Diyos sa iba, malalaman natin kung ano ang ating mga espiritwal na kaloob. Ibibigay ng Diyos ang nasa ng ating mga puso (Awit 37:4). Hindi ito nangangahulugan na ibibigay ng Diyos ang anumang ating maibigan, ngunit sa halip, ibibigay Niya mismo ang pagnanais natin para sa Kanyang kalooban. Maaari Niyang ilagay sa ating mga puso ang pagnanais na makapagturo, makapagkaloob, makapanalangin at makapaglingkod. Kung kikilos tayo ayon sa mga pagnanasa sa mga bagay na iyon at tunay tayong nakatalaga para sa Kanyang kapurihan sa paggamit ng mga kaloob Niya sa atin, maraming positibong resulta ang magaganap, at ang Katawan ni Kristo ay lalago at mapapatibay at maluluwalhati ang ating buhay na Diyos.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Mayroon bang kahalagahan ang pagsusulit o imbentaryo para malaman ang espiritwal na kaloob na mayroon ang isang mananampalataya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries