settings icon
share icon
Tanong

Ano ang isang pagano? Ano ang paganismo?

Sagot


Mula sa pananaw ng isang Kristiyano, sa pangkalahatan, ang isang pagano ay isang taong gumagawa ng anumang seremonya, gawa, o pagsasanay na pangrelihiyon na malinaw na hindi Kristyano. Ginagamit din ng mga Hudyo at mga muslim ang saling "pagano" para ilarawan ang mga taong hindi kabilang sa kanilang relihiyon. May iba naman na ginagamit ang salitang pagano para ilarawan ang mga taong hindi kabilang sa relihiyong Budismo, Hinduismo, Judaismo at Kristiyanismo; habang sinasabi naman ng iba na ang isang pagano ay isang taong walang kahit anong relihiyon o hindi kaanib ng anumang relihiyon.

Maaaring tumukoy ang paganismo sa pagsamba sa maraming diyus-diyusan o pagsamba sa higit sa isang Diyos gaya sa sinaunang Roma. Maituturing din na pagano ang isang taong walang relihiyon o nagpapakasasa sa makamundong kasiyahan at materyal na mga bagay; isang tao na nagpapakalunod sa kasiyahang sekswal; at nakabase ang kasiyahan sa panlupang mga bagay hindi sa isang Diyos. Ang isa pang tawag na mas moderno ay bagong paganismo (neo-paganism), isang salitang tumutukoy sa makabagong anyo ng paganismo gaya ng Wicca, Druidry at Gwyddon.

Ang modernong gawain ng mga pagano ay aktwal na kapareho ng sinaunang paganismo sa aspeto ng pagyakap sa hedonism (hedonism) – ang paghahangad sa pansariling kasiyahan sa pamamagitan ng senswalidad at pagsunod sa sariling layaw at paghahanap ng kasiyahan o sarap ng pakiramdam ayon sa sariling pamantayan ng walang pakialam sa sinasabi ng iba. Noong unang panahon, ang mga seremonyang sekswal ay pangunahing bahagi ng mga paganong relihiyon. Binanggit ang mga gawaing ito ng mga pagano sa Lumang Tipan sa mga talatang gaya ng Deuteronomio 23:17, Amos 2:7–8, at Isaias 57:7–8.

Bagama't napakarami ng mga pagano at iba't iba ang kanilang mga gawain, pare-pareho silang yumayakap sa parehong paniniwala. Halimbawa ay ang mga sumusunod:
• Isang magandang lugar ang pisikal na mundo at dapat masiyahan ang bawat tao sa mundong ito.
• Itinuturing na bahagi ng Inang Mundo (Mother Earth) ang bawat tao.
• Nahahayag ang mismong pagkadiyos ng diyos sa bawat aspeto ng mundo.
• Ang bawat nilalang, tao at hayop, ay bahagi ng diyos. Dahil dito, ang lahat ng tao ay mga diyos o diyosa.
• Nakararami sa mga paganong relihiyon ang walang guru o Mesiyas.
• Mas mataas ang responsibilidad ng tao kaysa sa doktrina.
• Mahalaga ang paggalaw ng araw at buwan sa mga paganong pagsamba.

Ang anumang anyo ng paganismo ay maling doktrina. Tinalakay ni Pablo ang pagpilipit nila sa katotohanan sa kanyang sulat sa mga mananampalataya sa Roma (Roma 1:22–27). Ang mga taong inilalarawan ni Pablo ay makamundo at maibigin sa salapi at sumasamba sa mga nilikha sa halip na sa Lumikha. Sumasamba sila sa mga puno, hayop, at mga bato hanggang sa punto na inaabuso nila ang sariling katawan sa mga nakakarimarim na sekswal na gawain para masunod ang kanilang kagustuhan. Pagkatapos sinabi ni Pablo kung bakit nila ito ginagawa at ang resulta nito:

"Dahil ayaw nilang kilalanin ang Diyos, hinayaan sila ng Diyos sa masasamang pag-iisip at sa mga gawaing kasuklam-suklam" (Roma 1:28).

Sa kabila ng pangkaraniwang pagpapalagay, nakararaming mananambang pagano ang nagsasabi na hindi sila naniniwala kay Satanas. Gayunman, hindi maikakaila na si Satanas ang pangunahing nagiimpluwensya at komokontrol sa kanila. Bagama't tinatanggihan nila ito, sinasamba nila si Satanas sa kanilang senswal at makamundong gawain. Simpleng sinasabi sa atin ni Pablo kung paanong kumikilos si Satanas sa buhay ng mga taong walang kinikilalang Diyos, sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, mga tanda, pandaraya at mga kasinungalingan.

"Paglitaw ng Suwail, taglay niya ang kapangyarihan ni Satanas. Gagawa siya ng lahat ng uri ng mapanlinlang na mga himala at kababalaghan. Gagamit siya ng lahat ng uri ng pandaraya sa mga mapapahamak dahil ayaw nilang mahalin ang katotohanan na makakapagligtas sana sa kanila. Dahil dito, hahayaan ng Diyos na sila'y malinlang ng espiritu ng kamalian at maniwala sa kasinungalingan. Sa gayon, mapaparusahan ang lahat ng natuwa sa paggawa ng kasamaan sa halip na maniwala sa katotohanan" (2 Tesalonica 2:9–12).

Ang katotohanan na si Satanas ay buhay at kumikilos ay mabisang pinatutunayan ng mga paganong pagsamba at gawain. Hindi lamang ito totoo noong panahon ng unang iglesya noong unang siglo kundi maging sa ating modernong mundo sa kasalukuyan. Para sa mga tapat na mananampalataya na nakikilala ang Panginoon, ang mga paganong pagsamba ang ebidensya ng kapangyarihan at pandaraya ng prinsipe ng mundong ito, si Satanas (1 Juan 5:19), na "parang leong umuungal at aali-aligid na naghahanap ng malalapa" (1 Pedro 5:8). Dahil dito, dapat na iwasan ang paganismo.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang isang pagano? Ano ang paganismo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries