Tanong
Bakit dapat pagaralan ang Lumang Tipan?
Sagot
Napakaraming dahilan kung bakit dapat pagaralan ang Lumang Tipan. Ang Lumang Tipan ang naglatag ng pundasyon para sa mga katuruan at kaganapan sa Bagong Tipan. Nakapaloob sa Bibliya ang nagpapatuloy na kapahayagan ng Diyos. Kung lalampasan mo ang unang bahagi ng kahit anong aklat at hindi mo iyon tatapusin, mahihirapan kang maintindihan ang mga tauhan, ang kuwento at ang konklusyon niyon. Sa ganito ring paraan, mauunawaan lamang ang Bagong Tipan kung ating titingnan ang pundasyon ng mga pangyayari, kautusan, paghahandog, mga tipan at mga pangako ng Diyos sa Lumang Tipan.
Kung mayroon lamang tayong Bagong Tipan, tutunghayan natin ang Ebanghelyo at hindi mauunawaan kung bakit ang mga Hudyo ay naghihintay sa isang Mesiyas (isang Hari at Tagapagligtas). Hindi natin mauunawaan kung bakit kailangang dumating ang Tagapagligtas na ito (Isaias 53), at hindi natin makikilala si Hesus na taga Nazareth bilang Mesiyas na siyang paksa ng maraming mga detalyadong hula na binanggit sa Lumang Tipan patungkol sa Kanya [halimbawa: ang lugar ng Kanyang kapanganakan (Mikas 5:2), ang paraan kung paano Siya mamamatay (Awit 22:1, 7:8, 14; 18; 69:21), ang Kanyang pagkabuhay na muli (Awit 16:10), at marami pang mga detalye ng Kanyang ministeryo (Isaias 9:2; 52:3)].
Ang pagaaral sa Lumang Tipan ay mahalaga din sa pangunawa sa mga kaugalian ng mga Hudyo na binabanggit sa Bagong Tipan. Hindi natin mauunawaan kung paanong binaluktot ng mga Pariseo ang mga Utos ng Diyos sa pamamagitan ng pagdagdag dito ng kanilang mga tradisyon. Hindi rin natin mauunawaan kung bakit gayon na lamang ang pagkadismaya ng Panginoong Hesus ng linisin Niya ang templo. Hindi rin natin mauunawaan kung saan nanggaling ang mga salitang ginamit ni Hesus upang sagutin ang mga tumutuligsa sa Kanya.
Itinala ng Lumang Tipan ang napakaraming mga detalyadong hula na magaganap lamang kung ang Bibliya ay Salita ng Diyos at hindi galing sa tao (Halimbawa ay ang Daniel 7 at mga sumusunod na kabanata). Sinabi ni Daniel ang mga maliliit na detalye tungkol sa pagusbong at pagbagsak ng mga bansa. Marami sa mga hulang ito ay eksaktong naganap sa kasaysayan na kahit na ang mga kritiko ng Bibliya ay napilitang maniwala sa katotohanan ng mga hulang ito.
Kailangan nating pagaralan ang Lumang Tipan dahil sa hindi mabilang na aral na nilalaman nito para sa atin. Sa pamamagitan ng pagobserba sa buhay ng mga karakter sa Lumang Tipan, makakatagpo tayo ng gabay para sa ating mga buhay.Tayo ay hinihimok na magtiwala sa Diyos kahit ano pa ang mangyari (Daniel 3). Matututunan natin na manindigan sa ating mga pinaniniwalaan (Daniel 1), at maghintay sa gantimpala ng katapatan (Daniel 6). Matutunan natin na mas mabuting ipagtapat at aminin ang ating kasalanan sa halip na isisi iyon sa iba (1 samuel 15). Matututunan natin na hindi dapat balewalain ang kasalanan dahil tiyak na ito ay mahahayag din sa huli (Mga Hukom 13:16). Matututunan din natin na ang ating mga kasalanan ay may mga negatibong konsekwensya hindi lamang para sa ating sarili kundi sa atin ding mga mahal sa buhay (Genesis 3), at gayundin naman ating matututunan na ang magandang paguugali ay may gantimpala para sa atin at sa ibang tao na ating nakakasalamuha (Exodo 20:5-6).
Ang pagaaral sa Lumang Tipan ay makatutulong sa atin upang maunawaan ang mga hula. Ang Lumang Tipan ay naglalaman ng napakaraming mga pangako ng Diyos na hindi pa nagaganap sa bansang Israel. Inihahayag sa atin ng Lumang Tipan ang mga katulad na hula gaya ng haba ng panahon ng kalapastanganang walang pangalawa, kung paanong gaganapin sa loob ng isanlibong taon ng paghahari ni Kristo ang kanyang pangako sa mga Hudyo, at kung paanong ang pagtatapos ng Bibliya ay bibigyang kasagutan ang lahat ng ating mga tanong sa paguumpisa ng Bagong Langit at Bagong Lupa.
Sa pagbubuod, pinahihintulutan tayo ng Lumang tipan na matutunan kung paano iibigin at paglilingkuran ang Diyos habang ipinapahayag nito ang Kanyang mga katangian sa atin. Paulit ulit na ipinakikita ng mga nagaganap na hula kung paanong ang Bibliya ay kakaiba sa lahat ng mga aklat - na ito lamang ang makapaglalarawan ng Kanyang inaangkin: bilang kinasihang Salita ng Diyos. Sa madaling salita, kung hindi ka pa nakakapagbasa ng anumang aklat sa Lumang Tipan, napakaraming napakahalagang mga bagay ang hindi mo pa nalalaman na sadyang inilaan ng Diyos para sa iyo.
English
Bakit dapat pagaralan ang Lumang Tipan?