settings icon
share icon
Tanong

Ano ang tamang pananaw ng Kristiyano sa pagbabago ng klima (climate change)?

Sagot


Kapansin pansin kung paanong pinalitan ng pariralang “pagbabago ng klima” (climate change) ang pariralang “paginit ng mundo” (global warming) bilang pantawag pansin ng mga nagsusulong ng environmentalism. May mga siyentipiko na nagaaral sa klima ng mundo ang nakatitiyak na ang ilang mga aktibidad ng tao, pangunahin ang usok na nanggagaling sa mga sasakyan at pabrika ay nakakaapekto sa klima at kapaligiran. May dalawang dekada ang nakakaraan, ang “paglamig ng mundo” ang kinatatakutan ng tao kasama ang mga babala ng pagdating ng “ice age.” Habang mas nakararaming siyentipiko ngayon ang naniniwala na ang paginit ng mundo ang pangunahing panganib sa tao, ang kawalang katiyakan ng pangyayaring ito ang naging dahilan upang gamitin ang tawag na “pagbabago sa klima” o “climate change” sa halip na “paginit ng mundo” o “global warming.” Sa esensya, ito ang mensahe ng “climate change:” “Sinisira ng polusyon ang ating kapaligiran at habang hindi tayo nakatitiyak kung ano ang epekto nito sa mundo, alam natin na ito ay makasasama sa ating lahat.”

Nagkakaisa ang mga climatologists, ecologists, geologists at iba pa sa pagkilala na ang mundo ay dumaan sa pagbabago ng klima/temperatura sa nakalipas. Sa kabila ng katotohanan na hindi ang mga aktibidad ng tao ang dahilan ng pagbabago ng klima, marami sa mga siyentipiko ang kumbinsido na ang mga aktibidad ng tao ang pangunahing dahilan sa pagbabago ng klima (climate change) sa kasalukuyan. Bakit kaya? Makikita ang tatlong pangunahing dahilan sa likod nito.

Una, may mga buong-buo ang paniniwala na ang mga usok na nanggagaling sa mga sasakyan at pabrika ang dahilan ng pagbabago sa klima. Tapat nilang siniyasat ang mga datos bago dumating sa konklusyong ito. Ikalawa, may mga sobrang panatiko naman sa pagpapalaganap ng paniniwalang ito. Marami sa mga kilusan na nangangalaga sa kapaligiran ang masyadong nahuhumaling sa pangangalaga sa “Inang kalikasan,” at ginagamit nila ang lahat ng argumento upang maganap ang kanilang layunin gaano man ang pagkiling nila at hindi balanseng pagpapaliwanag sa mga isyung may kinalaman sa climate change. Ikatlo, may mga nagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan upang pagkakitaan ito. Ang ilan sa mga nagpapalaganap ng masamang epekto ng usok ng mga tambutso sa klima ay makikinabang ng malaki kung maipapasa ang mga batas na susuporta sa paggamit ng mga teknolohiya na babawas sa mga usok na nalilikha ng mga pabrika at sasakyan. Bago tanggapin ang ideya ng pagbabago ng klima dahil sa mga aktibidad ng tao, dapat na kilalanin na hindi lahat ng nagsusulong ng “climate change” ay may tamang motibo o may sapat na kaalaman tungkol sa isyung ito.

Ano ang tamang pananaw ng mga Kristiyano sa climate change? Dapat na pagdudahan natin ito at ikritiko sa diwa ng paggalang at katapatan. Higit na mahalaga, dapat na tingnan at unawain natin ang isyung ito ayon sa sinasabi ng Bibliya. Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa climate change? Hindi marami ang impormasyon na makikita natin sa Bibliya patungkol sa isyung ito. Ang pinakamalapit na halimbawa sa Bibliya na maituturing na may kinalaman sa pagbabago ng klima ay ang mga sakuna sa huling panahon na inihula sa Aklat ng Pahayag 6 at 18. Ngunit walang kinalaman ang mga hulang ito sa mga usok na ibinubuga ng mga makina, sa halip, ang mga sakunang ito ay resulta ng poot ng Diyos at ang pagbubuhos ng Kanyang galit sa mundong pasama ng pasama. Gayundin naman, dapat alalahanin ng mga Kristiyano na ang Diyos ang may ganap na kapamahalaan sa lahat ng nangyayari at hindi ang mundong ito ang ating tunay na tahanan. Isang araw, gugunawin ng Diyos ang kasalukuyang langit at lupa (2 Pedro 3:7-12) at papalitan Niya ito ng Bagong Langit at Bagong Lupa (Pahayag 21-22). Gaano man kalaking pagsisikap ang gawin ng tao upang “iligtas” ang planetang ito, gugunawin ito ng Diyos at papalitan ng isang mundo na kahanga-hanga kumpara sa kasalukuyang mundo.

Mayroon bang masama sa pangangalaga sa kalikasan? Siyempre, wala. Ang pagbabawas ba ng carbon sa hangin ay isang mabuting bagay? Oo. Dapat bang pagukulan ng pansin ang pagtatayo ng mga solar panels, wind mills, at iba pang natural na pinagmumulan ng enerhiya? Oo. Ang mga bagay na ito ba ang dapat pagtuunan ng pansin ng mga tagasunod ni Kristo? Hindi! Bilang mga Kristiyano, ang dapat nating pagtuunan ng pansin ay ang pagpapahayag ng mensahe ng Ebanghelyo, ang mensahe na may kapangyarihan upang magligtas ng mga kaluluwa. Hindi natin responsibilidad at wala tayong kakayahan na iligtas ang ating planeta. Maaaring totoo o hindi totoo ang climate change, maaaring gawa-gawa ito ng tao o hindi. Ang tiyak nating nalalaman ay mabuti ang Diyos at ganap ang Kanyang kapangyarihan upang ang mundong ito ay ating matirhan hanggang kailan Niya pahihintulutan. Sinasabi sa Awit 46:2-3, “Ang Diyos ang ating lakas at kanlungan, at handang saklolo kung may kaguluhan. Di dapat matakot, mundo'y mayanig man, kahit na sa dagat ang bundok matangay.”

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang tamang pananaw ng Kristiyano sa pagbabago ng klima (climate change)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries