settings icon
share icon
Tanong

Ano ang kahulugan at kahalagahan ng pagbabagong anyo ni Hesus?

video
Sagot


May isang linggo pagkatapos na sabihin ni Hesus sa Kanyang mga alagad na Siya ay magdurusa, papatayin at mabubuhay na mag-uli mula sa mga patay (Lukas 9:22), isinama Niya sina Pedro, Santiago at Juan sa bundok upang manalangin. Habang Siya'y nananalangin, nagbago ang Kanyang pisikal na anyo at naging maluwalhati at ang Kanyang damit ay nagliwanag sa sobrang kaputian. Biglang lumabas si Moises at Elias at nakipagusap kay Hesus tungkol sa Kanyang nalalapit na kamatayan. Dahil hindi malaman ni Pedro ang kanyang gagawin at sasabihin sa sobrang takot, nasabi niya kay Hesus na magtatayo siya ng tatlong kubol para sa bawat isa sa kanila. Walang duda na ang tinutukoy ni Pedro ay ang kubol na ginagamit ng mga Israelita sa kanilang pagdiriwang tuwing Pista ng Tabernakulo kung kailan tumitira ang mga Israelita sa mga kubol sa loob ng pitong araw (Levitico 23:34-42). Ipinahahayag ni Pedro ang kanyang kagustuhan na manatili ang mga panauhin ni Hesus. Isang ulap ang tumakip sa tatlo at isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Ito ang aking Anak, ang aking Hinirang. Siya ang inyong pakinggan!” Nawala ang ulap at nawala rin si Moises at Elias at naiwan lamang ay si Hesus habang ang kanyang mga alagad ay takot na takot. Nagbabala si Hesus sa tatlong alagad na huwag sasabihin kahit kanino ang kanilang nakita hanggang sa mabuhay Siyang muli. Ang tala sa pangyayaring ito ay makikita sa Mateo 17:1-8, Markos 9:2-8, at Lukas 9:28-36.



Walang duda na ang layunin ng pagbabagong anyo ni Hesus ay upang ang tatlo Kanyang pinakamalapit na alagad ay magkaroon ng mas malalim at malawak na pangunawa kung sino si Hesus. Isang dramatikong pagbabago ang naganap sa Kanyang anyo upang makita Siya ng Kanyang mga alagad sa Kanyang kaluwalhatian. Ang mga alagad na dati lamang Siyang nakikilala sa kanyang anyong tao ay nagkaroon na ngayon ng mas malaking pangunawa sa Kanyang pagka-Diyos bagama't hindi nila lubusang nauunawaan ang katotohanang ito. Ang pangyayaring ito ay nagbigay sa kanila ng katiyakan na kanilang kailangan pagkatapos nilang marinig ang nakagugulat na balita ng kanyang nalalapit na kamatayan.

Bilang simbolo, ang paglitaw ni Moises at Elias ay kumakatawan sa Kautusan at sa mga Propeta. Ngunit ang tinig mula sa langit na nagsabi “pakinggan ninyo Siya” ay malinaw na nagpapakita na ang Kautusan at ang mga Propeta ay dapat na magbigay daan kay Hesus. Ang Isa na Siyang bago at buhay na daan ay papalitan na ang luma; Siya ang kaganapan ng Kautusan at ng hindi mabilang na mga hula sa Lumang Tipan. Gayundin naman, sa Kanyang maluwalhating katawan, nakita ng mga alagad ang sulyap sa Kanyang nalalapit na pagkabuhay na mag-uli sa Kanyang maluwalhating katawan at ang pagluluklok sa Kanya bilang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.

Hindi nalimutan ng mga alagad ang nangyaring iyon sa bundok at walang pagdududa na sinadya iyon ni Hesus. Isinulat ni Juan sa Kanyang Ebanghelyo, “at nakita namin ang kaniyang kaluwalhatian, kaluwalhatian gaya ng sa bugtong ng Ama” (Juan 1:14b). Isinulat din ni Pedro, “Sapagka't kami ay hindi nagsisunod sa mga kathang ginawang mainam, noong aming ipinakilala sa inyo ang kapangyarihan at pagparito ng ating Panginoong Jesucristo, kundi kami ay naging mga saksing nakakita ng kaniyang karangalan. Sapagka't siya'y tumanggap sa Dios Ama ng karangalan at kaluwalhatian, nang dumating sa kaniya ang isang tinig mula sa Marangal na Kaluwalhatian, Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong kinalulugdan: At ang tinig na ito ay aming narinig na nanggaling sa langit, nang kami ay kasama niya sa banal na bundok” (2 Pedro 1:16-18). Yaong mga nakasaksi sa pagbabagong anyo ni Hesus ay nagpatotoo sa iba pang mga alagad at sa hindi mabilang na tao sa pagdaan ng mga siglo.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang kahulugan at kahalagahan ng pagbabagong anyo ni Hesus?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries