settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagbibigay sa mahihirap?

Sagot


Sa parehong Luma at Bagong Tipan, makikita natin ang pagnanais ng Diyos para sa Kanyang mga anak na magpakita ng kahabagan sa mga mahihirap at nangangailangan. Sinabi ni Jesus na lagi nating kasama ang mahihirap (Mateo 26:11; Markos 14:7). Sinabi din Niya na ang mga nagpapakita ng habag sa mahihirap, mga maysakit, at mga nangangailangan ay personal na naglilingkod sa Kanya (Mateo 25:35–40) at gagantimpalaan sila ayon sa kanilang ginawa.

Walang duda na ang kahirapan ay laganap at nakakapanlumo. Hindi dapat na ipagwalang bahala ng mga anak ng Diyos ang pagtulong sa mga nangangailangan, dahil inaasahan ng Diyos para sa atin ang pagmamalasakit sa mahihirap at ito ay itinuturo sa buong Kasulatan. Halimbawa, tingnan natin ang kabutihan ng Panginoon kay Haring Oseas sa Jeremias 22:16: "Tinulungan niya ang mga dukha at nangangailangan, kaya pinagpala siya sa lahat ng bagay. Pinatunayan niyang ako'y kanyang nakikilala?" Tinuruan din ni Moises ang kanyang bayan kung paano tatratuhin ang mahihirap nat nangangailangan: "Pahiramin ninyo sila nang maluwag sa inyong kalooban at pagpapalain kayo ni Yahweh sa lahat ng inyong gagawin" (Deuteronomio 15:10). Perpektong inilarawan ang sentimyentong ito sa Kawikaan 14:31: "Ang umaapi sa mahirap ay humahamak sa Maykapal, ngunit ang matulungi'y nagdudulot ng karangalan."

Sinasabi ng unang bahagi ng Kawikaan 14:31, "Ang umaapi sa mahirap ay humahamak sa Maykapal." Sa katotohanan ang Kawikaan ay puno ng mga kasulatan na malinaw na nagpapakita na iniibig ng Diyos ang mahihirap at nasasaktan Siya kung pinababayaan sila ng Kanyang mga anak (Kawikaan 17:5; 19:17; 22:2, 9, 16, 22–23; 28:8; 29:7; 31:8–9). Ang konsekwensya ng pagwawalang bahala sa kalagayan ng mahihirap ay binigyang linaw din sa Kawikaan: "Ang hindi pumapansin sa daing ng mahirap, daraing din balang araw ngunit walang lilingap" (Kawikaan 21:13). At pansinin ang matapang na pananalita sa Kawikaan 28:27: "Ang tumutulong sa mahirap ay di magkukulang, ngunit susumpain ang nagbubulag-bulagan. Ang mga tao doon ay may maipagmamalaking kayamanan at kasaganaan sa buhay, ngunit hindi sila marunong tumulong sa mga nangangailangan" (Ezekiel 16:49).

Malinaw din ang sinasabi ng Bagong Tipan kung paano natin tatratuhin ang mahihirap. Ang isang talata kung saan binuod ang inaasahang pagtulong sa kanila ay makikita sa unang sulat ni Juan: "Kapag nakita ng isang maykaya sa buhay ang kanyang kapatid na nangangailangan, at pinagkaitan niya ito ng tulong, masasabi bang siya'y umiibig sa Diyos? Mga anak, huwag tayong magmahal sa pamamagitan ng salita lamang, kundi patunayan natin ito sa pamamagitan ng gawa" (1 Juan 3:17–18). Mahalaga rin ang Mateo 25:31–46. Ang paghatol na inilarawan dito ay magaganap bago ang isanlibong taon ng paghahari ni Cristo sa lupa at laging tinutukoy bilang "paghuhukom sa mga bansa: kung saan ang mga nagkatipon sa harap ni Cristo ay hahatiin sa dalawang grupo—ang gma tupa sa Kanyang kanan at ang mga kam bing sa kanyang kaliwa. Ang mga nasa kaliwa ay ibubulid sa "apoy na di namamatay na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon" (t. 41), samantalang ang mga nasa Kanyang kanan naman ay tatanggapin ang kanilang walang hanggang mana (t.34). gayunman, kapansinpansin ang mga salitang ginamit ni Cristo sa paglalarawan sa dalawang magkahiwalay na grupong ito. Ang mga tupa ay pinuri dahil sa kanilang pagmamalasakit sa mahihirap, mga may sakit, mga bilanggo, at ang mga mahihina. Sa kabilang banda naman, ang mga kambing ay kinastigo dahil sa kanilang kawalan ng malasakit at aksyon sa kanila. Nang tanungin ng mga matuwid kung kailan nila pinagmalasakitan ang mga taong iyon, sumagot si Jesus, "Tandaan ninyo, nang gawin ninyo ito sa pinakahamak sa mga kapatid kong ito, sa akin ninyo ito ginawa" (t. 40).

Hindi natin dapat ipagkamali na ang mabubuting gawa ng mga tupa ang dahilan ng kanilang kaligtasan; sa halip, ang mabubuting gawang ito ay "bunga" o ebidensya ng kanilang kaligtasan dahil sa biyaya ng Diyos (Efeso 2:8–10), na nagpapatunay na ang nagtatalaga ng buhay kay Cristo ay tiyak na kakikitaan ng hindi matatanggihang ebidensya ng isang binagong buhay. Tandaan natin na nilikha tayo para sa mabubuting gawa na inihanda na ng Diyos noon pa upang ating lakaran at kasama sa "mabubuting gawang" ito na sinasabi ni Jesus sa Mateo 25 ay ang pagtulong sa mga mahihirap at nagdurusa.

Sinasabi ni Santiago, "Patay ang katawang walang espiritu; gayundin naman, patay ang pananampalatayang walang kasamang gawa" (Santiago 2:26). Isinulat din niya, "Mamuhay kayo ayon sa salita ng Diyos. Kung ito'y pinapakinggan lamang ninyo ngunit hindi isinasagawa, dinadaya ninyo ang inyong sarili" (Santiago 1:22). Sinabi din ni Juan, "Ang nagsasabing, "Nakikilala ko siya," ngunit hindi naman sumusunod sa kanyang mga utos ay sinungaling, at wala sa kanya ang katotohanan… Sinumang nagsasabing nananatili siya sa Diyos ay dapat mamuhay tulad ng pamumuhay ni Jesu-Cristo" (1 Juan 2:4, 6). Ito rin ang sinabi ni Cristo mismo: "Kung iniibig ninyo ako, tutuparin ninyo ang aking mga utos" (Juan 14:15).

Binibigyan tayo ng Salita ng Diyos ng kaalaman kung ano ang nasa Kanyang puso para sa mahihirap at binigyan tayo ng tagubilin kung paano tayo magmamalaskit sa kanila. Kung tunay tayong sumasampalataya sa Panginoong Jesus, dapat din nating ibahagi ang Kanyang pagmamalasakit sa mahihirap. Iniutos sa atin ni Jesus na magibigan sa isa't isa (Juan 13:34–35). At ano pa bang mas magandang paraan para ipakita ang pag-big at kahabagan ni Jesu Cristo kundi sa pagabot sa "mga maliliit na ito" sa ating kalagitnaan?

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagbibigay sa mahihirap?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries