Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa pagbibinyag o pagbabawtismo sa mga bata?
Sagot
Sobrang nakalilito ang katuruan tungkol sa pagbibinyag o pagbabawtismo ng bata sa iba't ibang denominasyong Kristiyano. Gayunman, hindi ito resulta ng nakalilitong presentasyon ng katuruang ito sa Bibliya, napakalinaw ng katuruan ng Bibliya patungkol sa bawtismo, para ito kanino, at ano ang ginagawa nito sa isang tao. Sa Bibliya, tanging ang mga mananampalataya lamang na naglagak ng kanilang pananampalataya kay Kristo ang binabawtismuhan - ito ay upang ipakita sa publiko ang patotoo ng kanilang pananampalataya at pakikipagisa kay Kristo (Gawa 2:38; Roma 6:3-4). Ang bawtismo sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig ay isang hakbang ng pagsunod sa utos ni Kristo pagkatapos manampalataya ng isang Kristiyano. Ito ay proklamasyon ng pananampalataya kay Kristo, isang katibayan ng pagpapasakop sa Kanya at pakikitulad sa Kanya sa Kanyang kamatayan, paglilibing at pagkabuhay na mag-uli.
Dahil dito, ang pagbibinyag o pagbabawtismo sa bata ay isang katuruan na hindi sinasang-ayunan ng Bibliya. Hindi maaaring maglagak ang isang bata ng kanyang pananampalataya kay Kristo. Wala siyang kakayahang magdesisyon para magpasakop kay Kristo. Hindi rin kayang maunawaan ng isang bata kung ano ang ibig sabihin ng bawtismo. Walag kahit isang tala sa Bibliya tungkol sa mga bata na bininyagan o binawtismuhan. Ang pagbabawtismo sa bata ang pinagmulan ng pagwiwisik at pagbubuhos ng tubig sa ulo ng bata. Kahit na ang pamamaraan ng pagbibinyag o pagbabawtismo sa bata ay hindi sang-ayon sa Bibliya. Paano mailalarawan ng pagwiwisik at pagbubuhos sa ulo ng isang bata ang kamatayan, paglilibing at pagkabuhay na mag-uli ng Panginoong Hesu Kristo?
Maraming Kristiyano na nagsasanay ng pagbabawtismo sa bata ang ginagawa ito dahil ito umano ay tipan na katulad ng pagtutuli. Sa pananaw na ito, kung paanong nagiging kabilang ang isang tao sa Tipan ng Diyos kay Abraham at Moises, nagiging kabilang din ang isang tao sa Tipan ng kaligtasan kay Kristo Hesus sa pamamagitan ng bawtismo. Hindi ayon sa Bibliya ang pananaw na ito. Hindi matatagpuan sa Bagong Tipan ang koneksyon sa pagitan ng pagtutuli at bawtismo. Hindi inilarawan saanman sa Bagong Tipan na ang bawtismo ay isang tanda sa Bagong Tipan. Ang pananampalataya kay Kristo lamang ang naging daan upang maranasan ng isang tao ang mga pagpapala ng Bagong Tipan ng Kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos (1 Corinto 11:25; 2 Corinto 3:6; Hebreo 9:15).
Hindi nakakapagligtas ang bawtismo. Kahit pa nabawtismuhan ang isang tao sa anumang kaparaanan, sa pamamagitan ng pagwiwisik, pagbubuhos ng tubig sa ulo o paglulubog sa tubig - kung hindi naman siya nagtiwala kay Kristo para sa kanyang kaligtasan, walang kahulugan at kabuluhan ang kanyang bawtismo. Ang bawtismo sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig ay isang hakbang sa pagsunod na dapat na gawin pagkatapos na manampalataya ang isang tao bilang katibayan sa publiko na siya ay nakipag-isa na kay Kristo. Kung ninanais ng mga magulang na ihandog sa Panginoon ang kanilang anak, ang isang serbisyo sa iglesya para sa paghahandog sa bata ay mas naaangkop. Gayunman, kahit na naihandog sa Panginoon ang isang bata, kailangan pa rin niyang gumawa ng isang personal na desisyon - ang manampalataya kay Hesu Kristo upang siya ay maligtas.
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa pagbibinyag o pagbabawtismo sa mga bata?