settings icon
share icon
Tanong

Ano ang pagbuhos ng Banal na Espiritu?

Sagot


Ang “pagbuhos” ng Banal na Espiritu ng Diyos —upang mapuspos at manahan sa tao – ay hinulaan sa Lumang Tipan at naganap sa Araw ng Pentecostes (Gawa 2). Ang kaganapang ito ay hinulaan sa Lumang Tipan: Sa Isaias 44:3 sinabi ng Dios sa Israel, “Aking ibubuhos ang saganang tubig sa uhaw na lupa, sa tuyong lupa maraming batis ang padadaluyin. Ibubuhos ko sa iyong mga anak ang aking Espiritu, at ang mga liping susunod sa iyo ay pagpapalain.” Ang Banal na Espiritu ay inilarawan bilang “Tubig ng Buhay” na nagliligtas at nagpapala sa taong nasa bingit ng kamatayan. Sa araw ng Pentecostes, binanggit ni ni Pedro ang isa pang hula na naganap ng araw na iyon,

“At mangyayari pagkatapos, na ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng laman; at ang inyong mga anak na lalake at babae ay. . . At mangyari na ang sinomang tumawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas . . .” (Joel 2:28-29, 32).

Ang pagbuhos ng Banal na Espiritu ay ang nagpasimula ng bagong kapanahunan, ang panahon ng iglesya. Sa Lumang Tipan, ang Banal na Espiritu ay isang bihirang kaloob na ibinibigay sa iilang tao lamang at kadalasan ay sa panandaliang panahon lamang. Nang italagang hari ng Israel si Saulo, ang Banal na Espiritu ay dumating sa kanya (1 Samuel 10:10), ngunit ng alisin ng Diyos ang pagpapala kay Saul, ang Espiritu ng Diyos ay umalis din sa kanya (1 Samuel 16:14). Ang Banal na Espiritu ay dumarating sa mga panandalian o sa isang partikular na panahon lamang sa buhay ni Otniel (Hukom 3:10), at gayun din kina Gideon (Hukom 6:34), at Samson (Hukom 13:25; 14:6) upang gawin ang kanyang kalooban at paglingkuran ang Israel. Sa panahon ng Pentecostes, ibinuhos ang Banal na Espiritu sa lahat ng mananampalataya kay Cristo at Siya’y nanatili sa kanila. Ito ang nagmarka ng isang malaking pagbabago sa gawain ng Banal na Espiritu.

Bago ang pag aresto sa Kanya, nangako ang Panginoong Jesus sa mga alagad na ipadadala ang Banal na Espiritu (Juan 14:15–17). “. . . siya’y tatahan sa inyo, at sasainyo,” sabi ni Jesus (Juan 14:17). Ito ang propesiya ng pananahan ng Espiritu Santo, sa natatanging kapanahunan ng iglesya. Ang pagbuhos ng Banal na Espiritu sa mga Gawa 2 ay tanda rin ng katuparan sa mga salita ni Jesus, gaya ng pagdating ng Banal na Espiritu sa lahat ng mananampalataya sa isang makapangyarihan, nakikita at naririnig na kaparaanan. Ang pangyayaring ito ay itinala ni Lukas: “Walang anu-ano’y may ingay na nagmula sa langit, na tulad ng ugong ng malakas na hangin, at napuno nito ang bahay na kinaroroonan nila. May nakita silang parang mga dilang apoy na dumapo sa bawat isa sa kanila, at silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at nagsimulang magsalita ng iba’t –ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu” (Gawa 2:2–4). Agad-agad, nangaral sa mga kalye at lansangan ng Jerusalem ang mga alagad na puspos ng Espiritu Santo at nagsipangaral patungkol kay Cristo. Tatlong-libo ang nangaligtas at nabawtismuhan sa araw ding yaon; ito ang simula ng iglesya (v. 41) Ang pagbuhos ng Espiritu Santo sa sangkatauhan ay pasimula ng Bagong Tipan na siyang pinagtibay ng dugo ni Cristo (Lukas 22:20). Ayon sa tuntunin ng Bagong Tipan na ito, ang bawat mananampalataya ay binigyan ng Espiritu Santo (Efeso 1:13). Mula pa noong Pentecostes, ang Banal na Espiritu ay nagbabawtismo sa bawat mananampalataya kay Cristo sa panahon ng kaligtasan (1 Cor. 12:13), na Siyang dumarating upang mananahang magpakailanman sa mga anak ng Dios.

Sa aklat ng mga Gawa, may tatlong pagkakataon ng “pagbuhos” ng Espiritu Santo sa tatlong magkakaibang grupo ng tao sa magkakaibang panahon. Ang una ay sa mga Judio at mga “sumapi sa relihiyong Judio” sa Jerusalem (Gawa 2). Ang pangalawa ay sa isang grupo ng mga mananampalatayang Samaritano (Gawa 8). Panghuli ay sa grupo ng mga mananampalatayang Hentil (Gawa 10). Sa isang pambihirang pagkakataon lahat ng ito ay nasaksihan ni Pedro. Sa tatlong pagkakataon, ipinadala ng Diyos ang Espiritu Santo kasama ang mga nakikitang tanda, bilang katuparan sa dakilang utos. Ang parehong Espiritu Santo ang dumating sa mga Judio, mga Samaritano at mga Hentil, sa parehong kaparaanan sa presensya ng mga apostol ang nagingat at nagpaging isa sa iglesya. Wala ng “Judiong” iglesya, “Samaritanong” iglesya, at “Romanong” iglesya – may iisang iglesya lamang, “iisang Panginoon, iisang pananampalataya at iisang bawtismo (Efeso 4:5).

Ang pagbuhos ng Spiritu Santo ay iba kaysa pagpuspos ng Espiritu. Ang pagbuhos ay “natatanging” pagdating ng Banal na Espiritu sa mundo; ang pagpuspos ay nangyayari sa tuwing isinusuko natin ang ating mga buhay sa kapamahalaan ng Dios. Inutos sa atin na “mapuspos” tayo sa Espiritu. “Huwag kayong maglalasing, sapagkat sisirain lamang niyan ang inyong buhay. Sa halip ay dapat kayong mapuspos ng Espiritu” (Efeso 5:18). Sa aspetong ito, posible para sa mananampalataya na “mapuspos ng Espiritu” o “mapatay ang ningas” ng Espiritu (1 Tesalonica 5:19). Sa alinmang kalagayan, ang Banal na Espiritu ay mananatili sa mananampalataya (taliwas sa panahon ng Lumang Tipan kung kailan ang Banal na Espiritu ay dumadating at muling umaalis). Ang kapuspusan ng Espiritu ay dumarating bilang resulta ng pagpapasakop sa kalooban ng Dios, ngunit ang pagpatay ng ningas ng Espiritu ay direktang pagrerebelde laban sa kalooban ng Dios.

Ang ilan ay naghihintay pa rin ng “pagbuhos” ng Banal na Espiritu sa isang tiyak na grupo ng tao, lugar o panahon. Ngunit walang biblikal na basehan na maulit muli ang kaparehong mga pangyayari sa araw ng Pentecostes. Nagsimula na ang iglesya at itinayo na ng mga apostol ang pundasyon, “tulad ng isang gusali, kayo’y itinayo sa pundasyong inilagay ng mga apostol at mga propeta” (Efeso 2:20). Minsan, hinihingi natin na dumating ang Banal na Espiritu sa ating awit “Come Holy Spirit;” ngunit ang katotohanan, Siya ay nasa atin na – sa oras ng kaligtasan –at kapag Siya’y sumaatin hindi na Siya aalis. Ang “pagbuhos” ng Espiritu ay isang katuparan ng hula na nagpasimula sa panahon ng iglesya at sa Bagong Tipan kung saan ang lahat ng mananampalataya ay binibigyan ng Banal na Espiritu.



English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang pagbuhos ng Banal na Espiritu?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries