Tanong
Ano ang mga kalakasan at kahinaan ng pananaw na pagdagit bago ang pagbubuhos ng poot ng Diyos sa lupa (prewrath)?
Sagot
Maraming opinyon patungkol sa eskatolohiya (doktirna sa mga magaganap sa hinaharap). Gayunman halos lahat ng mga Kristiyano ay sumasang-ayon sa tatlong bagay: 1) Magkakaroon ng isang yugto ng kapighatian sa hinaharap, 2) Pagkatapos ng kapighatiang iyon, magbabalik si Jesus para itatag ang Kanyang kaharian, at 3) Ang katawan ng mga mananampalataya ay babaguhin at ang kanilang mortal (namamatay) na katawan ay gagawing imortal (hindi namamatay)—sa ibang salita, magkakaroon ng pagdagit sa mga mananampalataya o rapture (Juan 14:1-3; 1 Corinto 15:51-52; 1 Tesalonica 4:16-17). Ang natitirang tanong ay, kailan magaganap ang pagdagit sa relasyon nito sa Ikalawang Pagparito ni Cristo?
Ang tatlong pangunahing teorya patungkol sa panahon ng rapture ay ang pre-tribulationism o pagdagit bago ang kapighatian; mid-tribulationism o pagdagit sa gitna o malapit sa gitna ng pitong taon ng kapighatian; at post-tribulationism o pagdagit pagkatapos ng pitong taon ng kapighatian. May kaugnayan ang pre-tribulationism sa mid-tribulationism sa paniniwala na ang pagdagit ay magaganap bago ang pagbubuhos ng poot ng Diyos o “pre-wrath” na siyang paksa ng artikulong ito.
Ang teorya ng pagdagit bago ang pagbubuhos ng poot ng Diyos sa lupa ay nagsasaysay na magaganap ang pagdagit o raptrure bago ang “dakilang araw ng….poot” (Pahayag 6:17). Ayon sa pananaw na ito, ang mga mananampalataya ay daraan sa karamihan ng mga paghihirap pero hindi sa panahon ng pagbubuhos ng poot ng Diyos sa lupa bago matapos ang kapighatian (Mateo 24:21). Mapapagtagumpayan ng iglesya ang galit ni Satanas at ang paguusig ng 666, pero ililigtas sila ng Diyos sa Kanyang poot. Bago ibuhos ng Diyos ang kanyang Huling Hatol sa mundo, ang iglesya ay dadalhin na sa langit.
Pinaniniwalaan ng mga naniniwala sa pananaw na pagdagit bago ang pagbubuhos ng poot ng Diyos ang mga trumpeta at ang mga mangkok ng poot ng Diyos (Pahayag 7–16) bilang poot ng Diyos kung saan malilibre ang iglesya (1 Tesalonica 5:9). Gayunman, ang unang anim na tatak ng paghatol (Pahayag 6) ay hindi itinuturing na poot ng Diyos; sa halip, sila ay pinaniniwalaan bilang “poot ni Satanas” o ang “poot ng Antikristo.” Ito ay dahil direkta lamang na binanggit ang poot ng Diyos pagkatapos na mabuksan ang ikaanim na tatak (Pahayag 6:17). Ayon sa teorya ng pagdagit bago ang pagbubuhos ng poot ng Diyos, mararanasan ng iglesya ang unang anim na tatak.
Sa pagkukumpara sa Pahayag 6 at Mateo 24, kinikilala ng mga naniniwala sa pagdagit bago ang hatol ang unang tatak ng paghatol bilang paglalarawan ni Jesus sa mga huling panahon sa Mateo 24:4-7. Pagkatapos, tinukoy ni Jesus ang mga pangyayaring ito bilang “pasimula ng paghihirap” (Mateo 24:8). Sa mga talatang 29 at 30, “ang tanda ng Anak ng Tao” ay lilitaw sa langit at sa panahong iyon, ayon sa mga naniniwala sa pagdagit bago ang paghatol, magaganap ang pagdagit sa mga mananampalataya.
Ang isang kahinaan ng teoryang ito ay ang pagpapalagay na ang mga “hinirang” sa Mateo 24:22, 31 ay ang mga banal sa panahon ng iglesya. Ang mga banal na ito ay madali ring unawain bilang mga indibidwal na naligtas sa panahon ng pitong taon ng kapighatian; sa katunayan, sinasabi ni Jesus sa mga tumatakas sa paguusig ng Antikristo na manalangin sila na ang kanilang pag-alis ay hindi maganap sa “araw ng Sabbath” (Mateo 24:20). Dahil ang iglesya ay wala na sa ilalim ng Kautusan ni Moises at hindi na nangingilin tuwing Sabbath, ang mga salita ni Jesus ay hindi maaaring para sa iglesya.
Ang isa pang kahinaan ng teoryang ito ay ang katuruan na ang unang anim na hatol ay hindi poot ng Diyos. Ipinapakita ng Kasulatan na ang Kordero ang nagbubukas ng mga tatak (Pahayag 5:5; 6:1). Walang sinuman ang natagpuang karapatdapat para magbukas ng mga iyon (Pahayag 5:3-4). Tila nga ang mga ito ay hindi mga hatol ni Satanas o ng tao kundi hatol ng Diyos. Nagumpisa ang kapighatian ng buksan ni Jesus ang unang tatak at mula sa puntong iyon, ipinaranas sa makasalanang mundo ang poot ng Diyos.
Ang panghuling kahinaan ng teoryang ito ay kahinaan din ng ibang teorya: hindi nagbibigay ang Bibliya ng malinaw na pagkakasunod-sunod ng mga magaganap sa hinaharap. Hindi itinuturong malinaw ng Bibliya kung aling teorya ang pinakatama at ito ang dahilan kung bakit nagkakaiba-iba tayo ng opinyon at may pagkakaiba-iba din sa kung paano natin pinagkakasundo ang mga hulang may kaugnayan sa mga huling panahon.
English
Ano ang mga kalakasan at kahinaan ng pananaw na pagdagit bago ang pagbubuhos ng poot ng Diyos sa lupa (prewrath)?