Tanong
Paano ko ihahanda ang aking sarili upang makasama sa pagdagit sa mga mananampalataya?
Sagot
May isang napakasimpleng sagot kaysa sa iyong maaaring iniisip. Ang maiksing sagot ay kailangan mong ilagak ang iyong pananampalataya kay Hesus bilang iyong Tagapagligtas. Ngayon para sa mas mahabang sagot. Kung itatanong mo ang katanungang ito, ipagpapalagay namin na narinig mo na hindi lahat ng Kristiyano ay makakasama sa pagdagit o rapture. Maaaring naturuan o nasabihan ka na yaon lamang mga "banal na Kristiyano" ang makakasama sa pangyayaring ito sa hinaharap at ang ibang mga Kristiyano ay daraan sa paghihirap. Hindi ito totoo at ipakikita namin sa iyo mula sa Kasulatan kung bakit.
Ang unang bagay na dapat mong maunawaan ay ang layunin ng pitong taon ng walang kapantay na paghihirap o tinatawag na Dakilang Kapighatian. Ito ay ang panahon ng paghatol ng Diyos sa mundo at sa kanyang pagpaparusa sa bansang Israel. Ang Israel at Iglesya ay magkaibang grupo ng tao. Ang Iglesya ay isang espiritwal na organismo. Ang mga taong kabilang sa iglesya ay magkakaugnay dahil sa kanilang kapanganakan sa espiritu (sa pamamagitan ng pagsilang na muli - Juan 3:3). Ang mga Israelita (Hudyo) ay magkakaugnay dahil sa dugo. Ang Israel ay isang lahi na pinangakuan ng Diyos ng maraming pangako sa Lumang Tipan. Nagdeklara ang Diyos ng isang panahon ng paghatol sa Israel dahil sa kanilang kawalan ng katapatan sa Kanya. Malinaw na ipinahayag na ang panahong ito ng pagpaparusa ay para lamang sa Israel (Daniel 9:24-27).
Ipinahayag ni Anghel Gabriel kay Daniel ang isang mensahe mula sa Diyos (9:20-21). Sinabi sa Daniel 9:24, "Ang lunsod na ito at ang iyong mga kababayan ay binibigyan ng 490 taon upang tigilan ang pagsalansang, layuan ang kasamaan at pagsisihan ang kasalanan. Pagkatapos, iiral na ang katarungan at magaganap na ang kahulugan ng pangitain. Itatalaga na ang Dakong Kabanal-banalan." Ipinaliwanag sa mensaheng ito ni Anghel Gabriel kay Daniel na ang panahon ay para "sa iyong (Daniel) mga kababayan." Ang mga kababayan ni Daniel ay mga Hudyo, ang bansang Israel. Idineklara ng Diyos ang pitumpung linggo ng paghihirap laban sa bansang Israel. Ang "pitumpung linggong" ito ay literal na "pitumpung pito" sa Hebreo. Sa ibang salita, ang pitumpu kapag iminultiplika sa pito ay 490 taon. Ang 483 sa mga taong (69 X 7) ito ay naganap na mula sa pagtatapos ng pagkabihag ng Israel sa Babilonia hanggang sa pagpatay sa Mesiyas (pagpapako kay Kristo sa krus). Ang natitira na lamang ay ang pitong (7) taon ng paghatol na hindi pa nagaganap. Ang pitong taong ito ay ang pitong taon ng walang kapantay na paghihirap o tinatawag na Dakilang Kapighatian. Ang hulang ito ay para sa bansang Israel at ang layunin ng paghatol ay upang "tapusin ang paglaban, tapusin ang kasalanan at tubusin ang kasamaan, upang magdala ng walang hanggang katuwiran, upang tatakan ang pangitain at hula, at italaga ang Banal na lugar."
Ngayon, maaari din naming patunayan mula sa Bibliya na ang mga tunay na Kristiyano ay hindi makakasama sa pitong taon ng Dakilang Kapighatian. Ang isang pagaaral sa 1 Tesalonica 4:13 hanggang 5:9 ay magpapatunay sa katotohanang ito. Sa mga talatang ito, isinulat ni Pablo ang tungkol sa pagdagit sa mga mananampalataya at sa Araw ng Panginoon. Ibinigay sa 1 Tesalonica 5:9 ang ganitong pangako para sa mga tunay na Kristiyano: "Tinawag tayo ng Diyos hindi upang parusahan, kundi upang iligtas sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo." Bigyan natin ng pansin ang talatang ito. Sinabi ni Pablo na tinawag tayo ng Diyos hindi upang parusahan partikular sa Araw ng Panginoon (5:2) na siyang konteksto ng ikalimang kabanata ng 1 Tesalonica.
May ilan pang karagdagang ebidensya na hindi dadaan ang mga tunay na Kristiyano sa Dakilang Kapighatian ang makikita sa 1 Corinto. Sa sulat na ito ni Pablo, tahasang sinaway ni Pablo ang mga Kristiyano sa kanilang pagiging makalaman. Ngunit sa kabanata 15, itinuro ni Pablo ang tungkol sa pagdagit sa mga Kristiyano at hindi niya binanggit na may mga Kristiyano sa Corinto na maiiwan bagamat sila ay makalaman. Ang mga tunay na mananampalataya kay Kristo ay hindi daranas ng matinding paghihirap sa panahon ng pitong taon ng kapighatian.
Ang tanging dahilan upang maiwan ang isang tao sa pagdagit sa mga mananampalataya o rapture ay kung hindi siya naging isang tunay na Kristiyano dahil hindi niya inilagak ang Kanyang pananampalataya kay Kristo bilang Kanyang Tagapagligtas.
English
Paano ko ihahanda ang aking sarili upang makasama sa pagdagit sa mga mananampalataya?