settings icon
share icon
Tanong

Biblikal ba ang paggamit sa dugo ni Hesus sa panalangin?

Sagot


Ang “paggamit sa dugo ni Hesus” sa panalangin ay isang katuruan na nagmula pa sa mga sinaunang lider ng kilusang Word of Faith. Kapag binabanggit ng mga tao ang “paggamit sa dugo ni Hesus sa panalangin” tinutukoy nila ang “paggamit” sa kapangyarihan ni Kristo para sa kahit anong problema sa pamamagitan ng pagsabi sa katagang “ginagamit ko ang dugo ni Hesus para sa ________.

Walang batayan sa Bibliya ang “paggamit sa dugo ni Hesus.” Wala ni isang “gumamit sa dugo” ni Kristo sa Bibliya. Ang mga “gumagamit ng dugo” ay umaasta na parang may mahika sa mga katagang iyon o parang mas makapangyarihan ang paggamit nito sa panalangin. Nagmula ang katuruang ito sa maling pananaw na ang panalangin ay isang paraan ng pagmanipula sa Diyos para makuha ang gusto natin imbes na ipanalangin na matupad ang Kanyang kagustuhan. Ang buong kilusang Word of Faith ay nakabase sa maling katuruan na ang pananampalataya ay isang pwersa. Sinasabi nila na kung manalangin lamang tayo na may sapat na pananampalataya, siguradong ibibigay ng Diyos sa atin ang kalusugan, kayamanan, at kaligayahan at ililigtas Niya tayo mula sa lahat ng problema at sitwasyon. Sa pananaw na ito, isa lamang ang Diyos sa mga paraan para makuha natin ang gusto natin imbes na isa sana Siyang banal, makapangyarihan, perpekto at matuwid na Manlilikha gaya ng Kanyang mga katangian na ipinahayag ng Bibliya.

Ang mga nagtuturo sa kamalian ng Word of Faith ay may mataas na pananaw sa tao at sa “karapatan” nating kunin ang gusto natin at pasunurin ang Diyos sa pamamaraang gusto natin. Salungat ito sa totoong biblikal na pananampalataya na ipinakita sa buhay ni Pablo sa pagharap niya sa kahirapan at mga pagsubok. Isinulat ni Pablo kay Timoteo na “lahat ng may nais mamuhay nang matuwid bilang tagasunod ni Kristo ay daranas ng pag-uusig” (2 Timoteo 3:12). Ngunit itinuturo ng Word of Faith na kulang ang ating pananampalataya o hindi natin ginagamit ang dugo ni Hesus para kunin ang “karapatan natin” kung nagdurusa tayo o nagkakasakit o nagpupunyagi laban sa kasalanan. Ngunit hindi natin makita na ginamit ni Pablo ang dugo ni Kristo o ang kanyang “karapatan” tuwing humaharap siya sa mga pagsubok o pag-uusig. Ngunit makikita natin ang matatag niyang pananampalataya kay Kristo kahit ano man ang sitwasyon: “Lubos kong nakikilala ang aking pinananaligan at natitiyak kong maiingatan niya hanggang sa huling araw ang ipinagkatiwala ko sa kanya” (2 Timoteo 1:12).

Ayon kay Pablo, “Natutuhan ko nang masiyahan anuman ang aking kalagayan. Naranasan ko ang maghikahos. Naranasan ko rin ang managana. Natutuhan ko nang harapin ang anumang katayuan: ang mabusog o magutom, ang kasaganaan o kasalatan. Ang lahat ng ito'y magagawa ko dahil sa lakas na kaloob sa akin ni Kristo” (Filipos 4:11-13). Na kay Kristo lamang ang pananampalataya ni Pablo, at kaya niyang sabihin ng may pananalig na, “Ang Panginoon ang magliligtas sa akin sa lahat ng kasamaan at siya rin ang maghahatid sa akin sa kanyang kaharian sa langit. Purihin nawa siya magpakailanman! Amen” (2 Timoteo 4:18).

Ang “paggamit sa dugo” mas malapit sa pangkaraniwang mistisismo—pagbanggit sa isang katagang mahimala at umaasang gagana ito—kaysa sa panalangin na naaayon sa Bibliya. Hindi nakakatulong ang pagbanggit ng mga kataga sa ating panalangin para iyon maging mas mabisa o makapangyarihan. Isa pa, hindi kailangan ang “paggamit sa dugo” ni Kristo para talunin ni Satanas. Isa na siyang talunan, at kung totoong ipinanganak tayong muli, wala nang kapangyarihan si Satanas laban sa atin maliban na lamang sa mga pangyayaring pahihintulutan ng Diyos na ayon sa Kanyang layunin at kaluwalhatian. Malinaw ang pagkakasaad sa Colosas 1:13-14: “Iniligtas niya tayo sa kapangyarihan ng kadiliman at inilipat sa kaharian ng kanyang minamahal na Anak. Sa pamamagitan ng Anak, tayo'y pinalaya at pinatawad sa ating mga kasalanan.”

Imbes na “gamitin ang dugo” ni Kristo para sa proteksyon o kapangyarihan, sundin sana ng mga Kristiano ang bilin sa Santiago 4:7, “Kaya nga, pasakop kayo sa Diyos. Labanan ninyo ang diyablo at lalayuan niya kayo.” Imbes na manalangin ng hindi naaayon sa Bibliya, sundin natin ang mga simpleng alituntunin ng Banal na Kasulatan—pamumuhay ng matuwid sa harapan ng Diyos, pagkontrol sa lahat ng ating iniisip para maiwasan ang pagkakasala, pag-amin sa mga kasalanan kung hindi natin nasunod ang unang dalawang alituntunin, at pagsuot ng baluting kaloob ng Diyos ayon sa Efeso 6:13-17.

Nagbigay ang Bibliya ng maraming alituntunin para sa matagumpay na pamumuhay kay Kristo, at hindi kasali dito ang “paggamit sa dugo ni Hesus.” Nalinis tayo sa pamamagitan ng dugo ni Kristo, at Siya ang ating Saserdote at Tagapamagitan na “nabubuhay magpakailanman upang mamagitan” para sa atin (Hebreo 7:25). Bilang mga tupa Niya, nasa ilalim na tayo ng Kanyang proteksyon; kailangan lang natin ang mabuhay araw-araw ng may pagtitiwala sa Kanya para sa Kanya ng mga ipinangako at ibinigay sa atin.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Biblikal ba ang paggamit sa dugo ni Hesus sa panalangin?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries