Tanong
Bakit mahalaga ang paghahanap sa Diyos?
Sagot
Sa kanyang sulat sa Roma, Binanggit ni Pablo ang kamangha-manghang pahayag mula sa Awit: "Walang nakauunawa, walang humahanap sa Diyos" (Roma 3:11). Ngunit paano nga ba nasambit ni Pablo at ni David ang ganito kalawak na deklarasyon na totoong wala ni isa man sa lahat ng nabubuhay ang naghahangad at naghahanap sa Diyos? Totoong bilyun-bilyong tao ang nagnanais makita ang Diyos, subalit hindi naman talaga ang tunay na Diyos ang kanilang hinahanap.
Ang bagay na ito ay tuwirang nakaugnay sa kasalanang ginawa nina Eba at Adan dahil sa pandaraya ni Satanas. Lumaganap sa bawat salin-lahi ang panlilinlang na ito na sadyang pinagbuti ni Satanas, kaya't dahil diyan ay katiting lamang ang naging pang unawa ng tao sa katotohanan tungkol sa Diyos. Ito ang naging dahilan kung bakit malabo ang pananaw ng tao sa Diyos. Kaya't magliliwanag lamang ang ating espirituwal na paningin tungkol sa katotohanan kung nanaisin ng Diyos na ipahayag ang kanyang sarili sa atin. Sa gayong paraan lamang magiging posible ang ating paghahanap sa Diyos.
Sinasabi ni Jesus sa Juan 17:3, "Ito ang buhay na walang hanggan: ang makilala ka nila, ang iisa at tunay na Diyos, at ang makilala si Jesu-Cristo na iyong isinugo." Dito ay ipinapahayag sa atin ni Jesus na ang patuloy na paghahanap sa Diyos at ang pagnanais na makilala Siya ng lubos ang siyang tunay na halaga ng buhay, dahil nangangahulugan ito ng pagkakaroon ng buhay na walang hanggan. Kaya't ang pinakamahalagang kaisipan na dapat nating pag-ukulan ng pansin ay ang isipan o ang kalooban ng Diyos dahil dito nakasalalay ang direksyon ng ating buhay. Kaugnay nito, marapat lang na lumapit tayo sa Diyos dahil ang paghahanap sa kanya ay isang tuloy-tuloy na responsibilidad at pribilehiyo ng lahat ng Kristiyano.
Ngunit alam natin na hindi laging ganoon kadaling hanapin ang presensya ng Diyos, hindi dahil sa Siya ay mahirap masumpungan kundi dahil na rin sa ating mga isipan na puno ng maling pangunawa at pandaraya ni Satanas na higit pang naapektuhan ng mga kulturang umiiral, bukod pa sa makasalanang kalikasan ng ating puso at ang pangkalahatang pandaraya na bunga ng kasalanan (Jeremias 17:9; Santiago 1:13-15). Ngunit isang Mabuting Balita na malaman natin na maaaring magwakas ang maling paniniwalang ito sa pamamagitan ng pagkakilala sa Diyos at pagkakaroon ng relasyon sa Kanya. Magaganap lamang ito kung lalapit at magtitiwala tayo kay Jesu Cristo upang maligtas dahil kung tayo ay ligtas na, ang Banal na Espiritu ay nananahan sa atin upang tayo ay tulungang makilala ang Diyos at ang ating puso ay gagawin niyang pusong naghahanap sa kanya (Efeso 1:13-14; Filipos 1:6; 2:12-13; Roma 8:26-30). Pinapayuhan din tayo sa Roma 12:2 na, "Huwag kayong makiayon sa takbo ng mundong ito. Mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip upang maunawaan ninyo ang kalooban ng Diyos; kung ano ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban niya." Matututunan lamang natin ang katotohanan patungkol sa Diyos at masusumpungan natin Siya sa pamamagitan ng pagbabasa at pagbubulay-bulay ng kanyang Salita (ang Biblia), sa pamamagitan ng panalangin at personal at sama-samang pagsamba kung saan naguukol tayo ng panahon sa mga kapwa natin mananampalataya sapagkat ito ay mahalaga at makakatulong sa ating patuloy na paghahanap at paglapit sa Diyos (Hebreo 10:24-25).
Ang Ikalawang Cronica 15:2-4 na nasulat mahigit dalawang libong taon na ang nakararaan ay may itinuturo rin sa atin tungkol sa paksang ito: "Pinuntahan niya si Asa at sinabi, "Pakinggan mo ako, Asa, at kayong mga taga-Juda at Benjamin: Nasa panig ninyo si Yahweh habang kayo'y nasa panig niya. Matatagpuan ninyo siya kung siya'y inyong hahanapin, ngunit kung itatakwil ninyo siya, itatakwil din niya kayo. Matagal nang hindi sumasamba sa tunay na Diyos ang Israel, walang pa ring nagtuturo at wala ring kautusan. Ngunit ng nagipit sila humingi sila ng tulong kay Yahweh, ang Diyos ng Israel. Siya'y kanilang hinanap at kanilang natagpuan." Simple lang ang itinuro sa kanila: kung hahanapin nila nang matimtim ang Diyos ay magiging maganda ang kanilang buhay, ngunit mapapahamak sila kung mawawala ang kanilang pagnanais na masumpungan Siya dahil lulubha ang kanilang kasalanan, babagsak ang moralidad, at mapuputol ang kanilang kaugnayan sa Diyos. Gayon din naman, ang pagtuturong ito sa mga anak ng Diyos noon ay malinaw na para din sa atin ngayon: "Kung Siya ay iyong hahanapin, ay tiyak na Siya ay iyong masusumpungan" (Deuteronomio 4:29; Jeremias 29:13; Mateo 7:7; Gawa 17:27; Santiago 4:8). Tinutukoy sa mga talatang ito na ipapahayag ng Diyos ang kanyang sarili sa atin kung tayo ay lalapit sa kanya sapagkat hindi Niya maaaring talikuran ang taong buong pusong lumalapit sa kanya.
"Gayunman, matatagpuan ninyong muli si Yahweh kung siya'y buong puso ninyong hahanapin" (Deuteronomio 4:29),
"Kapag hinanap ninyo ako, ako'y inyong matatagpuan; kung buong puso ninyo akong hahanapin" (Jeremias 29:13),
"Humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo at kayo'y makakasumpong; kumatok kayo at kayo'y pagbubuksan" (Mateo 7:7).
English
Bakit mahalaga ang paghahanap sa Diyos?