settings icon
share icon
Tanong

Bakit napakahirap na matagpuan ang tunay na pag-ibig?

Sagot


Nais nating lahat na umibig at ibigin. Nararanasan natin ang iba't ibang antas ng pag-ibig mula sa ating mga magulang, kapatid, kaibigan, at mula sa ibang tao. Ngunit marami sa atin ang nagnanais na makahanap ng isang espesyal na tao kung kanino natin madadama at maipapadama ang isang mas malalim na antas ng pag-ibig. Maaaring napakahirap na makahanap ng tunay na pag-ibig, at laging mahirap maintindihan kung bakit. Ang unang malaking katanungan ay, "Ano ang aking pakahulugan sa salitang "tunay na pag-ibig?" Ang ating pakahulugan sa "tunay na pag-big" ay makakatulong sa atin kung ano talaga ang ating hinahanap at kung bakit hindi natin ito nararanasan o natatagpuan.

Maraming sosyedad sa mundo ang ginagamit ang salitang "pag-ibig" sa isang mababaw na pakahulugan. Laging iniuugnay ang pag-ibig sa isang masidhing pakiramdam na sa katotohanan ay nakasentro sa sarili at walang pagtatalaga ng sarili. Sa maraming pelikua at palabas sa TV, makikita natin ang mga karakter na sinusunod ang kanilang libido at nagtatalik bago ang kasal. Kung nakaugat ang pag-ibig sa pakiramdam at pisikal na kasiyahan, napakadali nitong mawala gaya ng napakadali nitong maramdaman. Walang masama sa kagustuhan na maranasan ang masarap na emsosyon sa tuwing nakikita natin ang taong ating iniibig; gayunman, kung ito ang pundasyon ng relasyon, nanganganib tayo. Kung an gating pakahulugan sa pag-ibig ay ang uri ng pag-ibig na ating nakikita sa ating kultura ngayon kung kailan normal na lamang ang pakikipagtalik kahit kanino, hindi katakataka na napakahirap na hanapin ang tunay na pag-ibig; ito ay dahil hindi talaga tunay na pag-ibig ang ating hinahanap kundi isang karanasan na likas na hindi nagtatagal.

Ipinakita sa Bibliya ang naiibang larawan ng pag-ibig. Ang tunay na pag-ibig ay sa Diyos—ang totoo, Siya ay pag-ibig (1 Juan 4:8)—at Siya ang naglagay sa ating puso ng pagnanais na ibigin at umibig. Kaya nga, mahalaga ang pangunawa sa Kanyang disenyo sa pag-ibig. Ayon sa Bibliya, ang tunay na pag-ibig ay naguugat sa pagpapakasakit, pagtatalaga ng sarili, at ang pagnanais na paglingkuran ang isang iniibig (tingnan ang 1 Juan 15:13). Dinala ng pag-ibig ng Diyos para sa atin ang Kanyang sarili sa krus. Natitiyak natin na hindi nakaranas si Jesus ng masayang emosyon habang patungo sa krus (Lukas 22:42–44). Inilalarawan sa Bibliya ang ating relasyon kay Jesus bilang Kanyang kasintahan (Mateo 9:15; Efeso 5:32). Idinisenyo ang tunay na pag-ibig upang pangunahan at lumago sa loob ng matrimonyo ng kasal (Genesis 2:24) at dapat na nakaugat sa pagpapakasakit (Efeso 5:22, 25–28).

Totoong mahirap na makahanap ng tunay na pag-ibig ayon sa disenyo ng Diyos. Narito ang mga hadlang na ating kinakaharap.

Pananaw na may isa lamang tamang tao para sa atin. Ito ay isang kasinungalingan na nagdudulot sa atin ng takot na ang taong ating iniibig ay hindi ang pinakamabuti para sa atin. Ang paghihintay sa isang perpektong kabiyak ay maaaring maging napakahaba. Sinuman ang ating mapangasawa, ang taong iyon ay nagiging tamang tao para sa atin dahil itinalaga natin ang ating buong buhay para sa taong iyon. Pinaliit ng Bibliya ang kwalipikasyon: ang ating tunay na pag-ibig ay dapat na isang kapwa mananampalataya na namumuhay para sa Panginoon (2 Corinto 6:14–15); Maaaring magbigay sa atin ng payo at gabay ang mga matatalino at makadiyos na mananampalataya upang makahanap tayo ng tunay na pag-ibig. Bukod dito, bibigyan tayo ng Panginoon ng karunungan at pangunawa (Santiago 1:5).

Pananaw na isang tao ang makapupuno sa ating pangangailangan. Tanging ang Diyos lamang ang makapagbibigay sa atin ng ganap na kasiyahan kaya't hindi natin kailangang makahanap ng isang karelasyon upang magkaroon ng kasiyahan! Walang sinuman sa atin ang perpekto kaya hindi makatotohanan na umasa na makakatagpo tayo ng ganap na kasiyahan sa isang kapwa tao. Itutulak lamang tayo ng pananaw na ito sa kabiguan.

Hindi handang lumago o magbago. Madaling magilusyon ng isang uri ng tao na ating iibigin, ngunit gaano kalaking pagsisikap ang ating ginagawa upang maging isang uri ng lalaki o babae na inaasahan ng isang taong naghahanap ng iibigin? May isyu tayong lahat na dapat nating lutasin sa tulong at biyaya ng Diyos upang maging isang uri ng tao na ninanais Niya para sa atin. Nakatutuksong isipin na parang madyik na malulutas ang mga isyung ito sa ating buhay kung mahanap na natin ang tunay na pag-ibig. Ngunit hindi malulutas ang ating mga problema kung magkaroon man ng malapit na relasyon sa isang tao. Maaaring makatulong ang ating karelasyon sa paglutas sa ating mga problema, gaya ng pagpapatalas ng bakal sa kapwa bakal (Kawikaan 27:17) kung handa tayong magbago at lumago. Kung hindi tayo handang magbago, magkakalamat ang relasyon at sa huli ay mawawasak. Hindi ito nangangahulugan na dapat nating solusyonan muna ang bawat personal na isyu sa ating buhay bago tayo magasawa. Sa halip, dapat tayong magsanay na humingi ng gabay sa Diyos kung anong mga isyu sa ating buhay ang dapat nating ayusin (Awit 139:23). Habang nababago ang ating buhay upang maging lalaki at babae ng Diyos, mas magiging karapatdapat tayo sa anumang relasyon na inihanda Niya para sa atin.

Pananaw na huli na ang lahat upang makatagpo ng tunay na pag-ibig. Ang paghahanap ng tunay na pag-ibig at pagaasawa ay hindi dapat na basta-bastahin. Mas mabuting maging maingat sa halip na gumawa ng mabilis at walang ingat na desisyon. Binalaan tayo ni Solomon ng tatlong beses, "Ipangako n'yo sa akin, mga dalaga sa Jerusalem sa ngalan ng mga usa't mga hayop na matutulin, ang aming paglalambingan ay di n'yo gagambalain" (Awit ni Solomon 2:7; 3:5; 8:4). Laging pinakamaganda ang panahon ng Diyos.

Alam natin na pinagmamalasakitan ng Diyos ang ating pagnanais na magkaroon ng tunay na pag-ibig. Kung buong puso nating isusuko ang ating mga naisin sa Kanya, pinalalaya natin ang ating sarili sa kabigatan ng paghahanap ng tunay na pag-ibig sa ating sariling lakas (Mateo 11:29–30).

Ang pag-ibig ay isa sa esensyal na katangian ng Diyos at ipinakita Niya sa atin sa Bibliya kung ano ang tunay na pag-ibig. Ang pagbibigay ng ibang pakahulugan sa pag-ibig at pagtatangka na maghanap nito ng labas sa disenyo ng Diyos ay isang maling akala at magreresulta sa kabiguan. Ang pagsusuko ng ating mga naisin sa Diyos, pagpapasakop sa Kanyang kalooban at paghahanap ng kasiyahan sa Kanya lamang ang susi sa pagkakaroon ng tunay na pag-ibig. "Kay Yahweh mo hanapin ang kaligayahan, at ang pangarap mo'y iyong makakamtan" (Awit 37:4).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit napakahirap na matagpuan ang tunay na pag-ibig?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries