settings icon
share icon
Tanong

Kung namumuhi ang Diyos sa paghahandog ng buhay ng tao, paanong ang paghahandog ng buhay ni Jesus ang naging kabayaran para sa ating mga kasalanan?

Sagot


Malinaw na ipinapakita sa atin ng Bibliya na namumuhi ang Diyos sa paghahandog ng buhay ng tao. Ang mga paganong bansa na nakapalibot sa Israel ay nagsanay ng paghahandog ng buhay ng tao bilang bahagi ng kanilang pagsamba sa mga diyus-diyusan. Idineklara ng Diyos na ang ganitong uri ng pagsamba ay karumaldumal sa Kanya at kinamumuhian Niya ito (Deuteronomio 12:31; 18:10). Sa karagdagan, ang paghahandog ng buhay ng tao ay iniuugnay sa mga masasamang pagsasanay gaya ng pagsangguni sa mga espiritu at pangkukulam na parehong karumaldumal sa Diyos (2 Hari 21:6). Kaya, kung kinamumuhian ng Diyos ang paghahandog ng buhay ng tao, bakit Niya inihandog si Cristo sa krus at paanong ang Kanyang handog ang naging kabayaran para sa ating mga kasalanan.

Walang duda na ang isang handog para sa kasalanan ay kinakailangan upang ang tao ay magkaroon ng pag-asa sa buhay na walang hanggan. Itinatag ng Diyos ang pangangailangan ng pagbububo ng dugo para takpan ang kasalanan (Hebreo 9:22). Sa katunayan, ang Diyos mismo ang nagsagawa ng unang paghahandog ng hayop para takpan ng panandalian ang kasalanan nina Adan at Eba. Pagkatapos Niyang sabihin ang sumpa sa unang magasawa, pinatay Niya ang hayop, itinigis ang dugo noon at mula doon ay tinakpan ang kahubaran nina Adan at Eba (Genesis 3:21) sa gayon ay itinatag ang prinsipyo ng paghahandog ng dugo ng hayop para sa kasalanan. Nang ibigay ng Diyos ang kautusan kay Moises, may mahabang tagubilin ang Diyos kung paano, kailan, at sa anong mga kaganapan kinakailangan ang paghahandog ng dugo ng mga hayop. Magpapatuloy ito hanggang sa dumating si Jesus upang ialay ang Kanyang panghuli at perpektong paghahandog na siyang dahilan upang hindi na kakailanganin pa ang paghahandog ng dugo ng mga hayop. “Ngunit ang mga alay na ito ang nagpapagunita sa mga tao ng kanilang mga kasalanan taun-taon, sapagkat ang dugo ng mga toro at mga kambing ay hindi makakapawi ng mga kasalanan” (Hebreo 10:3–4).

May ilang dahilan kung bakit hindi nilalabag ng paghahandog ng dugo ni Cristo sa krus ang pagbabawal ng Diyos sa paghahandog ng buhay. Una, si Jesus ay hindi tao lang. Kung Siya ay tao lang, ang Kanyang paghahandog ay magiging panandalian ang epekto dahil hindi Niya kayang takpan ang mga kasalanan ng napakaraming taong nabuhay at nabubuhay. Hindi rin maaaring pawiin ng isang buhay ng tao ang kasalanan ng mga tao sa harapan ng walang hanggang Diyos. Ang tanging karapatdapat na handog ay dapat na walang hanggan na nangangahulugan na tanging ang Diyos lamang din mismo ang makakapawi ng kasalanan ng sangkatauhan. Tanging ang Diyos mismo, na isang walang hanggang persona ang makakabayad sa utang natin sa Kanya. Ito ang dahilan kung bakit kailangan na magkatawang tao ang Diyos at manahan sa piling ng tao (Juan 1:14). Walang ibang handog ang makakasapat.

Ikalawa, Hindi inihandog ng Diyos si Jesus. Sa halip si Jesus na Diyos na nagkatawang tao, ang kusang naghandog ng Kanyang sariling buhay. Walang pumilit sa Kanya. Ibinigay Niya ang Kanyang buhay ng kusang-loob gaya ng Kanyang sinabi: “Walang makakakuha ng aking buhay; kusa ko itong ibinibigay. Mayroon akong kapangyarihang ibigay ito at mayroon akong kapangyarihang kunin itong muli. Ang utos na ito'y tinanggap ko mula sa aking Ama” (Juan 10:18). Inihandog ng Diyos Anak ang Kanyang sarili sa Diyos Ama at sa gayon ay ginanap ang lahat ng pamantayan ng Kautusan. Hindi gaya ng mga panandaliang handog, ang handog ni Jesus na minsan sa lahat ng panahon ay sinundan ng Kanyang pagkabuhay na mag-uli. Ibinigay Niya ang Kanyang buhay at muli Niya iyong binawi, sa gayon ay nagbigay Siya ng buhay na walang hanggan para sa lahat ng sasampalataya sa Kanya at tatanggap sa Kanyang handog para sa kanilang mga kasalanan. Ginawa Niya ito ng dahil sa Kanyang pag-ibig para sa Ama at para sa lahat ng ibinigay sa Kanya ng Ama (Juan 6:37–40).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Kung namumuhi ang Diyos sa paghahandog ng buhay ng tao, paanong ang paghahandog ng buhay ni Jesus ang naging kabayaran para sa ating mga kasalanan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries