settings icon
share icon
Tanong

Kung hindi maghahandog ng mga hayop ang mga Hudyo, ano ang kanilang paniniwala kung paano sila makakatanggap ng kapatawaran mula sa Diyos?

Sagot


Ang gawaing pangrelihiyon ng mga Hudyo na paghahandog ng mga hayop ay nagtapos noong AD 70, ang taon na winasak ng mga Romano ang Templo sa Jerusalem. Dahil wala na ang templo, wala ng lugar ang mga Hudyo para sa paghahandog ng mga hayop na susunugin ayon sa Kautusan ni Moises (tingnan ang Deuteronomio 12:13–14). Paulit ulit na sinasabi sa Lumang Tipan na kinakailangan ang mga handog na susunugin para mapawi ang poot ng Diyos sa kasalanan (Exodo 29:36; Levitico 4:31; 9:7; 14:19; 15:15; Bilang 15:25). Ang pagtigis ng dugo ang nagpapabanal at nagpapaging dapat sa mga bagay at tao sa harap ng Panginoon (Levitico 16:19; cf. Hebreo 9:22).

Dahil sa wala ng paghahandog ng dugo ngayon, wala ng anumang paraang naaayon sa kautusan upang matakpan ang kanilang mga kasalanan. Patuloy pa rin nilang ipinagdiriwang ang Paskuwa, ngunit wala ng paghahandog. Ginugunita pa rin nila ang Araw ng katubusan (Yom Kippur) ngunit wala ng paghahandog na ginagawa para sa kasalanan. Hindi pa rin nababago ang mga kasunduan sa Kautusan ni Moises, ngunit hindi kaya ng mga Hudyo na ayusin ang kanilang relasyon sa harapan ng Diyos – hindi sila makakatagpo ng kapatawaran — kung walang paghahandog ng dugo ng mga hayop.

Naniniwala ang mga modernong Hudyo na nakakamit ang kapatawaran ng Diyos sa pamamagitan ng pagsisisi, pananalangin at paggawa ng mabubuting gawa. Ginagamit nila ang mga talata sa Bibliya gaya ng Oseas 6:6 upang pawalang halaga ang pangangailangan ng paghahandog: "Sapagkat wagas na pag-ibig ang nais ko at hindi handog, pagkilala sa Diyos sa halip na handog na sinusunog." Sa kabila nito, mahirap pa ring balewalain ng mga Hudyo ang mga talatang gaya ng Levitico 17:11, "Sapagka't ang buhay ng laman ay nasa dugo; at aking ibinigay sa inyo sa ibabaw ng dambana upang itubos sa inyong mga kaluluwa: sapagka't ang dugo'y siyang tumutubos dahil sa buhay."

Nananatili ang katotohanan na walang kapatawaran kung walang pagbububo ng dugo (Hebreo 9:22). Ang paghahandog ng dugo ng mga hayop sa Lumang Tipan ay pinalitan na ng minsanang paghahandog ng dugo ni Kristo, ang Mesiyas para sa kasalanan ng tao. Itinatag ni Kristo ang Bagong Tipan, "Gaano pa kaya ang dugo ni Cristo, na sa pamamagitan ng Espiritu na walang hanggan ay inihandog ang kaniyang sarili na walang dungis sa Dios, ay maglilinis ng inyong budhi sa mga gawang patay upang magsipaglingkod sa Dios na buhay? At dahil dito'y siya ang tagapamagitan ng isang bagong tipan, upang sa pamamagitan ng isang kamatayan na ukol sa ikatutubos ng mga pagsalangsang na nasa ilalim ng unang tipan" (Hebreo 9:14, 15).

Sa loob ng isang henerasyon pagkatapos ng paghahandog ni Kristo, winasak ang templo ng mga Hudyo sa Jerusalem; hindi na nagkaroon pa ng paghahandog ng mga hayop dahil tinupad na ni Kristo ang katuwiran na hinihingi ng kautusan (Mateo 5:17). Ang paghahandog ng mga hayop ay larawan lamang ng perpektong handog—ang Kordero ng Diyos na nagaalis ng kasalanan ng sanlibutan (Juan 1:29). Binayaran ng handog ni Kristo ang utang na kasalanan ng sangkatauhan sa Diyos, Hudyo man o Hentil (Roma 1:16; Hebreo 9:12–15).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Kung hindi maghahandog ng mga hayop ang mga Hudyo, ano ang kanilang paniniwala kung paano sila makakatanggap ng kapatawaran mula sa Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries