settings icon
share icon
Tanong

Ano ang iba't ibang uri ng paghahandog sa Lumang Tipan?

Sagot


May limang pangunahing uri ng paghahandog o pagaalay sa Lumang Tipan. Ang handog na susunugin (Levitico 1; 6:8–13; 8:18-21; 16:24), ang handog na butil (Levitico 2; 6:14–23), ang handog na pangkapayapaan (Levitico 3; 7:11–34), ang handog sa kasalanan (Levitico 4; 5:1–13; 6:24–30; 8:14–17; 16:3–22), at ang handog sa pagsalangsang (Levitico 5:14–19; 6:1–7; 7:1–6). Ang bawat isa sa mga paghahandog na ito ay kinapapalooban ng ilang elemento, kung hindi ng hayop ay prutas sa bukid at may partikular na layunin. Ang karamihan ay hinahati sa dalawa o tatlong bahagi – ang bahagi ng Diyos, ang bahagi ng mga Levita o saserdote at kung may ikatlo, isang bahagi na itinatabi ng taong nagaalay ng handog. Ang mga handog ay maaaring mawalak na ikategorya bilang kusa o sapilitan.

Kusang Handog
May tatlong boluntaryong handog. Ang una ay ang handog na susunugin, isang boluntaryong aksyon ng pagsamba para magpahayag ng debosyon o pagtatalaga sa Diyos. Ginagamit ito bilang pampalubag loob para sa hindi sinasadyang kasalanan. Ang mga elemento ng handog na susunugin ay isang toro, isang ibon, o isang lalaking tupa na walang kapintasan. Ang karne at mga laman-loob ng hayop ay susunuging lahat, at iyon ang bahagi ng Diyos. Ang balat ay ibinibigay sa mga Levita, na kalaunan ay maaaring ibenta ito para kumita para sa kanilang sariling pangangailangan.

Ang ikalawang boluntayong handog ay ang handog na butil, kung saan ang prutas o bunga ng bukid ay iniaalay sa anyo ng cake o nilutong tinapay na gawa sa butil, pinong harina, at langis at asin. Ang handog na butil ay isa sa mga handog na may kasamang handog na inumin o alak na ibinubuhos sa apoy sa altar (Bilang 15:4–5). Ang layunin ng handog na butil ay para ipahayag ang pasasalamat sa pagkilala sa pagpapala ng Diyos at sa Kanyang kabutihan sa taong naghahandog. Binibigyan ang mga saserdote ng isang bahagi ng handog na ito, ngunit hindi iyon dapat kainin sa loob ng tabernakulo.

Ang ikatlong boluntaryong handog ay ang handog pangkapayapaan, na binubuo ng anumang walang kapintasang hayop mula sa kawan ng naghahandog at/o iba't ibang butil o tinapay. Ito ay handog ng pasasalamat at pakikisama na sinusundan ng isang salu-salo. Binibigyan ang punong saserdote ng dibdib ng hayop; habang ang saserdote naman na naghandog ay binibigyan ng unahang kanang paa ng hayop. Ang mga pirasong ito ng handog at tinatawag na "natatanging handog" at "itinaas na handog" dahil itinataas sila sa altar sa seremonya. Ang taba, bato, at ang umbok ng atay ay sinusunog para sa Diyos at ang natira naman sa hayop ay kakainin ng mga kalahok. Ang handog na panata, handog na pasasalamat, at handog na kusang loob na binanggit sa Lumang Tipan ay mga handog na pangkapayapaan.

Handog na Sapilitan
May dalawang handog na sapilitan sa Kautusan sa Lumang Tipan. Ang una ay ang handog para sa kasalanan. Ang layunin ng handog para sa kasalanan ay para papaglubagin ang galit ng Diyos sa kasalanan at linisin ang naghahandog mula sa karumihan. May limang posibleng elemento ang isang handog sa kasalanan—isang batang toro, isang lalaking kambing, isang babaeng kambing, isang bato-bato/kalapati, at ikasampu sa takal ng pinong harina. Ang babaeng kambing ay handog sa kasalanan para sa isang karaniwang tao, ang pinong harina ay handog ng pinakamahirap, ang batang toro ay handog para sa punong saserdote at sa kongregasyon sa pangkalahatan at iba pa. Ang bawat isa sa mga handog na ito ay may partikular na instruksyon kung ano ang gagawin sa dugo ng hayop sa seremonya. Ang matatabang bahagi at ang lalagyan ng atay ay sinusunog para sa Diyos; ang natira sa hayop ay sinusunog lahat sa altar at itinatapon ang abo sa labas ng kampo (para sa pagpapalubag loob sa kasalanan ng punong saserdote at ng kongregasyon) o kinakain sa loob ng tabernakulo.

Ang isa pang handog na sapilitan ay ang handog sa pagsalangsang, at ang handog na ito ay kailangang isang tupa hindi ibang hayop. Ang handog sa pagsalangsang ay iniaalay bilang pampalubag loob sa mga kasalanang hindi sinasadya na kinakailangang bayaran sa pinagkasalahan at gayundin sa paglilinis mula sa mga kasalanang nakakapagparumi sa tao o mga pisikal na karamdaman. Muli, ang matatabang bahagi, bato at atay ay sinusunog bilang handog sa Diyos at ang natira sa tupa ay kailangang kainin sa loob ng tabernakulo.

Itinuturo ng mga handog sa Lumang Tipan ang mga tao sa perpekto at panghuling handog ni Cristo. Ang lahat ng handog ayon sa Kautusan ay "mga anyo lamang ng mga bagay na darating, ngunit si Cristo ang katuparan ng lahat ng ito" (Colosas 2:17). Kinikilala ng mga Kristiyano ngayon ang ginawang pagtubos ng kamatayan ni Kristo sa krus bilang tanging kinakailangang handog para sa kasalanan, na inihandog minsan para sa lahat (Hebreo 10:1–18). Binuksan ng Kanyang kamatayan ang "banal na dako" para sa atin (Hebreo 10:19–22) upang malaya na tayong makapasok sa presensya ng Diyos at makapag-alay ng ating "handog ng pasasalamat" (Hebreo 13:15; cf. 9:11–28; 4:14—5:10).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang iba't ibang uri ng paghahandog sa Lumang Tipan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries