settings icon
share icon
Tanong

Bakit hinihingi ng Diyos ang paghahandog ng mga hayop sa Lumang Tipan?

Sagot


Hiningi ng Diyos ang mga handog na hayop sa Lumang Tipan upang magkaloob ng panandaliang kapatawaran sa mga kasalanan at upang ilarawan bago pa mangyari ang darating na paghahandog ng ganap at perpektong handog sa kasalanan, ang Panginoong Hesu Kristo. (Levitico 4:35, 5:10). Ang paghahandog ng mga hayop na susunugin ay isang mahalagang tema na matatagpuan sa buong Kasulatan dahil "walang kapatawaran ng kasalanan kung walang pagbububo ng dugo" (Hebreo 9:22). Nang magkasala sina Adan at Eba, pumatay ang Diyos ng hayop upang takpan ang kanilang kahubaran (Genesis 3:21). Sina Cain at Abel ay nagdala ng kani kanilang handog na susunugin sa Diyos. Hindi tinanggap ang handog ni Cain dahil nagdala siya ng mga prutas, samantalang tinanggap ang handog ni Abel dahil nagdala siya ng "panganay ng kanyang kawan" (Genesis 4:4-5). Nang humupa ang baha, Naghandog si Noe ng handog na hayop na susunugin sa Diyos (Genesis 8:20-21).


Inutusan ng Diyos ang bansang Israel na magsagawa ng napakaraming paghahandog ayon sa mga patakaran na Kanyang itinakda. Una, ang mga hayop na ihahandog ay dapat na walang kapintasan. Ikalawa, dapat na ang mga maghahandog ay nagpakabanal din naman. Ikatlo, ang taong maghahandog ay papatayin ang hayop hanggang bawian iyon ng buhay. Kung ang paghahandog ay ginawa ayon sa pananampalataya, ang handog ay naging daan sa pagpapatawad ng Diyos sa naghandog. May isang paghahandog na ginaganap tuwing Araw ng Katubusan na inilarawan sa aklat ng Levitico na nagpapahayag ng pagpapatawad at pagaalis ng kasalanan. Ang pinakapunong saserdote ay kukuha ng dalawang lalaking kambing bilang handog sa kasalanan. Ang isang kambing ay papatayin bilang handog para sa kasalanan ng buong Israel (Levitivo 16:15), habang ang isang kambing naman ay pakakawalan sa ilang (Levitico 16:20-22). Ang handog para sa kasalanan ay para sa kapatawaran, samantalang ang isa pang kambing na pinakawalan sa ilang ay para sa pagaalis ng kasalanan.

Bakit hindi na natin ngayon kailangan ang mga hayop bilang handog na susunugin? Ang paghahandog ng mga hayop ay natapos na dahil si Hesus ang huli at perpektong handog. Kinilala ito ni Juan Bautista ng sabihin niya kay Hesus habang naglalakad ito patungo sa kanya upang magpabawtismo, "Narito ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan!" (Juan 1:29). Maaring maitanong mo sa sarili, bakit hayop ang dapat ihandog? Ano ang kanilang nagawang kasalanan? Iyon nga ang mismong dahilan. Dahil ang mga hayop ay walang nagawang kasalanan, namatay sila para sa mga naghandog sa kanila. Wala ring anumang nagawang pagkakasala si Hesus ngunit kusang loob na ibinigay Niya ang Kanyang sarili upang mamatay para sa kasalanan ng sanlibutan (1 Timoteo 2:6). Inako ni Hesus ang kaparusahan para sa ating mga kasalanan at namatay sa ating lugar. Gaya ng sinabi sa 2 Corinto 5:21, "Hindi nagkasala si Cristo, ngunit dahil sa atin, Siya'y ibinilang na makasalanan upang makipag-isa tayo sa kanya at mapabanal sa harapan ng Diyos sa pamamagitan Niya."

Sa pagbubuod, ang paghahandog ng mga hayop ay iniutos ng Diyos upang ang naghandog ay makaranas ng kapatawaran mula sa kanyang mga kasalanan. Ang hayop ay nagsisilbing kahalili upang siyang mamatay sa halip na ang talagang nagkasala, ngunit panandalian lamang ang kapatawarang iyon kaya nga kailangang gawin ang paghahandog ng mga hayop ng paulit-ulit. Ang paghahandog ng mga hayop ay natapos ng dumating ang Panginoong Hesu Kristo. Si Hesus ang pinakahuli at pinaka-perpektong handog na panghalili sa mga makasalanan sa lahat ng panahon (Hebreo 7:27) at Siya ngayon ang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao (1 Timoteo 2:5) Ang mga hayop na pinapatay at sinusunog bilang handog sa kasalanan ay larawan ng paghahandog ni Kristo para sa kasalanan ng Kanyang mga hinirang. Si Kristo lamang ang tanging handog para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. Siya ang inilalarawan ng mga paghahandog ng mga hayop sa Lumang Tipan. Nang malinis Niya ang kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang sariling dugo, umakyat Siya sa Langit at ipinadala ang kanyang kahalili, ang Banal na Espiritu upang ilapat ang Kanyang pagtubos sa Kanyang mga hinirang sa sanlibutan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit hinihingi ng Diyos ang paghahandog ng mga hayop sa Lumang Tipan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries