settings icon
share icon
Tanong

Ano ang biblikal na kwalipikasyon para maging isang apostol?

Sagot


Ang isang apostol ("isang taong isinugo para sa isang misyon") ay isang taong ipinadala ng Diyos para sa isang gawain o para magpahayag ng isang mensahe. Nananagot ang isang apostol sa nagsugo sa kanya at taglay niya ang awtoridad ng nagsugo sa kanya. Ang pagiging apostol ang posisyon na taglay ng isang taong isinugo ng Diyos.

Si Cristo mismo ay may posisyon bilang isang apostol. Apostol ang isa sa Kanyang mga titulo (Hebreo 3:1). Ipinadala Siya sa mundo ng Kanyang Ama sa langit taglay ang isang mensaheng may awtoridad, na Kanyang tapat na inihatid (Juan 17:1–5).

Habang nasa mundo si Jesus, personal Siyang pumili mula sa Kanyang maraming tagasunod ng labindalawang lalaki at ginawaran sila ng posisyon bilang mga apostol— isang espesyal na responsibilidad para tanggapin at ipakalat ang Kanyang mensahe pagkatapos Niyang umakyat sa langit (Juan 17:6–20; Mateo 10:1–4; Markos 3:14–19). Ang mga lalaking ito na Kanyang pinili at ipinadala ang Kanyang mga apostol. Noong sinasanay sila ni Jesus, hindi Niya ipinaliwanag sa kanila ang pamantayang Kanyang ginamit sa pagpili sa kanila.

Ang isa labindalawang ito ay si Judas Iscariote na nagtaksil kay Jesus at nagbenta sa Kanya sa Kanyang mga kaaway. Dahil sa paguusig ng kanyang konsensya, nagbigti si Judas (Mateo 27:5). Dahil dito, labing-isang apostol ang iniwan ni Jesus nang umakyat Siya sa langit.

Ilang raw ang nagdaan, ang labing-isang alagad ay nasa Jerusalem at nananalanging kasama ng ina ni Jesus, ng Kanyang mga kapatid at ng iba pang mananampalataya. Ang bilang ng mga alagad na nagkatipon ay 120 (Gawa 1:12–26). Nagsalita si Pedro sa grupo at sinabi na ayon sa Awit 69:25 hinulaan ang pagtataksil ni Judas at sa Awit 109:8 naman ay hinulaan na pupunuan ang posisyon na kanyang iniwan. Kailangang magkaroon si Judas ng kahalili.

Iminungkahi ni Pedro ang pagpili ng isang bagong apostol at itinakda ang mga kwalipikasyon. Hindi lahat ay maikukunsidera bilang apostol. Ang mga kandidato ay kailangang nakasama ni Jesus sa buong tatlong taon ng Kanyang ministeryo na nangangahulugang kailangang nakita ng sarili niyang mata ang pagbabawtismo kay Jesus ng pagtibayin ng Diyos Ama ang Kanyang persona at gawain. Kailangang narinig niya ang mga katuruan ni Jesus na bumabago ng buhay at saksi sa Kanyang mga pagpapagaling at iba pang himala. Kailangang nasaksihan niya mismo sa kanyang sarili ang paghahandog ni Jesus ng Kanyang buhay sa krus at nakita, nakausap, at kumaing kasama Niya pagkatapos na Siya'y mabuhay na mag-uli. Ito ang isa sa mahalagang bahagi ng buhay ni Jesus, ang puso ng mensahe na kanilang ituturo sa iba at ang mga personal na saksi ang kinakailangang magpatunay ng katotohanan ng Mabuting Balita.

Ang grupong nananalangin sa Jerusalem ang nagmungkahi sa dalawang pagpipilian na nakapasa sa mga kwalipikasyon sa pagka-apostol na binanggit ni Pedro. Sila ay sina Jose na Barsabas at si Matias. Pagkatapos, hiniling ng mga alagad sa Diyos na gabayan sila upang malaman kung sino sa dalawa ang hahalili kay Judas. Gamit ang pamamaraan sa pag-alam sa kalooban ng Diyos na pangkaraniwan sa panahong iyon, nagpalabunutan sila at ipinaubaya sa Diyos kung sino ang Kanyang nais na piliin. Ang nabunot ay si Matias at siya ang naging kahalili ni Judas bilang isa sa labindalawang apostol.

Sa ilang okasyon, nagpatotoo ang mga apostol tungkol sa kanilang personal na obserbasyon kay Jesus at nagpahayag ng gaya ng sumusunod: "Saksi kami sa lahat ng ginawa niya sa lupain ng mga Judio at sa Jerusalem. Siya'y pinatay nila; siya ay ipinako nila sa krus. Ngunit siya'y muling binuhay ng Diyos sa ikatlong araw at hinayaang ipakita ang sarili" (Gawa 10:39–40).

Paglipas ng ilang buwan, tinangka ni Saulo na isa sa mga Pariseo na sawatain ang bagong "kulto" ng Kristiyanismo sa pamamagitan ng pagpatay at pagpapakulong sa mga tagasunod ni Jesus. Habang naglalakbay patungo sa Damasco para isakatuparan ang kanyang plano, personal na nagpakita si Jesus kay Pablo. Ang hindi maikakailang engkwentrong ito sa nabuhay na mag-uling tagapagligtas ang ganap na bumago sa buhay ni Pablo. Sa pangitain ng isang mananampalataya sa Damasco, sinabi Ni Jesus na pinili Niya si Pablo, "upang ipakilala ang [Kanyang] pangalan sa mga Hentil, sa mga hari, at sa mga anak ng Israel (Gawa 9:15; cf. 22:14–15). Pagkatapos na maging mananampalataya, ginugol ni Pablo ang ilang taon sa Arabia, kung saan tinuruan siya ni Cristo (Galacia 1:12–17). Kinilala ng ibang apostol na si Cristo mismo ang nagtalaga sa kanilang dating kaaway na si Pablo upang maging isa sa kanila. Nang magtungo si Saulo sa mga teritoryo ng mga Hentil, binago niya ang kanyang pangalan at ginawang Pablo at nagpadala si Jesus ng maraming mensahe sa Kanyang mga iglesia at sa mga hindi mananampalataya sa pamamagitan ni Pablo. Ang apostol na si Pablo ang sumulat sa mahigit sa kalahati ng bilang ng mga aklat sa Bagong Tipan.

Sa dalawa sa kanyang mga sulat, ipinakilala ni Pablo ang mga apostol bilang mga unang itinalaga ni Jesus para paglingkuran ang Kanyang iglesia (1 Corinto 12:27–30; Efeso 4:11). Malinaw na ang gawain ng mga apostol ay ang pagtatatag ng pundasyon ng Iglesya bilang sumunod na tagapagtatag ni Jesus mismo (Efeso 2:19–20), kaya kinakailangan ang kanilang pagiging saksi ni Jesus bilang awtoridad sa likod ng kanilang pangangaral. Pagkatapos na itatag ng mga apostol ang pundasyon, maaari ng itayo ang iglesya.

Hindi inangkin ni Pablo na kabilang siya sa orihinal na labindalawa, ngunit inangkin niya ang kanyang pagiging apostol. Kinilala ng mga alagad na itinalaga siya ni Jesus bilang espesyal na apostol para sa mga Hentil (Galacia 1:1; 1 Corinto 9:1; Gawa 26:16–18). May iba pa sa unang iglesya na tinukoy din bilang mga apostol (Gawa 14:4, 14; Roma 16:7; 1 Tesalonica 2:6), ngunit itinalaga sila, binigyan ng awtoridad at ipinadala ng mga iglesya sa mga espesyal na gawain. Nagtaglay ang mga indibidwal na ito ng titulong "apostol" sa isang llimitadong pakahulugan at hindi nagtataglay ng mga kwalipikasyon na taglay ni Pablo at ng orihinal na labindalawang apostol.

Walang ebidensya sa Bibliya na nagpapahiwatig na pinalitan ang labintatlong apostol pagkatapos na sila'y mamatay. Tingnan ang Gawa 12:1–2, para sa halimbawa. Itinalaga ni Jesus ang apostol para itatag ang iglesya at minsan lamang kailangang itatag ang mga pundasyon. Pagkamatay ng mga apostol, may iba pang gawain bukod sa pagiging apostol na hindi kinakailangang maging saksi ni Jesus ang magpapatuloy ng gawain sa iglesya.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang biblikal na kwalipikasyon para maging isang apostol?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries