settings icon
share icon
Tanong

Posible ba para sa mga tao na maging banal gayong ang Diyos lamang ang banal?

Sagot


Ang kabanalan ay hindi lamang isang posibilidad para sa mga Kristiyano; ang kabanalan ay isang kundisyon ng Diyos. “Sikapin ninyong makasundo ang lahat, at magpakabanal sapagkat hindi ninyo makikita ang Panginoon kung hindi kayo mamumuhay nang ganito” (Hebreo 12:14). Ang pagkakaiba sa pagitan natin at ng Diyos ay likas Siyang banal samantalang tayo ay naging banal dahil lamang sa ating relasyon kay Cristo at lumalago lamang tayo sa praktikal na kabanalan habang lumalago tayo sa espiritwal. Binibigyang diin ng Bagong Tipan ang pagpapaging banal sa mundong ito at ang ganap na kabanalan sa mundong darating.

Ang maging “banal” ay nangangahulugan na una sa lahat, tayo ay “ibinukod para sa natatanging gawain.” Kahit na “Noong una, tayo rin mismo ay mga hangal, hindi masunurin, naliligaw at naging alipin ng mga makamundong damdamin at lahat ng uri ng kalayawan. Naghari sa atin ang masamang isipan at pagkainggit. Tayo'y kinapootan ng iba at sila'y kinapootan din natin. Iniligtas niya tayo, hindi dahil sa ating mabubuting gawa kundi dahil sa kanyang habag sa atin. Tayo'y iniligtas niya sa pamamagitan ng Espiritu Santo na naghugas sa atin upang tayo'y ipanganak na muli at magkaroon ng bagong buhay” (Tito 3:3-5; 1 Corinto 6:11). Inumpisahan ng Panginoon na iahon tayo mula sa ating mga dating pamumuhay. Iniligtas Niya tayo, nilinis, at ibinukod para sa katuwiran. Kung sumampalataya tayo kay Cristo para sa ating kaligtasan, nahugasan na tayo sa pamamagitan ng pagsilang na muli sa Banal na Espiritu at inihiwalay sa mundo para sa mabubuting gawa (tingnan ang Roma 12:2).

Gayunman, ang pagpapaging banal ay hindi natatapos ng lumapit tayo kay Cristo. Ang totoo, noon lamang ito nagsimula! May tinatawag na posisyonal na kabanalan na ating namana sa oras na tayo ay isinilang na muli sa espiritu at dapat nating aktibong isapamuhay ang praktikal na kabanalan. Inaasahan ng Diyos na tayo ay mamumuhay sa kabanalan (1 Pedro 1:14-16) at inuutusan tayo na “alisin natin sa ating sarili ang lahat ng nakapagpaparumi sa ating katawan at sa ating espiritu. Sikapin nating mamuhay nang may ganap na kabanalan at paggalang sa Diyos” (2 Corinto 7:1). Ang pagsisikap na maging ganap ang kabanalan ay nangangahulugan na dapat tayong lumago sa ating mga espiritwal na bunga araw-araw. Dapat nating ituring ang ating mga sarili na mga “patay sa kasalanan” (Roma 6:11), at tumatanggi na magbalik sa ating dating uri ng pamumuhay. Sa ganitong paraan, “nililinis natin ang mga sarili mula sa mga bagay na hindi marangal,” at nagiging “kasangkapang marangal na ibinukod bilang mga banal, kagagamit-gamit sa Panginoon… para sa bawat mabubuting gawa” (2 Timoteo 2:21). Ang kabanalan ang tatak ng bawat isang tunay na mananampalataya (1 Juan 3:9-10).

Ang paghubog ng isang banal na pamumuhay ay hindi nangangahulugan na maglilista tayo ng mga dapat gawin at hindi dapat gawin at atin iyong susundin araw-araw. Malaya na tayo sa mga titik ng kautusan na pumapatay (2 Corinto 3:6) at nabubuhay na tayo ayon sa udyok ng Banal na Espiritu (Galatia 5:16-18).

Sinasabihan tayo na, “Pagsumikapan ninyong maging ganap ang inyong kaligtasan nang may lubusang paggalang at pag-ibig sa Diyos, sapagkat ang Diyos ang kumikilos sa inyo upang inyong naisin at isagawa ang kanyang kalooban” (Filipos 2:12-13). Sa talatang ito, nakikita natin ang kooperasyon sa pagitan ng Diyos at ng Kanyang mga anak sa kanilang pagpapaging banal. Isinasapamuhay natin kung ano ang ginagawa ng Diyos sa atin, dahil may itinakdang panahon ang Diyos para sa mga paguugali at gawi na nais Niyang hubugin sa ating mga buhay. Ang ating responsibilidad ay sumunod sa Kanyang nais at pagtuunan ng atensyon at pagmalasakitan ang mga bagay na nais ng Diyos na ipagawa sa atin. Hindi magaganap ang pagpapaging banal sa ating mga buhay kung hindi tayo kikilos. Inaanyayahan tayo na makilahok sa ginagawa ng Diyos sa atin. Hindi tayo “dadalhin sa langit na sakay ng isang kamang puno ng bulaklak” gaya ng sinasabi ng isang lumang imno.”

Maaaring ito ang pinakamahalagang aral na ating matututunan bilang mga Kristiyano. Ang pinakaultimong naisin ng Diyos para sa Kanyang mga anak ay maging banal sila at maging katulad ng kanyang Anak (Roma 8:29; 1 Tesalonica 4:3-4). Ang kabanalan ang kalooban ng Diyos para sa ating mga buhay.

Siyempre, mahina ang laman (Markos 14:38). Wala kahit isa sa atin ang magiging perpektong banal na walang kahit anong kasalanan sa mundong ito, pero may ibinigay na solusyon ang Diyos para sa ating mga kasalanan. “Subalit kung ipinapahayag natin ang ating mga kasalanan, patatawarin tayo ng Diyos sa mga ito, at lilinisin tayo sa lahat ng ating kasalanan, sapagkat siya'y tapat at matuwid” (1 Juan 1:9). Kasama sa ating pagsisikap na maging banal sa mundong ito ang araw-araw na pagpapahayag ng kasalanan at pagtalikod sa mga iyon (tingnan ang Hebreo 12:1-3).

Tinutulungan tayo ng Diyos sa ating mga kahinaan sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng Kanyang Banal na Espiritu na ipinapahayag sa atin ang isipan ni Cristo at tinutulungan tayo na ganapin ang Kanyang kalooban (1 Corinto 2:14-16; Filipos 2:13). Kung susunod tayo sa Espiritu, tayo ay magiging mga Kristiyano na maraming bunga ng Espiritu, na magaani ng kabanalan na siyang kinalulugdan ng Diyos (Galatia 5:22-23). Sa kabilang banda, kung pinipigilan natin ang gawain ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng paglaban sa kanyang kalooban para sa atin, pinipigilan natin ang disenyo ng Diyos at ang ating sariling paglagong espiritwal at dinadalamhati ang Banal na Espiritu (Efeso 4:30).

Kung mabiyaya ang Diyos para tayo tubusin mula sa ating mga kasalanan at kamatayan at binigyan tayo ng isang bagong buhay kay Cristo, ang pinakamaliit nating magagawa ay ihandog ang ating mga buhay sa isang ganap na pagsuko sa Kanya at sa pagpapaging banal na para din sa ating ikabubuti (Deuteronomio 10:13). Dahil sa kahabagan ng Diyos, dapat tayong maging mga buhay na handog, “banal at nakalulugod sa Diyos” (Roma 12:1; Deuteronomio 10:13). Isang araw, lalaya tayo mula sa kasalanan at sa lahat ng epekto nito. Hangga’t hindi iyon nagaganap, dapat nating “Ituon natin ang ating paningin kay Jesus” kung kanino “nakasalalay ang ating pananampalataya” at magpatuloy hanggang sa wakas ng ating mga buhay (Hebreo 12:2).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Posible ba para sa mga tao na maging banal gayong ang Diyos lamang ang banal?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries