Tanong
Bakit napakahalaga ng pagiging birhen sa Bibliya?
Sagot
Kung ginagamit sa Bibliya ang salitang "birhen," tumutukoy ito sa isang taong walang asawa na hindi pa nakakaranas ng pakikipagtalik (tingnan ang Ester 2:2 at Pahayag 14:4). Sa ating kultura ngayon, maraming tao na ang pakahulugan sa pagiging birhen ay sekswal na kalinisan; gayunman, mas nakararami ang gumagamit ng teknikal na pakahulugan upang maghanap ng butas sa pamantayang moral at nililimitahan ang salitanf 'birhen' para pakahuluganan na "hindi paghantong sa aktwal na pagtatalik." Kaya nga sa kanilang ginawang pakahulugan, maaaring gawin ng magkasintahan ang lahat ng sekswal na aktibidad basta hindi hahantong sa mismong aktwal na pagtatalik o seks at tatawagin pa rin ang kanilang sarili bilang "birhen." Ngunit ito ay walang kabuluhang pagpapalit ng kahulugan. Ang kalinisang puri ay dapat na nakakaapekto sa puso, isip at kaluluwa, hindi lamang sa ilang bahagi ng katawan.
Ang diin ng Bibliya sa pagiging birhen ay hindi sa teknikal na terminolohiya o medikal na pakahalugan kundi ito ay isang kundisyon ng puso. Ang moralidad na ating pinanghahawakan at aksyon na ating pinipili ay nagpapakita ng kundisyon ng ating puso. Malinaw ang pamantayan ng Bibliya: Ang pagiging birhen bago ang pagaasawa ay hindi pakikipagtalik sa anumang paraan bago ang kasal at pagkakaroon ng iisa lamang asawa pagkatapos ng kasal.
May tatlong seryosong dahilan sa hindi pakikipagtalik bago ang kasal. Una, dapat tayong sumunod sa lahat na ipinaguutos sa atin ng Panginoon. Sinasabi sa 1 Corinto 6:18–20, "Iwasan ninyo ang imoralidad. Ang ibang kasalanang nagagawa ng tao ay hindi nakakasira sa katawan, ngunit ang gumagawa ng imoralidad ay nagkakasala laban sa sarili niyang katawan.n Hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo at ipinagkaloob ng Diyos sa inyo? Hindi ninyo pag-aari ang inyong katawan; sapagkat binili na kayo sa isang halaga. Kaya't gamitin ninyo ang inyong katawan upang maparangalan ang Diyos." Kung tayo ay tunay na kay Kristo, binili Niya tayo sa pamamagitan ng pahahandog ng Kanyang buhay. Siya ang ating Panginoon at dapat natin Siyang parangalan sa ating mga buhay.
Ang ikalawang dahilan ay kailangan nating lumaban sa espiritwal na labanan na suot ang baluti ng katuwiran (Efeso 6:14). Tayo ay nasa isang labanan sa pagitan ng ating bagong katauhan kay Kristo at ng ating makalamang pagnanasa. Sinasabi sa 1 Tesalonica 4:3–7, "Kalooban ng Diyos na kayo'y maging banal at lumayo sa lahat ng uri ng kahalayan. Dapat maging banal at marangal ang pakikitungo ng bawat isa sa kanyang asawa, at hindi upang masunod lamang ang pagnanasa ng laman tulad ng inaasal ng mga Hentil na hindi nakakakilala sa Diyos. Sa bagay na ito, huwag ninyong gawan ng masama at dayain ang inyong kapatid, sapagkat paparusahan ng Panginoon ang gumagawa ng ganitong kasamaan, tulad ng mahigpit naming babala sa inyo noon. Tayo'y tinawag ng Diyos upang mamuhay sa kabanalan, hindi sa kahalayan." Ang pagpapakontrol sa pita ng ating laman sa halip na sa Banal na Espiritu ay paglaban sa Diyos. Ang paggamit sa isang tao upang matugunan ang pita ng laman ay pagiging makasarili at pangaabuso. Kahit na pumapayag pa ang iyong kapareha, tinutulungan mo siyang magkasala at negatibong naaapektuhan ang kanyang relasyon sa Diyos at sa ibang tao.
Ang ikatlong dahilan ay ang misteryo ng pagaasawa (Efeso 5:31-32). Nang ideklara ng Diyos na isang laman ang dalawang taong Kanyang pinagsama, tinutukoy Niya ang isang bagay na naguumpisa pa lang nating nauunawaan sa isang totoo at sayolohikal na paraan. Sa tuwing nagtatalik ang dalawang tao, nagpapalabas ang hypothalamus (isang bahagi ng utak) ng mga kemikal na nagpapasidhi sa pakiramdam ng pagtitiwala at pakikipagkaisa. Ang pakikipagtalik ng labas sa kasal ay nagreresulta sa pagkakaroon ng malapit na kaugnayan at pagtitiwala sa isang tao na hindi niya pinagtatalagahan ng kanyang sarili. Nasisira ang kahulugan ng pagtitiwala. Ang pagkakaroon ng ganitong uri ng ugnayan na walang kasiguraduhan sa isang tao ng ay mapanganib. Ang dalawang indibidwal na nahuhumaling sa isa't isa ngunit hindi nakatalaga na lumago sa pakikipagrelasyon sa Diyos bilang magasawa ay maaaring mahiwalay sa Diyos at sa Kanyang magandang layunin.
Sa kabilang banda, kung ang dalawang tao ay nagdesisyon na magtalaga ng kanilang sarili sa isa't isa sa matrimonyo ng kasal at saka lamang hahayaan ang malapit na ugnayan na nagpapakawala ng mga kemikal na ito, matitiyak ng katawan ang koneksyon na ginawa ng isipan. Ang sayolohikal na pakiramdam ng pagtitiwala at pakikipagisa ay napalalakas sa katotohanan ng relasyon. Sa ganitong paraan, ang dalawang tao ay nagiging isa sa pisikal na naglalarawan sa ginawa ng Diyos sa kanila sa espiritwal.
Ang pagaasawa ay modelo ng relasyon sa pagitan ni Kristo at ng Iglesya. Dapat na maglingkod sa Diyos ang magasawa sa isang matatag at nagkakaisang pagsasama. Ang sekswal na ugnayan kasama ang panganganak ay idinisenyo ng Diyos upang patatagin ang pagsasama ng magasawa. Ang sekswal na ugnayan na labas sa matrimonyo ng kasal ay lumilikha ng pagbubuklod na nagwawasak ng puso sa halip na pagisahin ang dalawang tao.
Panghuli, dapat nating tandaan ang ilang bagay tungkol sa pagiging birhen at ang pagkawala nito. Ang mga lumapit kay Kristo na nakaranas na ng pakikipagtalik ay hindi na birhen; gayunman, sila ay ganap na nilinis ni Kristo sa oras na naranasan nila ang kaligtasan. Kaya ng Diyos tubusin ang sinuman at Kanyang pinagagaling kahit ang mga taong nalubog sa makalamang pagnanasa. Para sa mga nakipagtalik bago ang pagaasawa pagkatapos na maging Kristiyano, may kapatawaran sa Panginoong Jesu Cristo. Maaari Niya tayong linisin mula sa lahat ng ating kalikuan at pagalingin sa ating mga kasalanan (1 Juan 1:9). Para sa mga nabiktima ng panggagahasa o pangmomolestya na maaaring nakakaramdam ng karumihan at paguusig ng budhi bagama't isa lamang siyang biktima at hindi na makakapasa sa pamantayan ng pagiging birhen, Kaya ni Kristo na ibalik ang kanyang kalinisan, paghilumin ang kanyang mga sugat, at pagkalooban ng bagong buhay at pagkatao.
English
Bakit napakahalaga ng pagiging birhen sa Bibliya?