Tanong
Bakit mahalaga ang pagiging miyembro ng isang Iglesya?
Sagot
Ang pangkalahatang Iglesya — ang katawan ni Kristo (Roma 12:5) — ay binubuo ng lahat ng mga tunay na mananampalataya at ng lahat ng lokal na Iglesya, na maliliit na kalipunan ng pangkalahatang Iglesya. Bilang mga mananampalataya, nakasulat na ang ating mga pangalan sa aklat ng buhay ng Kordero (Pahayag 20:12), at ito ang pinakamahalaga. Gayunman, mahalaga din na magtalaga ng sarili sa isang lokal na Iglesya kung saan natin ipagkakaloob ang ating mga tinatangkilik, makakapaglingkod sa iba at mananagot sa ibang mananampalataya.
Hindi direktang tinatalakay sa Bibliya ang konsepto ng pormal na pagiging miyembro ng isang Iglesya, ngunit may ilang mga talata na malakas na nagpapahiwatig ng pagkakaroon nito sa unang Iglesya. “At idinaragdag sa kanila ng Panginoon araw-araw yaong nangaliligtas” (Gawa 2:47). Nagpapahiwatig ang talatang ito ng mga kundisyon bago maidagdag ang isang tao sa Iglesya. Sa Gawa 2:41, tila may isang mananampalataya na nagtatala ng bilang ng mga naliligtas at nadadagdag sa Iglesya. Ang mga Iglesya ngayon na ginagawang kundisyon ang kaligtasan bago tanggapin ang isang bagong miyembro ay simpleng sinusunod lamang ang modelo ng Bibliya. Tingnan din ang 2 Corinto 6:14-18.
May iba pang mga talata sa Bagong Tipan kung saan ipinapakita na ang lokal na Iglesya ay isang grupo na may malinaw na panuntunan. Sa Gawa 6:3, nagsagawa ang Iglesya sa Jerusalem ng isang uri ng eleksyon: “Magsihanap nga kayo, mga kapatid, sa inyo, ng pitong lalake.” Ang pariralang mula sa inyo ay nagpapahiwatig sa isang grupo na kakaiba sa ibang grupo. Sa madaling salita, kailangan na ang mga lingkod ng Iglesya ay mga miyembro mismo ng Iglesya.
Mahalaga ang pagiging miyembro ng Iglesya dahil ito ang nagtatakda ng responsibilidad ng isang pastor. Itinuturo sa Hebreo 13:17, “Magsitalima kayo sa namiminuno sa inyo, at kayo'y pasakop sa kanila: sapagka't pawang nangagpupuyat dahil sa inyong mga kaluluwa, na parang sila ang mangagsusulit; upang ito'y gawin nilang may kagalakan, at huwag may hapis: sapagka't sa ganito'y di ninyo mapapakinabangan.” Kanino magsusulit ang pastor maliban sa mga miyembro ng kanyang sariling Iglesyang pinangangasiwaan? Hindi siya responsable sa lahat ng Kristiyano sa buong mundo kundi sa mga nasa ilalim lamang ng kanyang pamamahala. Gayundin naman, hindi rin siya responsable sa lahat ng tao sa kanyang komunidad, kundi sa mga mananampalataya lamang na nasa ilalim ng kanyang pamumuno – ang kanyang sariling mga miyembro. Ang pagiging miyembro sa isang lokal na Iglesya ay isang paraan upang boluntaryong ipailalim ang sarili sa espiritwal na kapamahalaan ng isang pastor.
Mahalaga ang pagiging miyembro ng isang Iglesya dahil kung wala ito, walang pagsusulitan ang isang Kristiyano at hindi siya madidisiplina upang matuto. Itinuturo sa 1 Corinto 5:1–13 kung paano pakikitunguhan ng Iglesya ang isang lumalaban at hindi nagsisising miyembro sa kanilang kalagitnaan. Sa talatang 12 hanggang 13, ang sailtang sa “loob” at “labas” ay ginamit upang tukuyin ang Iglesya. Dapat nating husgahan yaon lamang nasa loob ng Iglesya – o ang mga miyembro. Paano natin malalaman kung sino ang nasa loob o nasa labas ng Iglesya kung walang opisyal na listahan ng miyembro ang isang Iglesya? Tingnan din ang Mateo 18:17.
Bagama’t walang tiyak na utos para sa pagkakaroon ng opisyal na listahan ng mga miyembro ng Iglesya, hindi naman ito ipinagbabawal at tila may ganitong pamantayan sa unang Iglesya dahil hindi naman malalaman kung sino ang nasa loob at nasa labas ng Iglesya kung walang opisyal na listahan ng mga miyembro. Ang pagiging miyembro ng Iglesya ay isang paraan upang maibilang ang sarili sa isang lokal na katawan ng mananampalataya at upang ipailalim ang sarili sa mga espiritwal na tagapanguna. Ang pagiging miyembro din ng Iglesya ang ebidensya ng pakikiisa sa puso at isip ng mga kapwa mananampalataya (tingnan ang Filipos 2:2). Napakahalaga din ang pagiging miyembro ng Iglesya para sa organisasyon. Ito ay isang mabisang paraan upang makaboto ang isang miyembro sa mahahalagang desisyon ng Iglesya at isang pamantayan kung sino ang karapatdapat na magkaroon ng opisyal na posisyon sa Iglesya. Hindi kinakailangan ang pagiging miyembro ng Iglesya upang maging tunay na Kristiyano. Ito ay tulad lamang sa simpleng pagsasabing, “Ako ay isang Kristiyano, at naniniwala ako na ang aking Iglesyang kinabibilangan ay isang tunay na Iglesya.”
English
Bakit mahalaga ang pagiging miyembro ng isang Iglesya?