settings icon
share icon
Tanong

Ano ang nangyari sa panahon sa pagitan ng Luma at Bagong Tipan?

Sagot


Ang panahon sa pagitan ng huling aklat sa Lumang Tipan at ng pagdating ni Kristo ay tinatawag na "intertestamental period" (o panahon sa pagitan ng dalawang Tipan). Dahil walang propeta na nakarinig ng anumang salita mula sa Diyos sa panahong ito, tinatawag ito ng iba na “400 na mga tahimik na taon.” Malaki ang ipinagbago ng kalagayang politikal, relihiyon at sosyal sa Palestina sa panahong ito. Karamihan ng mga nangyari sa panahong ito ay hinulaan ni Propeta Daniel (tingnan ang Daniel kabanata 2,7,8 at 11 at ikumpara sa mga pangyayari sa kasaysayan).

Ang Israel ay nasa ilalim ng kontrol ng imperyo ng Persia mula 532 hanggang 332 B.C. Pinayagan ng mga Persians ang mga Hudyo na isagawa ang kanilang mga gawaing panrelihiyon ng walang masyadong pakikialam. Hinayaan pa nila ang mga Israelita na muling itayo ang templo at ibalik ang pagsamba doon (2 Cronica 36:22-23; Ezra 1:1-4). Kasama sa panahong ito ang isandaang taon na sakop ng Lumang Tipan at halos isandaang taon ng panahon sa pagitan ng Luma at Bagong Tipan. Ang panahong ito ay panahon ng kapayapaan at kakuntentuhan gaya ng kapayapaan pagkatapos ng unos.

Tinalo ni Alexander the Great si Haring Dario ng Persia, at pinasimulan ang paghahari ng mga Griyego sa mundo. Si Alexander ay isang estudyante ni Aristotle at nagaral ng pilosopiya at pulitika ng mga Griyego. Iniutos niya na palaganapin ang kulturang Griyego sa lahat ng mga bansang kanyang nasakop. Dahil dito, ang salin ng Lumang tipan sa wikang Hebreo ay isinalin din sa wikang Griyego, ang salin na nakilala sa tawag na ‘Septuagint.’ Karamihan sa mga reperensya ng Bagong Tipan sa Lumang Tipan ay gumamit ng saling Septuagint. Binigyan din ni Alexander ng kalayaang panrelihiyon ang mga Hudyo bagamat isinulong niya ang paraan ng pamumuhay na ayon sa kultura ng mga Griyego. Hindi ito magandang bahagi ng kasaysayan ng Israel dahil masyadong makamundo, makatao at walang takot sa Diyos ang kulturang Griyego.

Nang mamatay si Alexander, ang Judea ay pinamahalaan ng mga pinunong Griyego na nagtapos sa pamamahala ni Antiochus Epiphanes. Tinutulan ni Antiochus ang kalayaang panrelihiyon ng mga Hudyo. Noong humigit kumulang 167 B.C., pinatigil niya ang paglilingkod ng mga saserdote at niyurakan ang kasagraduhan ng templo sa pamamagitan ng paghahandog ng mga hindi malinis na hayop gaya ng baboy sa altar (Markos 13:14). Ito ay katulad sa panggagahasang panrelihiyon. Sa wakas, matapos magtagumpay ang mga Hudyo laban sa pamamahala ni Antiochus, ibinalik ng mga Hudyo ang tamang pagkasaserdote at iniligtas ang templo. Ang sumunod na mga panahon ay naging puno ng digmaan, karahasan.

Humigit kumulang sa 63 B.C., sinakop ni Pompey ng Roma ang Palestina, at inilagay ang buong Judea sa ilalim ng pamamahala ng mga emperador ng Roma o Caezar. Kalaunan, itinalaga ng Emperador at ng senado ng Roma si Herodes bilang hari ng Judea. Ang bansang Israel ay kinontrol at pinatawan ng buwis ng mga Romano at kalaunan ay pinatawan nila ng parusang kamatayan ang Tagapagligtas sa krus. Ang kulturang Romano, Griyego at Hebreo ay naghalo-halo ng panahong ito sa Judea.

Sa buong pamamahala ng mga Griyego at Romano sa Israel, dalawang mahahalagang grupong pampolitikal at panrelihiyon ang nabuo sa Palestina - ang mga Pariseo at mga Saduseo.

Idinagdag ng mga Pariseo sa Kautusan ni Moises ang kanilang mga tradisyon at itinuring na mas mahalaga iyon kaysa sa Salita ng Diyos (tingnan ang Markos 7:1-3). Habang marami sa mga katuruan ng mga Pariseo ay sumasang-ayon sa turo ni Hesus, sinaway ni Hesus ang kanilang hungkag na legalismo at kawalan ng kahabagan. Ang mga Saduseo naman ay kinakatawan ang mga aristokrata at mayayamang Hudyo. Sila ay mga makapangyarihang tao na mga miyembro ng Sanedrin o hukuman ng mga Hudyo. Hindi nila tinatanggap ang iba pang kasulatan sa Lumang Tipan maliban sa mga aklat ni Moises. Bilang mga tagasunod ng pilosopiya ng mga Griyego na lubos nilang hinahangaan, hindi rin sila naniniwala sa pagkabuhay na muli.

Ang mga pangyayaring ito sa kasaysayan ang nagbukas ng tabing para sa pagdating ni Kristo at ang dahilan kung bakit may napakalaking epekto ang Kanyang pagdating sa buhay ng mga Hudyo. Ang mga Hudyo, maging ang mga pagano ay nagumpisang mawalan ng gana sa relihiyon. Nagumpisang kwestyunin ng mga pagano ang katuruan ng politeismo o pagkakaroon ng maraming mga diyos. Naakit ang mga Romano at Griyego palayo sa kanilang mga mitolohiya patungo sa Kasulatan ng mga Hebreo na noon ay madali ng mabasa dahil nakasalin na sa wikang Griego at Latin. Ang mga Hudyo ng panahong ito ay nawawalan na ng pagasa. Muli silang sinakop, inapi at dinungisan. Nanlulumo sila at halos nawawalan na ng pag-asa. Kumbinsido sila na ang tanging makapagliligtas sa kanila at sa kanilang pananampalataya ay ang kanilang inaasahang Mesiyas na darating.

Ang Bagong Tipan ay naglalarawan kung paano dumating ang pag-asa, hindi lamang para sa Hudyo kundi para sa buong mundo. Ang pagtupad ni Hesus sa mga Kasulatan ay inaasahan at kinilala ng maraming naghahanap sa kanya. Ang kuwento ng senturyong Romano, ang mga pantas na lalaki, at ang Pariseong si Nicodemo ang nagpapakita kung paano kinilala si Hesus bilang Mesiyas ng mga taong nabuhay sa panahon ng Kanyang pagkakatawang-tao. Ang katahimikan sa loob ng 400 taon ay binasag ng pinakadakilang kuwento sa kasaysayan ng mundo - ang Ebanghelyo ni Kristo.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang nangyari sa panahon sa pagitan ng Luma at Bagong Tipan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries