settings icon
share icon
Tanong

Mali bang makaramdam ng kabiguan sa Diyos?

video
Sagot


Ang kabiguan sa Diyos ay hindi laging mali o kasalanan; sa halip, ito ay normal na kalikasan ng tao. Ang salitang kabiguan o pagkabigo ay “isang kalagayan kung saan hindi natupad ang isang inaasahang kaganapan.” Ang kabiguan ay pagkukulang o pagkawala. Isa itong pagkukulang at kawalan dahil hindi naganap ang nararapat sanang nagawa, na maaaring dahil sa “kahinaan o depekto sa katangian, o kaparaanan ng paggawa.” Sa tuwing inaakala natin na nabigo ang Diyos na ibigay ang ating kasiyahan o hindi natin nakamit ang ating mga inaasahan, ang pagkadismaya ay laging kasunod. Kapag ang Diyos ay hindi kumilos ng ayon sa paraang iniisip natin, madaling nagbabago ang ating pagtingin sa Kanya at hindi tayo nasisiyahan sa Kanyang pagkilos. Ang maaaring dahilan nito ay isang marupok na pananampalataya sa Diyos, lalo’t higit sa Kanyang Dakilang Kapangyarihan at Kanyang Kabutihan.



Kung hindi kumilos ang Diyos ayon sa ating inaasahan, hindi ito nangangahulugan na hindi Niya kayang gawin ang ating inaasahan. Sa halip, pinili lamang Niya na hindi iyon gawin. Habang tila hindi makatwiran, ang eksaktong kabaliktaran nito ang totoo. Pinipili ng Diyos kung kikilos Siya ayon sa Kanyang perpekto at banal na kalooban upang maganap ang Kanyang matuwid na layunin. Walang nangyayari na labas sa plano ng Diyos. Siya ang may kontrol maging sa bawat napakaliit na bagay sa kalawakan at saklaw ng Kanyang Kalooban ang bawat kilos at desisyon na ginagawa ng bawat tao sa buong mundo sa lahat ng panahon. Sinabi Niya sa Isaias 46:11, “Na tumatawag ng ibong mangdadagit mula sa silanganan, ng taong gumagawa ng aking payo mula sa malayong lupain; oo, aking sinalita, akin namang papangyayarihin; aking, pinanukala, akin namang gagawin.” Maging ang mga ibon ay bahagi ng Kanyang plano at noong una pa ay may kapasyahan na Siya para sa kanila. Bukod dito, may mga pagkakataon na pinipili Niyang ipaalam sa atin ang Kanyang plano (Isaias 46:10), at may mga pagkakataon din naman na Hindi Niya ito ipinapaalam sa atin. Minsan, nauunawaan natin kung ano ang Kanyang ginagawa; minsan naman ay hindi. Isang bagay ang siguradong alam natin: kung tayo ay sa Kanya, anuman ang Kanyang gawin, iyon ay para sa ating ikabubuti, naiintindihan man natin o hindi ang Kanyang ginagawa sa ating buhay (Roma 8:28).

Ang susi upang maiwasan ang pagkabigo sa Diyos ay ang pagpapasakop sa Kanyang kalooban para sa atin at pagsunod sa Kanyang Kalooban sa lahat ng bagay. Sa ganitong paraan, hindi lamang natin maiiwasan ang mabigo sa Diyos kundi nahahadlangan din ang ating pagmamaktol at pagrereklamo sa mga kaganapan na dumarating sa ating buhay na hindi ayon sa ating kagustuhan. Ang mga Israelita sa disyerto ay nagreklamo at nagtanong sa Diyos sa maraming mga pagkakataon, sa kabila ng lahat ng kanilang nakitang himala, ng Kanyang kapangyarihan sa paghati sa Dagat na Pula, sa pagbibigay ng mana at pugo sa ilang, at sa kaluwalhatian ng Panginoon na gumagabay sa kanila sa anyo ng haliging ulap at apoy (Exodo 15:16; Bilang 14:2-37). Sa kabila ng patuloy na katapatan ng Diyos, nagmaktol pa rin sila at nadismaya sa Kanya dahil hindi Siya kumilos ng ayon sa kanilang inaasahan. Sa halip na magpasakop sa Kanyang kalooban at magtiwala sa Kanya, sila ay nagpatuloy sa pagsunod sa kanilang sariling kalooban.

Kung ating ipinasasakop ang ating kalooban sa Kalooban ng Diyos, kaya nating sabihin tulad ng Panginoong Hesus, “Hindi ang aking kalooban kundi ang Iyo ang maganap” (Lukas 22:42), sa gayon mararanasan natin ang kapanatagan na sinasabi ni Pablo sa 1 Timoteo 6:6-10 at Filipos 4:11-12. Natutunan ni Apostol Pablo na makuntento kung ano ang ipinadadala ng Diyos sa kanyang daan. Nagtiwala siya sa Diyos at nagpasakop sa Kanyang kalooban dahil nalalaman niya na banal, matuwid, perpekto, mapagmahal, at mahabagin ang Diyos na kumikilos sa lahat ng mga bagay para sa kanyang ikabubuti dahil ito ang Kanyang pangako. Kung sa ganitong paraan natin titingnan ang pagkilos ng Diyos, hindi tayo kailanman mabibigo sa Diyos. Sa halip, buong-puso tayong magpapasakop sa ating Ama sa langit, sapagkat nalalaman natin na ang Kanyang Kalooban ay ganap at ang lahat ng Kanyang ginagawa sa ating buhay ay para sa ating ikabubuti at sa ikaluluwalhati ng Kanyang pangalan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Mali bang makaramdam ng kabiguan sa Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries