Tanong
Ano ang pagkabihag/pagkatapon sa Babilonia?
Sagot
Ang pagkabihag/pagkatapon sa Babilonia ay tumutukoy sa yugto ng panahon sa kasaysayan ng Israel kung kailan dinalang binihag ni Nabucodonosor II ang Israel sa Babilonia. Ito ay isang mahalagang yugto sa kasaysayan ng Bibliya dahil parehong ang pagkabihag/pagkatapon at ang pagbabalik at muling pagtatayo ng Bansang Israel ay katuparan ng mga hula sa Lumang Tipan.
Ginamit ng Diyos ang Babilonia bilang Kanyang kasangkapan ng paghatol laban sa Israel dahil sa kanilang kasalanan na pagsamba sa mga diyus-diyusan at paglaban sa Kanya. Sa aktwal, may iba't ibang panahon sa yugtong ito (607—586 BC) kung kailan dinalang bihag ang mga Hudyo sa Babilonia. Sa bawat pagrerebelde sa pamamahala ng Babilonia, pinangunahan ni Nabucodonosor II ang kanyang hukbo laban sa Juda hanggang sa kubkubin nila ang Jerusalem sa loob ng isang taon, pinatay ang maraming tao at winasak ang templo ng mga Hudyo at binihag ang libo-libung Hudyo at iniwanan ang Jerusalem sa pagkawasak.
Gaya ng inihula sa Kasulatan, papayagan ang mga Hudyo na bumalik sa Jerusalem pagkatapos ng 70 taon ng pagkakatapon. Natupad ang hulang ito noong 537 BC at pinayagan ni haring Ciro ng Persia ang mga Hudyo na bumalik sa Israel at itayong muli ang siyudad at ang templo. Ang pagbabalik ng mga Hudyo sa pangunguna ni Ezra ay nagbunga sa pagpapanibagong sigla sa pananampalataya ng mga Hudyo at sa muling pagtatayo ng templo.
Sa ilalim ng pamamahala ni haring Nabucodonosor II, lumawak ang imperyo ng Babilonia sa buong Gitnang Silangan at noong humigit kumulang 607 BC, napwersa si haring Jehoiakim ng Juda na sumuko at magpaalipin kay Nabucodonosor II (2 Hari 24:1). Sa panahong ito dinala ni Nabucodonosor II ang marami sa magagaling at matatalinong kabataan mula sa bawat siyudad ng Juda kabilang sina Daniel, Hananiah (Sedrac), Mishael (Mesac), at Azariah (Abednego). Pagdaan ng tatlong taon ng paglilingkod kay Nabucodonosor II, nagrebelde si Jehoiakim ng Juda laban sa kanyang pamamahala at muling humingi ng tulong sa bansang Ehipto. Pagkatapos magpadala ng hukbo para lutasin ang rebelyon ng Juda, nagtungo si Nabudonosor II sa Juda noong 598 BS at pagdating sa Jerusalem noong Marso 597 BC, kinubkob ni Nabucodonosor II ang Jerusalem, kinontrol ang buong siyudad, nilimas ang lahat ng mapapakinabangan at dinalang bihag si Jehoiakim at ang anak nitong si Jehoiachin, ang kanyang buong pamilya, kasama ang halos buong populasyon ng Juda at iniwanan lamang ang pinakamahihirap sa lupain (2 Hari 24:8-16).
Nang panahong iyon, itinalaga si Haring Zedekias ni haring Nabucodonosor II upang maghari sa Juda bilang kanyang kinatawan, ngunit pagkatapos ng siyam na taon, hindi pa rin natuto si Zedekias ng leksyon at muling pinangunahan ang Juda sa pagrerebelde laban sa Babilonia sa huling pagkakataon (2 Hari 24–25). Sa impluwensya ng mga bulaang propeta at dahil sa hindi pakikinig sa mga babala ni Jeremias, nagdesisyon si Zedekias na sumali sa isang koalisyon na binubuo ng Edom, Moab, Ammon at Phoenicia sa pagrerebelde laban kay Nabucodonosor II (Jeremias 27:1-15). Ito ang nagtulak kay Nabucodonosor II upang muling kubkubin ang Jerusalem. Bumagsak ang Jerusalem sa kamay ni Nabucodonosor II noong Hulyo 587 o 586 BC, at dinalang bihag si Zedekias sa Babilonia pagkatapos na patayin ni Nabucodonosor ang kanyang mga anak sa kanyang harapan at dukutin ang kanyang mga mata (2 Hari 25). Sa panahong ito, winasak ng lubusan ang Jerusaelm, giniba ang templo at sinunog ang mga kabahayan. Karamihan sa mga Hudyo ay binihag ngunit muli, nagtira si Nabucodonosor II ng mahihirap na Hudyo para magsilbing mga magsasaka at tagapag-alaga ng mga ubasan (2 Hari 25:12).
Tinatalakay sa mga aklat ng 2 Cronica at 2 Hari ang malaking bahagi ng panahon bago bumagsak ang parehong Israel at Juda sa Babilonia. Binabanggit din sa mga aklat na ito ang pagwasak ni Nabucodonosor II sa Jerusalem at ang pasimula ng pagkakabihag ng mga Hudyo sa Babilonia. Isa si Jeremias sa mga propeta sa panahong iyon bago bumagsak ang Jersusalem hanggang sa pagdadalang bihag sa mga Hudyo sa Babilonia. Isinulat naman ang Ezekiel at Daniel habang nasa pagkakatapon sa Babilonia ang mga Hudyo. Tinatalakay naman sa aklat ni Ezra ang pagbabalik ng mga Hudyo sa Israel gaya ng ipinangako ng Diyos sa pamamagitan ng mga propetang si Isaias at Jeremias matapos ang mahigit na 70 taon. Ang aklat naman ni Nehemias ay tumatalakay sa pagbabalik ng mga Hudyo sa Israel at sa pagtatayong muli ng Jerusalem.
May nakapalaking epekto sa bansang Israel ang pagkakabihag/pagkakatapon sa Babilonia ng bumalik sila sa kanilang sariling lupain. Hindi na ito muli pang madudungisan ng pagsamba sa mga diyus-diyusan ng mga bansa sa palibot. Isang pagpapanibagong sigla sa pananampalataya ang naganap sa mga Hudyo pagkatapos nilang makabalik mula sa pagkakabihag at pagkatapos na maitayong muli ang templo. Makikita natin sa mga tala ni Ezra at Nehemias na muling nagbalik-loob ang bansa sa Diyos na nagligtas sa kanila mula sa kanilang mga kaaway.
Gaya ng ipinangako ng Diyos sa pamamagitan ni propeta Jeremias, hinatulan ng Diyos ang mga taga Babilonia dahil sa kanilang kasalanan at bumagsak ang imperyo ng Babilonia sa hukbo ng Persia noong 539 BC, na muling nagpatunay na totoo ang mga pangako ng Diyos.
Ang 70 taon ng pagkakabihag ng mga Hudyo sa Babilonia ay isang malaki at mahalagang bahagi ng kasaysayan ng Israel at dapat na maging pamilyar ang mga Kristiyano sa mga pangyayaring ito. Gaya ng maraming mga pangyayari sa Lumang Tipan, ang talang ito sa kasaysayan ng Israel ay naglalarawan sa katapatan ng Diyos sa Kanyang bayan, sa Kanyang hatol sa kasalanan at sa katiyakan na tutuparin Niya ang Kanyang mga pangako.
English
Ano ang pagkabihag/pagkatapon sa Babilonia?