settings icon
share icon
Tanong

Totoo ba ang muling pagkabuhay ni Hesu Kristo?

Sagot


Napakatibay ng mga ebidensiya sa Kasulatan na si Hesus ay totoong nabuhay na mag-uli mula sa mga patay. Ang pagkabuhay na mag-uli ni Hesus ay nakatala sa aklat ng Mateo 28:1-20; Marcos 16:1-20; Lucas 24:1-53 at Juan 20:1-21:25. Ang pagkabuhay na mag-uli ni Hesus ay binanggit din sa aklat ng Mga Gawa (Gawa 1:1-11). Mula sa mga talatang ito ay makikita ang mga “Katibayan” ng pagkabuhay na mag-uli ni Hesus. Una, mapapansin ang napakalaking pagbabago sa buhay ng mga alagad. Mula sa pagkatakot at pagtatago sa isang silid, tungo sa pagiging matapang na ihayag ang Ebanghelyo sa buong mundo. Ano pa ba ang makapagpapaliwanag sa napakalaking pagbabagong ito sa kanilang buhay kung hindi dahil sa pagpapakita sa kanila ng nabuhay na mag-uling Hesus.

Pangalawang ebidensya ay ang buhay ni Apostol Pablo. Ano ang dahilan ng kanyang pagbabago mula sa pagiging taga-usig ng iglesia sa pagiging apostol ni Kristo? Nangyari ito noong nagpakita sa kanya ang nabuhay na mag-uling Kristo sa daan patungong Damasco (Gawa 9: 1-6). Pangatlo, ang isa sa pinaka-nakakakumbinsing “katibayan” ay ang walang lamang libingan. Kung si Kristo ay hindi nabuhay na mag-uli, nasaan ang Kanyang katawan? Nakita ng mga alagad at ng iba pa ang puntod kung saan siya inilibing. Nang bumalik sila doon, wala na doon ang katawan ni Kristo. Idineklara ng mga Anghel na Siya ay nabuhay na mag-uli at ang pangyayaring iyon ay ayon sa Kanyang ipinangako (Mateo 28:5-7). Pang-apat na katibayan ng Kanyang pagkabuhay na mag-uli ay ang mga taong pinagpakitaan ni Hesus (Mateo 28:5,9,16-17; Marcos 16:9; Lucas 24:13-35; Juan 20:19,24,26-29; 21:1-14; Mga Gawa 1:6-8; 1 Corinto 15:5-7).

Ang isa pang katibayan sa katotohanan ng pagkabuhay na mag-uli ni Hesus ay ang malaking kahalahagan na ibinigay ng mga Alagad sa katuruang ito. Ang isang mahalagang talata sa pagkabuhay muli ni Kristo ay ang 1 Corinto 15. Sa kabanatang ito, ipinaliwanag ni Apostol Pablo kung bakit mahalagang maunawaan at paniwalaan ang pagkabuhay na muli ni Kristo. Ang pagkabuhay na mag-uli ay mahalaga dahil sa sumusunod na mga kadahilanan:

(1) Kung si Kristo ay hindi nabuhay na mag-uli, ang mga mananampalataya ay hindi rin mabubuhay na mag-uli (1 Corinto 15:12-15).

(2) Kung si Kristo ay hindi nabuhay na mag-uli, ang Kanyang paghahandog para sa kasalanan ay hindi sapat (1 Corinto 15:16-19). Ang muling pagkabuhay ni Hesus ay nagpapatunay lamang na ang Kanyang pagkamatay ay tinanggap ng Diyos bilang pangtubos sa ating mga kasalanan. Kung Siya ay namatay at nanatiling patay, nangangahulugan ito na ang Kanyang pagpapakasakit ay walang kabuluhan. Dahil dito, hindi napatawad sa kanilang mga kasalanan ang mga mananampalataya at mananatili silang patay pagkatapos nilang mamatay (1 Corinto 15:16-19) at walang tinatawag na buhay na walang-hanggan (Juan 3: 16). “Ngayon, si Cristo ay ibinangon mula sa mga patay. Siya ang naging unang bunga nila na mga namatay” (1 Corinto 15:20 NAS). Nabuhay na mag-uli si Hesus mula sa kamatayan; Siya ang unang bunga at ang katibayan ng ating pagkabuhay na mag-uli.

(3) Ang lahat ng nananampalataya sa Kanya ay mabubuhay na mag-uli na kagaya Niya (1 Corinto 15:20-23). Inilalarawan sa 1 Corinto 15 kung papaanong ang muling pagkabuhay ni Kristo ang susi sa pagtatagumpay laban sa kasalanan, at binibigyan tayo ng kapangyarihan na matagumpay na mamuhay laban sa kasalanan (1 Corinto 15:24-34).

(4) Inilalarawan din nito ang magiging maluwalhating katayuan ng ating nabuhay na mag-uling mga katawan (1 Corinto 15:35-49).

(5) Itinuturo din ng mga talatang ito na dahil sa pagkabuhay na mag-uli ni Kristo, ang lahat ng mga nananampalataya sa Kanya ay mayroon ng katagumpayan laban sa kamatayan (1 Corinto 15:50-58). Isang napakadakilang katotohanan ang muling pagkabuhay ni Hesus! “Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, magpakatatag kayo, hindi makilos, laging nananagana sa gawain ng Panginoon. Alam ninyo na ang inyong mga pagpapagal ay hindi walang kabuluhan sa Panginoon” (1 Corinto 15:58). Ayon sa Bibliya, ang muling pagkabuhay ni Hesus ay totoo at hindi mapasusubalian ng kahit sino. Naitala sa Bibliya na ang muling pagkabuhay ni Hesus ay nasaksihan ng mahigit na apat na raang katao, at ang ilan sa mga taong iyon ay gumawa ng doktrina tungkol sa katotohanan ng muling pagkabuhay ni Hesu Kristo.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Totoo ba ang muling pagkabuhay ni Hesu Kristo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries